settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kahulugan at kahalagahan Huling Hapunan?

Sagot


Ang Huling Hapunan ay ang tinatawag nating huling pagkain ng Panginoong Jesus kasama ang mga alagad bago ang pagtataksil sa Kanya ni Judas at pagaresto sa Kanya. Ang Huling Hapunan ay nakatala sa sinoptikong Ebanghelyo (Mateo 26:17–30; Markos 14:12–26; Lukas 22:7–30). Hindi lamang ito ang huling pagkain ng Panginoong Jesus: ito din ay Hapunang Pampaskuwa. Ang isa sa pinakamahalagang sandali sa Huling Hapunan ay ang utos na alalahanin ang Kanyang gagawin para sa sangkatauhan: ang pagbubuhos ng Kanyang dugo sa krus ng sa gayon ay mabayaran ang ating kasalanan sa Diyos (Lukas 22:19).

Bilang karagdagan sa panghuhula sa Kanyang pagdurusa at kamatayan para sa ating kaligtasan (Lukas 22:15–16), ginamit din ng Panginoong Jesus ang Huling Hapunan para bigyan ng bagong kahulugan ang Paskuwa, para itatag ang Bagong Tipan, itatag ang ordinansa para sa iglesya, hulaan ang pagtatatwa sa Kanya ni Pedro (Lukas 22:34) at ang pagtataksil ni Judas Iscariote (Mateo 26:21–24).

GInanap ng Huling Hapunan ang pagdiriwang ng Paskuwa sa Lumang Tipan. Ang Paskuwa ay isang espesyal at banal na pagdiriwang para sa mga Judio upang gunitain ang panahon kung kailan iniligtas ng Diyos ang kanilang mga panganay na anak mula sa kamatayan at sa kanilang pagkaalipin sa Ehipto (Exodo 11:1—13:16). Sa Kanyang Huling Hapunan kasama ang mga apostol, gumamit si Jesus ng dalawang simbolo na may kaugnayan sa Paskuwa at binigyan Niya ang mga iyon ng bagong kahulugan upang maalala ng mga mananampalataya ang Kanyang paghahandog na nagligtas sa atin mula sa espiritwal na kamatayan at sa pagkaaliping espiritwal: “Dumampot siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay iyon sa kanila, at nagsabi, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. Sinasabi ko sa inyo, mula ngayo'y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa pagdating ng kaharian ng Diyos.” Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sinabi Niya, “Ito ang aking katawan [na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” Gayundin naman, dinampot niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo” (Lukas 22:17–20).

Ang mga pananalita ni Jesus sa Huling Hapunan tungkol sa tinapay na walang pampaalsa ay pareho sa Kanyang sinabi pagkatapos Niyang magpakain ng 5,000: “Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman. . . . Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. . . . ng kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin” (Juan 6:35, 51, 54–55). Ang kaligtasan ay nakakamtan sa pamamagitan ni Jesu Cristo at sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang pisikal na katawan sa krus.

Doon din sa Huling Hapunan, itinuro ng Panginoong Jesus ang prinsipyo ng pagiging lingkod at pagpapatawad ng Kanyang hugasan ang mga paa ng mga alagad: “Ngunit hindi ganoon ang dapat mangyari sa inyo. Sa halip, ang pinakadakila ang dapat lumagay na pinakamababa, at ang namumuno ay maging tagapaglingkod. Sino ba ang higit na nakakataas, ang nakadulog sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakadulog sa hapag? Ngunit ako'y kasama ninyo bilang isang naglilingkod” (Lukas 22:26–27; Juan 13:1-20).

Sa kasalukuyan, inaalala natin ang Huling Hapunan sa tuwing Hapag ng Panginoon o komunyon (1 Corinto 11:23–33). Itinuturo ng Bibliya na ang kamatayan ni Cristo ay inilarawan ng paghahandog ng handog na pampaskuwa (Juan 1:29). Itinuro ni Juan na kahalintulad ng kamatayan ni Jesus ang Paskuwa sa hindi pagkabali ng kanyang mga buto (Juan 19:36; cf. Exodo 12:46). Sinabi ni Pablo, “Sapagkat naihandog na ang ating Korderong Pampaskwa na walang iba kundi si Cristo” (1 Corinto 5:7). Si Jesus ang kaganapan ng Kautusan, maging ng mga Kapistahan ng Panginoon (Mateo 5:17).

Karaniwang ang Huling Hapunan ay isang selebrasyong pampamilya. Gayunman, sa Huling Hapunan, ang Panginoong Jesus ang kasama ng mga apostol hindi ang kanilang sariling pamilya (Lukas 22:14), na nagpapahiwatig na ang hapunang ito ay may partikular na kahulugan para sa iglesya na ang mga apostol ang naging pundasyon (Efeso 2:20). Habang may implikasyon din ang Huling Hapunan para sa mga Hudyo, idinisenyo din naman ito para sa iglesya. Sa kasalukuyan, ang Hapag ng Panginoon ay isa sa mga ordinansa na ginaganap ng iglesya.

Ang Huling Hapunan ay nag-ugat sa Lumang Tipan at inihayag sa Bagong Tipan. Ipinangako sa Jeremias 31:31 ang isang Bagong Tipan sa pagitan ng Diyos at ng Israel, kung saan sinabi ng Diyos, “Ganito ang gagawin kong kasunduan sa bayan ng Israel pagdating ng panahon: Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan; isusulat ko ito sa kanilang mga puso. Ako ang kanilang magiging Diyos at sila ang aking magiging bayan” (Jeremias 31:33). Direktang tinukoy ni Jesus ang Bagong Tipang ito sa Huling Hapunan: “Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel” (Lukas 22:20). Isang bagong dispensasyon ang inumpisahan. Sa biyaya ng Diyos, ang Bagong Tipan ay hindi lamang para sa Israel; ang lahat ng sumasampalataya kay Cristo ay maliligtas (tingnan ang Efeso 2:12–14).

Ang Huling Hapunan ay isang napakahalagang pangyayari kung saan ipinapahayag ang bagong yugto sa plano ng Diyos sa mundo. Sa pagkukumpara sa pagpapapako kay Cristo sa Pista ng Paskuwa, agad nating makikita ang kalikasan ng kamatayan ni Cristo sa relasyon nito sa pagtubos ng Diyos. Gaya ng sinisimbolo ng orihinal na handog sa araw ng Paskuwa sa Lumang Tipan, ang kamatayan ni Jesus ang nagpapalubag loob sa Diyos para sa kasalanan ng Kanyang bayan; ang Kanyang dugo ang nagliligtas sa atin mula sa kamatayan at mula sa pagkaalipin sa kasalanan. Ngayon, sa tuwing ginugunita ang Huling Hapunan, inaalala ng mga mananampalataya ang perpektong handog ni Cristo at nalalaman na, sa pamamagitan ng ating pananampalataya at pagtanggap sa Kanya, makakapiling natin Siya magpakailanman (Lukas 22:18; Pahayag 3:20).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kahulugan at kahalagahan Huling Hapunan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries