Tanong
Ano ang hyper-Calvinism at ito ba ay naaayon sa Bibliya?
Sagot
Ang simpleng pakahulugan sa hyper-Calvinism ay, “ang paniniwala na iniligtas ng Diyos ang Kanyang mga hinirang sa pamamagitan ng Kanyang malayang pagpili at kalooban ng wala o may kaunting kasangkapan (gaya ng pag-eebanghelyo, pangangaral, at pananalangin para sa mga hindi mananampalataya). Binibigyan ng sobrang diin ng mga hyper-Calvinists ang walang hanggang kapamahalaan ng Diyos at pinawawalang saysay o binabalewala ang responsibilidad ng tao sa usapin ng kaligtasan, isang pananaw na hindi sinasang-ayunan ng Bibliya.
Ang isang malinaw na pagkakamali ng hyper-Calvinism ay ang pagsansala sa anumang pagnanais na magpahayag ng Ebanghelyo sa mga hindi mananampalataya. Karamihan sa mga iglesya o denominasyon na nanghahawak sa doktrinang ito ng hyper-Calvinism ay kinakikitaan ng paniniwala sa fatalism (bahala na ang Diyos), kalamigan sa pakikitungo sa kapwa at kawalan ng katiyakan sa pananampalataya. Napakakaunti lamang ng pagtuturo at pagbibigay diin nila sa pag-ibig ng Diyos sa mga hindi mananampalataya at sa halip, ang pinaguukulan ng hindi makabiblikal na pansin ay ang walang hanggang kapamahalaan ng Diyos, ang kanyang pagpili sa mga maliligtas, at ang Kanyang poot sa mga hindi maliligtas. Ang Ebanghelyo ng hyper-Calvinism ay ang deklarasyon ng pagliligtas ng Diyos sa Kanyang mga hinirang at ang Kanyang sumpa sa mga hindi maliligtas.
Malinaw na itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ang may kapamahalaan sa buong sangnilikha at sa lahat ng bagay (Daniel 4:34-35), kasama na rito ang kaligtasan ng mga tao (Efeso1:3-12). Ngunit kasama ng walang hanggang kapamahalaan ng Diyos, itinuturo din ng Bibliya na ang Kanyang motibo sa pagliligtas sa mga hindi mananampalataya ay pag-ibig (Efeso 1:4-5; Juan 3:16; 1 Juan 4:9-10) at ang kasangkapan ng Diyos sa pagliligtas sa mga hindi mananampalataya ay ang pagpapahayag ng Kanyang Salita (Roma 10:14-15). Idineklara din ng Bibliya na dapat na maging masigasig ang mga Kristiyano sa kanilang pagbabahagi sa mga hindi mananampalataya bilang mga kinatawan ni Kristo, dapat tayong manawagan sa mga tao na makipagkasundo sila sa Diyos (2 Corinto 5:20-21).
Pinaniniwalaan ng Hyper-Calvinism ang mga Biblikal na doktrina gaya ng walang hanggang kapamahalaan ng Diyos at ginagawa itong isang pananaw na hindi naaayon sa Bibliya. Dahil sa kanilang ginagawang ito, ipinagwawalang bahala nila ang pag-ibig ng Diyos at ang pangangailangan ng pagpapahayag ng Ebanghelyo.
Ano ang hyper-Calvinism at ito ba ay naaayon sa Bibliya?