settings icon
share icon
Tanong

Paano natin malalaman ang huwad na himala?

Sagot


Sa Mateo 24:24, binalaan tayo ni Jesus, "Sapagkat may lilitaw na mga huwad na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kamangha-manghang himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang ng Diyos." Kagaya rin ito ng 2 Tesalonica 2:9 "Paglitaw ng Suwail, taglay niya ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng mapanlinlang na mga himala at kababalaghan."

Noong sinugo ng Diyos si Moises para iligtas ang mga Israelita sa Ehipto, nagsagawa ang Diyos ng mga mahimalang palatandaan sa pamamagitan ni Moises para patunayan na si Moises ay Kanyang tunay na mensahero. Gayunman, sinasabi sa Exodo 7:22, "At ang mga mahiko sa Egipto ay gumawa ng gayon din, sa pamamagitan ng kanilang mga engkanto; at ang puso ng Faraon ay nagmatigas, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon" (Tingnan din ang Exodo 7:11 at 8:7). Ipinakita ng Diyos ang Kanyang higit na kagalingan sa pagpapakita ng himala na kahit ang mahikero, o mas tamang sabihin, na kahit ang mga demonyo na nagbigay ng kapangyarihan sa mga mahikero, ay hindi kayang gayahin (Exodo 8:18, 9:11). Subalit nananatili pa rin ang katotohanan na ang mga mahikero ng Faraon ay nakakagawa rin ng himala. Kaya, kung ang mga himala ay pwedeng manggaling sa Diyos o sa diyablo, paano natin malalaman ng malinaw ang pagkakaiba nila?

Hindi nagbigay ang Bibliya ng tiyak na katuruan kung paano makikilala ang huwad na himala. Gayunman, ang Bibliya ay nagbigay ng tiyak na katuruan kung paano makikilala ang huwad na mangangaral. "Makikilala mo sila sa kanilang mga gawa" (Mateo 7:16, 20). Ipinaliwanag itong mabuti sa 1 Juan 4:2-6 "Ito ang palatandaan na ang Espiritu ng Diyos nga ang nasa kanila: kung ipinapahayag nila na si Jesu-Cristo ay dumating bilang tao. Kung hindi gayon ang kanilang ipinapahayag tungkol kay Jesus, hindi mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila. Ang espiritu ng Kaaway ni Cristo ang nasa kanila. Narinig na ninyong ito'y darating at ngayon nga'y nasa sanlibutan na. Mga anak, kayo nga'y sa Diyos at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad na propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan. Sila'y makasanlibutan, kaya't mula rin sa sanlibutan ang itinuturo nila, at nakikinig sa kanila ang mga makasanlibutan. Ngunit tayo'y sa Diyos. Ang sinumang kumikilala sa Diyos ay nakikinig sa atin; ngunit hindi nakikinig sa atin ang sinumang hindi sa Diyos. Sa ganito nga natin nakikilala ang Espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kasinungalingan."

Ang dalawang talatang ito ay nagpapakita ng dalawang pamamaraan kung paano makikilala ang bulaan o huwad na propeta. Una, suriin ang kanyang mga gawa o gawain. Nagpapakita ba sya ng katangian na gaya ng kay Jesus na kapat-dapat para maging sugo ng Diyos (1 Timoteo 3:1-13)? Pangalawa, suriin ang kanyang itinuturo. Ang kanya bang itinuturo ay umaayon sa Salita ng Diyos (2 Timoteo 2:15; 3:16-17; 4:2; Hebreo 4:12)? Kung ang tagapagturo o guro ay nabigo sa mga pagsubok na ito, hindi sya galing sa Diyos. Hindi mahalaga kung ilang himala ang kanyang nagawa. Kung ang tao ay wala sa katotohanan o hindi nagtuturo ng katotohanan, maaari nating ipagwalang-bahala ang kahit anong himalang ginawa nya. Ang himala na ginawa ng bulaang propeta ay tiyak na hindi galing sa Diyos.

Sa Bagong Tipan, ang mga apostol at kanilang mga kasama lamang ang nagpapakita ng himala. Ang mga himala ay nagsilbing patunay sa Mabuting Balita at sa gawain ng mga apostol (Gawa 2:43; 5:12; 2 Corinto 12:12; Hebreo 2:4). Habang hindi natin dapat pagdudahan ang kakayahan ng Diyos na magpakita ng mga himala, ang Biblikal na layunin ng mga himala ay para bigyan tayo ng ilang antas ng pag-aalinlangan sa mga makabagong himala sa ating henerasyon ngayon. Habang hindi ayon sa Bibliya ang pagsasabing "hindi na gumagawa ng himala ang Diyos," malinaw na nagsasabi ang Bibliya na ang kailangan nating hanapin ay ang katotohanan, hindi ang mga himala (Mateo 12:39).

Nakakawiling isipin na ang mga himala sa Bibliya ay napatunayan ng mga sugo noon, pero ngayon, ang mga himala ay hindi na kailangang maging ebidensya para sa tunay na sugo ng Diyos. Ang dahilan ng pagkakaiba ay ang Salita ng Diyos. Ngayon ay may kumpleto na tayong Katuruan ng Banal na Kasulatan at ito'y isang gabay na hindi maaaring magkamali. Mayroon tayong mas siguradong Salita (2 Pedro 1:19). Maaari natin itong gamitin para sa malinaw na kaalaman kung ang mensahe ay galing sa Diyos o hindi. Ang mga himala ay maaring maging huwad. Kaya naman, itinuturo tayo ng Diyos sa Kanyang mga Salita. Maaari tayong iligaw ng mga tanda at kababalaghan ngunit ang Salita ng Diyos ay laging ilaw sa ating landas (Awit 119:105).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano natin malalaman ang huwad na himala?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries