Tanong
Ano ang mga huwad na apostol?
Sagot
Ang mga huwad na apostol ay mga tao na nagpapanggap bilang mga Kristiyanong tagapanguna, na nagaanyaya ng mga tagasunod at pagkatapos ay inililigaw sila. Ang isang tunay na apostol ay isang taong "sinugo" ng Diyos bilang kinatawan ng Panginoong Jesu Cristo taglay ang mensahe ng Diyos. Ang isang huwad na apostol ay isang nagpapanggap at hindi tunay na kumakatawan kay Kristo at huwad ang dala-dalang mensahe.
Sa 2 Corinto 11, tinalakay ni apostol Pablo ang problema tungkol sa mga huwad na apostol na pumapasok sa iglesya sa Corinto. Inilarawan niya ang mga huwad na apostol na "nagmamalaki na ang paglilingkod nila ay tulad ng aming ginagawa" (talata 12). Ang aklat ng 2 Corinto ay isa sa mas sarkastikong sulat ni Pablo habang nakikipagtalo sa iglesya upang kilalanin nila ang mga maling katuruan na nakapasok sa kanilang kalagitnaan. Inihambing niya ang kanyang nagpapakasakit na paglilingkod sa paglilingkod ng mga "magagaling na aspotol" (talata 5) na umaakit sa iglesya gamit ang mahusay na pananalita at karunungan ng mundo. Nagpapanggap ang mga impostor na ito bulang mga tunay na lingkod ni Kristo ngunit hindi nila nakikilala ang Panginoon. Sila ay mga mandaraya, at sinisila ang mga mapaniwalaing mga Kristiyano sa Corinto upang makinabang at itaas ang kanilang sarili. Sinumbatan ni Pablo ang iglesya na at sinabi sa kanila, "Pinapagtiisan ninyong kayo'y alipinin, sakmalin, pagsamantalahan, maliitin, o sampalin" (talata 20). Ikinumpara pa niya ang mga impostor na ito mismong kay Satanas na "nagkukunwaring anghel ng liwanag" (talata 14).
Binalaan din ni Pablo ang mga matatanda sa Efeso tungkol sa mga huwad na apostol: "Alam kong pagkaalis ko'y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad nilang lalapain ang kawan. Mula na rin sa inyo'y may lilitaw na mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mahikayat na sumunod sa kanila ang mga alagad" (Gawa 20:29). Pinakinggan nila ang kanyang mga sinabi dahil sa Pahayag 2, pinuri ni Jesus ang iglesya sa Efeso dahil sa kinilala nila ang mga bulaang apostol sa kanilang kalagitnaan at tinanggihan nila ang mga ito.
Naging napakarami ng mga bulaang guro at huwad na mga apostol sa buong kasaysayan ng iglesya. Patuloy pa rin silang pumapasok sa mga mapagtiwalang iglesya at nakakapagdala pa maging ng mga buong denominasyon sa maling katuruan at apostasiya o pagtalikod sa katotohanan (tingnan ang 1 Timoteo 4:1–4). Ibinigay sa atin sa Kasulatan ang malinaw na babala kung itutuon natin ang ating pansin. Sinasabi sa 1 Juan 4:1, "Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat nagsasabing nasa kanila ang Espiritu. Sa halip, subukin ninyo sila upang malaman kung talagang mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila, sapagkat marami nang huwad na propeta sa mundong ito."
