Tanong
Ano ang mangyayari sa Huling Paghuhukom?
Sagot
Ang unang bagay na dapat maunawaan tungkol sa Huling Paghuhukom ay hindi ito maiiwasan ng sinuman sa anumang kaparaanan. Anuman ang piliin nating pakahulugan sa mga hula tungkol sa Huling Paghuhukom, sinabi sa atin sa Bibliya na, "Itinakda sa mga tao na minsang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom" (Hebreo 9:27).
Ang bawat isang tao sa mundo ay may nakatakdang sandali ng pagharap sa kanyang Manlilikha. Itinala ni Apostol Juan ang ilang mga detalye ng magaganap sa Huling Paghuhukom: "At nakita ko ang isang malaking luklukang maputi, at ang nakaluklok doon, na sa kaniyang harapan, ang lupa at ang langit ay tumakas; at walang nasumpungang kalalagyan nila. At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa. At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila: at sila'y hinatulan bawa't tao ayon sa kanikaniyang mga gawa. At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy. At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy" (Pahayag 20:11-15).
Ang kahanga-hangang talatang ito ang nagpapaunawa sa atin tungkol sa darating na Huling Paghuhukom sa lahat ng tao. Ito ang katapusan ng kasaysayan ng tao at ang pasimula ng walang hanggang kalagayan. Tiyak na magaganap ang sandaling ito: tayong lahat ay huhukuman ng banal na Diyos (Mateo 5:48; 1 Juan 1:5). Ang katotohanang ito ay sinusuportahan ng hindi mapapasubaliang katibayan tungkol sa karakter ng Diyos. Una, ang Diyos ay ganap na makatarungan (Gawa 10:34; Galacia 3:28). Ikalawa, hindi Siya kayang dayain ng sinuman (Galacia 6:7). Ikatlo, hindi maaapektuhan ang Kanyang magiging desisyon ng anumang pagsisinungaling o pagdadahilan ng tao (Lukas 14:16-24). Bilang Anak ng Diyos, si Hesu Kristo ang Hukom ng lahat (Juan 5:22). Ang lahat ng hindi mananampalataya ay huhukuman ni Kristo sa harap ng ‘malaking luklukang maputi’ at parurusahan sila ayon sa kanilang mga ginawa.
Malinaw ang itinuturo ng Bibliya na ang mga hindi mananampalataya ay nagtitipon ng sumpa ng Diyos para sa kanilang sarili (Roma 2:5) at ibibigay ng Diyos sa bawat tao ang nararapat para sa kanyang mga ginawa (Roma 2:6). (Huhukuman din ang mga mananampalataya sa isang naiibang paghuhukom na tinatawag na ‘hukuman ni Kristo’ (Roma 14:10), ngunit dahil ipinagkaloob sa atin ang katuwiran ni Kristo at dahil nakasulat na ang ating pangalan sa Aklat ng Buhay, hindi tayo huhukuman upang parusahan kundi upang gantimpalaan, ayon sa ating mga ginawa habang nabubuhay pa tayo sa lupa bilang mga mananampalataya. Sa huling paghuhukom, daranasin ng mga hindi mananampalataya ang poot ng Diyos na Siyang nakaaalam ng lahat ng mga bagay.
Ang ating hinaharap ay nakasalalay sa ating mga desisyon at ginagawa ngayon. Dalawa lamang ang hantungan ng ating paglalakbay sa lupa: kung hindi sa walang hanggang kaligayahan sa langit ay sa walang hanggang paghihirap sa apoy ng impiyerno (Mateo 25:46). Kailangan mong gumawa ng desisyon kung tatanggihan mo o tatanggapin ang ginawang paghahandog ni Hesus ng Kanyang sariling buhay sa krus upang maging kahalili ng mga makasalanan. Dapat mong gawin ang desisyong ito habang may pagkakataon pa, habang nabubuhay pa ang iyong pisikal na katawan dito sa lupa. Pagkatapos ng kamatayan, wala ng pag-asa pa para sa kaligtasan at ang naghihintay na lamang ay ang iyong pagharap sa hukuman ng Diyos kung saan hayag ang lahat ng bagay at wala kang maitatago sa Kanyang harapan (Hebreo 4:13). Magsisi ka na ngayon at magtiwala sa ginawa ni Kristo sa Krus at ipaglingkod sa Kanya ang iyong nalalabing buhay. Idineklara sa Roma 2:6 na ang Diyos "ang magbibigay sa bawa't tao ayon sa kaniyang mga gawa."
English
Ano ang mangyayari sa Huling Paghuhukom?