Tanong
Bakit tayo inutusan ni Jesus na manalangin na 'huwag mo kaming ipahintulot sa tukso' kung sinabi ng Diyos na hindi Niya tayo tinutukso?
Sagot
Alam natin na sinasabi sa Santiago 1:13 na hindi tayo tinutukso ng Diyos na magkasala. Kung tinukso tayo ng Diyos na magkasala, Siya ay kumikilos nang salungat sa Kanyang banal na kalikasan, laban sa Kanyang pagnanais na tayo ay maging banal bilang Siya ay banal (1 Pedro 1:16), at laban sa lahat ng iba pang mga utos sa Banal na Kasulatan na nagsasabi sa atin na iwasan ang kasalanan at tumakas sa tukso. Sa modelong panalangin ng Panginoon (Mateo 6:9–13), sinabi ni Jesus, “huwag mo kaming hayaang matukso, kundi iligtas mo kami sa masama” (talata 13). Ang pagdulog ng isang kahilingan sa Diyos na huwag tayong dalhin sa tukso ay nagtuturo sa atin na ang pag-iwas sa tukso ay dapat isa sa mga pangunahing sa buhay Kristiyano.
Ang ideya ng Diyos na pangunahan ang Kanyang mga anak ay isang pinakaimportanteng tema ng Kasulatan, lalo na ang aklat ng Mga Awit na puno ng mga pagsusumamo para sa Diyos na akayin tayo sa Kanyang mga daan (Awit 5:8; 27:11), sa pamamagitan ng Kanyang katotohanan at katuwiran, at sa “daang walang hanggan” (Awit 139:24). Kasabay ng pag-akay sa atin tungo sa kabutihan, naiintindihan natin ang kahilingan natin sa Diyos na ilayo tayo sa kasamaan. Ang petisyon sa Panalangin ng Panginoon na huwag madala sa tukso ay sumasalamin sa pagnanais ng mananampalataya na iwasan ang mga panganib ng kasalanan. Ang mga salitang ito, kung gayon, ay dapat na unawain sa diwa ng “pagpapahintulot.” Itinuro sa atin ni Jesus na manalangin, “Huwag mo kaming payagan, o ‘pahintulutan’, na matuksong magkasala”. Ang kahilingang ito ay nagpapahiwatig na ang Diyos ay may kontrol sa manunukso upang iligtas tayo mula sa kanyang kapangyarihan kung tatawag tayo sa ating Ama sa Langit.
May isa pang kahulugan kung saan dapat tayong magsumamo sa Diyos na huwag tayong dalhin sa tukso. Ang salitang tukso ay maaari ding tumukoy sa mga pagsubok. Alam natin mula sa 1 Corinto 10:13 na hindi tayo susubukin ng Diyos nang higit sa ating makakaya sa pamamagitan ni Kristo para tiisin ito at lagi Siyang magbibigay ng paraan para tayo ay makalayo. Ngunit kung minsan ay idinadaan tayo ng Diyos sa mga pagsubok na maaaring maglantad sa atin sa mga pag-atake ni Satanas para sa Kanyang sariling mga layunin, tulad ng mga kaso nina Job at Pedro (Lukas 22:31–32). Kung ang tukso sa Panalangin ng Panginoon ay tumutukoy sa mga pagsubok, kung gayon ang kahulugan ng Mateo 6:13 ay, “Huwag mo kaming pahirapan o subukin.” Hindi masama ang ipanalangin na tayo ay makaligtas sa mga pagsubok at pagdurusa, basta't tayo ay nagpapasakop sa kalooban ng Diyos. Ang mananampalataya ay maaaring humiling na iligtas mula sa pagsubok gayundin ang paghingi ng lakas upang matiis ito kung ito ay dumating.
Maaari nating ilarawan ang mga salita ni Jesus na “Huwag mo kaming ipahintulot sa tukso” tulad nito: dinala ng isang ina ang kanyang maliliit na anak sa pamimili at pumunta sa pasilyo ng tindahan ng kendi. Alam niya na ang pagdadala sa kanyang mga anak sa pasilyo na iyon ay pupukaw lamang ng kasakiman sa kanilang mga puso at hahantong sa mga paghagulgol at pag-simangot. Sa karunungan, dumaan siya sa ibang ruta—anuman ang maaaring kailangan niya sa pasilyo ng tindahan ng kendi ay kailangang makapaghihintay ng isa pang araw. Sa ganitong paraan ang ina ay umiiwas sa hindi kasiya-siya at iniligtas ang kanyang mga anak sa pagsubok. Ang pagdarasal na, “Huwag mo kaming ihatid sa tukso,” ay parang pagdarasal ng, “Diyos, huwag mo akong dalhin sa daanan ng kendi ngayon.” Ito ay pagkilala na tayo ay natural na nakakaunawa sa mga bagay na hindi kapaki-pakinabang at sa karunungan ng Diyos ay maaaring maiwasan ang mga hindi kasiya-siya sa paghahanap sa mga bagay na hindi naman pala mabuti para sa atin.
Hiniling man natin sa Diyos na akayin tayo palayo sa kasalanan o sa mahihirap na pagsubok, ang ating layunin ay matatagpuan sa ikalawang bahagi ng talata 13: “Iligtas mo kami sa masama.” Isang petisyon na katulad nito ang inihandog ni David sa Awit 141:4: “Huwag mong babayaang ako ay matukso, sa gawang masama ay magumon ako, ako ay ilayo, iiwas sa gulo, sa handaan nila'y nang di makasalo.” Sa lahat ng bagay, ang Diyos ang ating tagapagligtas, at mabuti sa ating hanapin ang Kanyang kapangyarihan laban sa kasalanan.
English
Bakit tayo inutusan ni Jesus na manalangin na 'huwag mo kaming ipahintulot sa tukso' kung sinabi ng Diyos na hindi Niya tayo tinutukso?