settings icon
share icon
Tanong

Nararapat ba na patuloy na humingi ng tawad ang mga Kristiyano?

Sagot


Ang isang tanong na laging itinatanong ay, "Ano ang mangyayari kung ako ay magkasala at pagkatapos ay mamatay ng hindi nakahingi ng tawad sa Diyos?" Ang isa pang karaniwang tanong ay, "ano ang mangyayari kung ako ay magkasala ngunit nalimutan ko na ang kasalanang iyon at hindi ko iyon naihingi ng tawad sa Diyos?" Ang parehong tanong ay bunga ng maling akala. Ang kaligtasan ay hindi tungkol sa patuloy na paghingi ng tawad ng isang mananampalataya sa bawat kasalanang kaniyang nagagawa bago siya mamatay. Ang kaligtasan ay hindi dahil sa kung ang isang Kristiyano ba ay nagpahayag at nagsisi sa bawat kasalanan. Oo, dapat tayong magpahayag ng ating pagkakasala sa Diyos sa tuwing tayo ay nagkakasala sa Kanya. Gayunman, hindi kailangan na lagi lagi tayong humingi ng tawad sa Diyos upang maligtas. Nang ating ilagak ang ating pananampalataya kay Hesus at magsisi sa ating mga kasalanan, ang lahat ng ating mga kasalanan ay napatawad na. Kabilang sa mga kasalanang ito ang nakaraan, kasalukuyan at ang ating mga kasalanan sa hinaharap. Hindi kailangang patuloy na humingi ng tawad ang isang mananampalataya upang mapatawad ang kaniyang mga kasalanan. Binayaran na ni Hesus ang kabayaran ng ating mga kasalanan, at ng patawarin Nya ang ating mga kasalanan, lahat ng mga iyon ay Kanya ng pinatawad (Colosas 1:14; Mga Gawa 10:43).


Ang dapat nating gawin ay ipahayag ang ating mga kasalanan: "Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, maaasahan nating ipatatawad sa atin ng Diyos ang mga ito at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siya'y matuwid" (1 Juan 1:9). Ang sinasabi sa atin ng talatang ito ay "ipahayag" natin ang ating mga kasalanan sa Diyos" Ang salitang "ipahayag" sa wikang Griego ay "sumang ayon sa Diyos". Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan sa Diyos, sumasang ayon tayo sa Diyos na tayo ay nagkasala at tayo ay mali at Siya ang tama. Pinatatawad tayo ng Diyos dahil sa pagpapahyag natin ang ating mga kasalanan sa tuwina dahil sa katotohanan na Siya "tapat at banal". Paanong ang Diyos ay :tapat at banal?" Siya ay tapat dahil sa kanyang pagpapatawad sa ating mga kasalanan na Kanyang ipinangako sa lahat ng tumanggap kay Kristo bilang kanilang Tagapagligtas. Siya ay makatarungan ng singilin Niya ang kabayaran ng ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesus at dahil doon, kinikilala ng Diyos na ang ating mga kasalanan ay pinawalang sala na.

Gayun din naman,ipinahahayag ng 1 Juan 1:9 na ang kapatawaran ay nakasalalay sa ating pagpapahayag ng kasalanan sa Diyos. Paano ito mangyayari kung ang lahat ng ating mga kasalanan ay napatawad na sa oras na tayo ay nagtiwala kay Kristo? Ang kapatawaran na inilalarawan sa talatang ito ni apostol Juan ay "pagpapatawad" para sa pagpapanumbalik ng ating maayos na relasyon sa Diyos. Ang lahat ng ating mga kasalanan ay napatawad dahil sa ating posisyon sa Diyos ng tanggapin natin si Hesus bilang Tagapagligtas. Ang posisyonal na pagpapatawad ay tinitiyak ang ating kaligtasan at ang pangako sa atin na buhay na walang hanggan sa langit. Sa ating pagtayo sa harapan ng Diyos pagkatapos ng ating kamatayan, hindi ipagkakait ng Diyos ang ating pagpasok sa langit dahil sa ating mga kasalanan. Iyan ang posisyonal na pagpapatawad. Ang konsepto ng relasyonal na pagpapatawad ay dahilan sa katotohanan na sa tuwing tayo ay nagkakasala, sinasaktan natin ang Diyos at pinipighati ang Banal na Espiritu (Efeso 4:30).

Habang pinatawad na ng Diyos ang lahat ng ating mga kasalanang nagawa, nagreresulta pa rin ang ating mga kasalanang patuloy na nagagawa sa pagkakaroon natin ng hindi maayos na relasyon sa Diyos. Ang isang kasalanan ng isang bata sa kanyang ama ay hindi magiging dahilan upang mawala ang kanyang pagiging anak at pagiging kabilang sa pamilya. Ang isang maka Diyos na ama ay patatawarin ang kasalanan ng kanyang anak ng walang kundisyon. Ngunit gayundin naman, hindi makakamit ang dating maayos na pagtitinginan sa pagitan ng ama at ng anak hanggat hindi nanunumbalik ang kanilang magandang relasyon. Mangyayari lamang ito kung ang bata ay magpapahayag ng kanyang kasalanan at humingi ng tawad sa kanyang ama. Iyan ang dahilan kung bakit dapat tayong magpahayag ng ating mga nagagawang kasalanan sa Diyos sa tuwina - hindi upang panatilihin ang ating kaligtasan, kundi upang ibalik ang ating magandang relasyon sa ating Diyos Ama na umibig at ganap na nagpatawad sa atin.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Nararapat ba na patuloy na humingi ng tawad ang mga Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries