Tanong
Ano ang ibig sabihin ng “huwag makipamatok”?
Sagot
Ang parirala na “huwag makipamatok” ay nanggaling sa 2 Corinto 6:14: “Huwag kayong makipamatok ng kabilan sa mga di nagsisisampalataya: sapagka't anong pakikisama mayroon ang katuwiran at kalikuan? o anong pakikisama mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman?” Sinasabi sa ibang bersyon,” Huwag na kayong makipag-isa sa mga di sumasampalataya.”
Ang isang pamatok ay isang kahoy na naguugnay sa dawalang baka sa isa’t isa habang gumigiik o nagtatrabaho. Ang tambalan kung saan ang isa ay mas mahina o mas malakas o kaya naman ang isa ay mas mataas o mas mababa kaysa isa ay hindi maayos na tambalan at isang “pakikipamatok.” Ang mas mahina at mas mababang baka ay lalakad ng mas mahina kaysa sa mataas at mas malakas na baka at magiging dahilan ito upang mawalan sila ng direksyon at magpaikot ikot lamang sa isang lugar. Kung hindi maayos ang tambalan ng dalawang baka, hindi nila magagawa ang trabahong dapat nilang gawin. Sa halip na magtrabahong magkasama, magkokontrahan sila sa isa’t isa.
Ang tagubilin ni Pablo sa 2 Corinto 6:14 ay bahagi ng isang mas mahabang pagtuturo para sa iglesya sa Corinto sa paksa ng pamumuhay Kristiyano. Binalaan niya sila na huwag magkaroon ng pakikisama sa mga hindi mananampalataya dahil magkasalungat sila sa lahat ng bagay, kung paanong hindi maaaring magsama ang dilim at liwanag. Wala silang pagkakatulad sa isa’t isa, gaya ng walang pagkakatulad kay Kristo at kay Belial, isang salitang Hebreo na nangangahulugan na “walang kabuluhan” (tal. 15). Tinutukoy dito ni Pablo si Satanas. Ang ideya sa pariralang ito ay nasa ilalim ng mga prinsipyo ni Satanas ang mga pagano, hindi mananampalataya at mga makasalanan at nararapat na humiwalay ang mga mananampalataya mula sa kanila gaya ni Kristo na humiwalay sa mga pamamaraan, layunin at plano ni Satanas. Wala Siyang partisipasyon sa kanila at wala Siyang pakikipag kaisa sa kanila at ganito rin ang dapat mangyari sa Kanyang mga tagasunod sa kanilang pamumuhay sa mundo. Ang pagtatangka na mabuhay bilang Kristiyano kasama ng mga hindi mananampalatayang kaibigan ay magreresulta sa isang buhay na walang direksyon.
Ang “pakikipamatok” ay laging iniuugnay sa negosyo. Para sa isang Kristiyano, ang pakikisosyo sa isang hindi Kristiyanong negosyante ay pagiimbita ng kaguluhan. Magkaiba ang kanilang pananaw sa mundo maging sa pamantayan sa moralidad at ang kanilang mga desisyon at prinsipyo sa negosyo ay tiyak na magkakasalungatan. Upang maging matagumpay ang kanilang relasyon, kailangang iwanan o itakwil ng isa sa kanila ang kanyang pamantayan at prinsipyo upang manatili silang magkasama. Mas madalas na ang mananampalataya ang nakikipagkompromiso at natutukso na iwaksi ang mga prinsipyo bilang Kristiyano kapalit ng kikitain at pagunlad ng negosyo.
Tiyak na ang pinakamalapit na pakikisama na maaaring magkaroon ang isang Kristiyano ay matatagpuan sa pagaasawa, at malimit na inilalapat ang mga talatang ito sa paksa ng pagaasawa. Plano ng Diyos para sa lalaki at babaeng magasawa na sila ay maging “isang laman” (Genesis 2:24), isang relasyon na napakalapit na ang isa ay literal na nagiging bahagi ng isa. Ang pakikipagisa ng isang mananampalataya sa isang hindi mananampalataya sa matrimonyo ng kasal ay pagiisa ng dalawang ganap na magkaiba, at tiyak na ang resulta nito ay isang napakamasalimuot na relasyon.
English
Ano ang ibig sabihin ng “huwag makipamatok”?