Ang mga sumusunod ang ilang paraan upang ating makilala ang mga huwad na apostol:
1. Tinatanggihan ng mga huwad na apostol ang alinman o lahat ng katotohanan patungkol sa pagkakakilanlan at pagkaDiyos ni Jesu Cristo. Sa 1 Juan 4:2-3, nagbabala si Juan sa kanyang mga mababasa laban sa katuruan ng gnostisismo; ang pagsusuri, ayon kay Juan ay ang katuruan patungkol kay Kristo: "Ito ang palatandaan na ang Espiritu ng Diyos nga ang nasa kanila: kung ipinapahayag nila na si Jesu-Cristo ay dumating bilang tao. Kung hindi gayon ang kanilang ipinapahayag tungkol kay Jesus, hindi mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila. Ang espiritu ng Kaaway ni Cristo ang nasa kanila. Narinig na ninyong ito'y darating at ngayon nga'y nasa sanlibutan na." Maraming kaparaanan ang ginagawang pagtanggi ng isang masamang espiritu na si Jesus ang Kristo. Mula sa mga makademonyong kulto hanggang sa mga denominasyon na bumaling papalayo sa Ebanghelyo, patuloy ang mga masasamang espiritu sa paninirang-puri kay Kristo. Ang sinumang tagapagturo na tinatangkang magalis o magdagdag ng anuman sa natapos na gawain Kristo sa krus para sa ating kaligtasan ay isang bulaang tagapagturo (Juan 19:30; Gawa 4:12).
2. Itinutulak ang mga bulaang apostol ng kasakiman, kahalayan, o kapangyarihan. Detalyadong inilarawan sa 2 Timoteo 3:1–8 ang mga bulaang tagapagturo: "Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos. Sila'y magiging walang pagmamahal sa kapwa, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, marahas, at walang pagpapahalaga sa mabuti. Sila'y magiging mga taksil, padalus-dalos, mayayabang, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. Sila'y may anyo ng pagiging maka-Diyos, ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay. Iwasan mo ang ganyang uri ng mga tao. May ilan sa kanila na gagamit ng panlilinlang upang makapasok sa mga bahay ng mga babaing madaling malinlang. Ang mga babaing ito'y inuusig ng bigat ng kanilang mga pagkakasala at itinutulak sa sari-saring pagnanasa. Lahat na'y gustong matutunan ng mga babaing ito ngunit kailanma'y hindi nila nauunawaan ang katotohanan. At tulad nina Janes at Jambres na sumalungat kay Moises, sila ay sumasalungat din sa katotohanan. Wala silang iniisip na kabutihan at hindi tunay ang kanilang pananampalataya" (Mateo 7:16, 20; cf. Judas 1:4).
3. Tinatanggihan o pinipilipit ng mga bulaang apostol ang Bibliya bilang hindi nagkakamali at kinasihang Salita ng Diyos (2 Timoteo 3:16). Sa Galacia 1:8–9, sinalungat ni Pablo ang legalismo sa pamamagtan ng mabibigat na pananalitang ito: "Subalit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na iba sa ipinangaral namin sa inyo, parusahan nawa siya ng Diyos! Sinabi na namin ito sa inyo, at inuulit ko ngayon, parusahan nawa ng Diyos ang sinumang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na naiiba kaysa tinanggap na ninyo." Ang mga sulat ng mga apostol na kinasihan ng Diyos ay bahagi ng Salita ng Diyos at walang sinuman ang may karapatan na baguhin ang kanilang mensahe.
4. Tumatanggi ang mga bulaang apostol na magpasakop sa mga taong espiritwal sa halip, itinuturing nila ang kanilang sarili na may pinakamataas na awtoridad (Hebreo 13:7; 2 Corinto 10:12). Lagi silang gumagamit ng matataas na titulo para sa kanilang sarili gaya ng "Obispo," "Apostol," "Reverend," o "Father." Hindi ito nangangahulugan na lahat ng gumagamit ng mga titulong ito ay bulaang apostol, kundi gustong gusto ng mga impostor na ito ang mga matataas na titulo at nagiimbento ng sariling titulo para sila pakinggan ng mga tao.
Maaaring lumabas ang mga huwad na apostol saan mang lugar kung saan hindi ganap ang kapamahalaan ng Salita ng Diyos. Mula sa mga organisadong iglesya hanggang sa mga pagaaral ng Bibliya sa mga tahanan, dapat na lagi tayong magbantay laban sa mga "bagong katuruan" o "rebelasyon" na hindi nakapailalim sa "buong layunin ng Diyos" (Gawa 20:27).
English
Ano ang mga huwad na apostol?