Tanong
Sino / Ano ang ‘humahadlang’ sa 2 Tesalonica 2:6?
Sagot
Ang mga magaaral ng hula sa Bibliya ay may magkakaibang pananaw sa pagkakakilanlan ng “humahadlang” sa 2 Tesalonica 2:6–7. Sinuman ang humahadlang na ito, Siya ay may malaking kapangyarihan para hadlangan ang paglabas ng Antikristo at ang kaharian ni Satanas para lubos na pagharian ang mundo.
Sa kanyang ikalawang sulat sa mga taga Tesalonica, tiniyak ni Pablo sa iglesya na hindi pa sila nabubuhay sa Araw ng Panginoon o hindi pa nagsisimula ang paghatol sa pagwawakas ng panahon. Sinasabi niya sa 2 Tesalonica 2:3, “Huwag kayong magpapadaya kaninuman sa anumang paraan. Hindi darating ang Araw ng Panginoon hangga't di pa nagaganap ang huling paghihimagsik laban sa Diyos at ang paglitaw ng Suwail na itinakda sa kapahamakan.” Ayon sa panahon ng Diyos, ang Araw ng Panginoon at ang mga kasama nitong paghatol ay hindi magsisimula hangga’t hindi nagaganap ang dalawang bagay: isang pangbuong mundong paglaban sa Diyos ang magaganap at ang paghahayag sa Antikristo. Pagkatapos, binanggit ni Pablo ang humahadlang sa Diyablo sa kasaluluyan: “Hindi pa nga lamang nangyayari ito dahil may pumipigil pa, at alam ninyo kung ano iyon. Lilitaw ang Suwail pagdating ng takdang panahon. Ngayon pa man ay gumagawa na ang hiwaga ng kasamaan at mananatiling ganyan hangga't di naaalis ang humahadlang sa kanya. Kung maalis na ang humahadlang, malalantad na ang Suwail” (2 Tesalonica 2:6–8).
Hindi partikular na binanggit ni Pablo kung sino o ano ang pumipigil na ito sa Suwail dahil alam na ito ng mga taga-Tesalonica. Marami ang pala-palagay ng mga iskolar kung sino ang pumipigil na ito. Ang ilan sa mga ito ay 1) ang gobyerno ng Roma; 2) ang pangangaral ng Ebanghelyo; 3) ang pagtatali kay Satanas; 4) ang probidensya ng Diyos; 5) ang estado ng mga Judio; 6) ang iglesya; 7) ang Banal na Espiritu; at 8) Si Miguel Arkanghel. Naniniwala kami na ang pumipigil na ito sa Suwail ay walang iba kundi ang Banal na Espiritu. Masasabi naming ito ang Banal na Espiritu na gumagawa sa iglesya sa Bagong Tipan.
Ang suporta sa ideya na ang Banal na Espiritu sa loob ng iglesya ang humahadlang ay ang katotohanan na ang humahadlang na ito ay parehong tinukoy na walang kasarian sa talata 6 at bilang isang persona (lalaki ang kasarian, talata 7). Gayundin, may kapangyarihan ito na pumigil sa plano ni Satanas sa kanyang pagpapakita sa bulaang Mesiyas. Mas kapani-paniwala na sabihin na ang Banal na Espiritu ang humahadlang sa Diyablo kaysa sa isang kapangyarihan sa pulitika o isang anghel. Ang Banal na Espiritu ng Diyos ang tanging persona na may sapat (supernatural) na kapangyarihan para hadlangan ang Diyablo.
Siyempre, ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa pamamagitan ng mga mananampalataya para ito isakatuparan. Ang Iglesya ay pinananahanan ng Espiritu ng Diyos at laging bahagi ng paghadlang sa sosyedad mula sa alon ng makasalanang pamumuhay. Sa isang punto, sinasabi ni Pablo na titigil ang Espiritu sa Kanyang gawain ng paghadlang at hahayaan na maghari sa sangkatauhan ang kasalanan. Maaring literal na isalin ang 2 Tesalonica sa ganito, “Ang lihim na suwail ay gumagawa na ngayon, pero hindi pa ito mahahayag hangga’t Siya na humahadlang ay mawala sa ating kalagitnaan.” Naniniwala kami na ang “pagkawalang ito sa ating kalagitnaan” ay magaganap sa panahon kung kailan lilisanin ng iglesya ang mundo sa rapture o pagdagit. Siyempre naririto pa rin sa mundo ang Banal na Espiritu, pero “aalisin Siya sa daan” sa isang paraan na ang Kanyang natatanging ministeryo ng paghadlang sa kasalanan—sa pamamagitan ng mga anak ng Diyos—ay aalisin (tingnan ang Genesis 6:3).
Malinaw ang itinuturo ng 2 Tesalonica 2 na ang pag-alis sa impluwensya ng humahadlang ay unang magaganap bago mahayag ang Antikristo. Bibigyan ng malayang pamumuno sa panahon ng kapighatian, gagawa ang Suwail “ng lahat ng uri ng mapanlinlang na mga himala at kababalaghan” para dayain ang mga tao sa mundo (2 Tesalonica 2:9–10). Pagkatapos ng panahon ng Antikristo, magbabalik ang Panginoong Jesus at tatapusin ang Suwail “sa pamamagitan ng hininga mula sa kanyang bibig at pupuksain [ito] sa pamamagitan ng kanyang nakakasilaw na liwanag” (2 Tesalonica 2:8). Nahahadlangan pa ang “Masama” ngayon; kapag natapos na ang panahon ng iglesya, ang humahadlang sa kasamaan ay aalisin at ang paglaban sa Diyos ay tila mananaig; gayunman, tiyak ang ganap na pagkatalo ng kasamaan.
English
Sino / Ano ang ‘humahadlang’ sa 2 Tesalonica 2:6?