Tanong
Ang pag-ibig ba ng Diyos ay may kundisyon o walang kundisyon?
Sagot
Malinaw na ang pag-ibig ng Diyos ay walang kundisyon gaya ng inilalarawan sa Bibliya dahil ang Kanyang pag-ibig ay Kanyang ipinadama sa Kanyang pinaguukulan niyon (at iyon ay ang Kanyang mga hinirang) sa kabila ng kanilang kawalan ng pag-ibig sa Kanya. Sa ibang salita, umiibig ang Diyos dahil likas sa Kanya ang umibig (1 Juan 4:8), at ang pag-ibig ang nagtutulak sa Kanya upang gumawa ng mabuti sa masasama. Ang walang kundisyong kalikasan ng pag-ibig ng Diyos ay napakalinaw na makikita sa Ebanghelyo. Ang mensahe ng Ebanghelyo ay ang kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos sa tao. Habang alam ng Diyos ang kasasapitan ng Kanyang bayan na lumalaban sa Kanya, ipinasya Niya na iligtas sila sa kanilang mga kasalanan at ang desisyong ito ay base sa Kanyang pag-ibig (Efeso1:4-5). Pakinggan natin ang mga salita ni Apostol Pablo sa Kanyang sulat sa mga taga Roma:
“Sapagkat noong tayo'y mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhay alang-alang sa isang taong matuwid, kahit na maaaring may mangahas na gumawa nito alang-alang sa isang taong mabuti. Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa” (Roma 5:6-8).
Sa pagbabasa sa buong aklat ng Roma, matututunan natin na tayo ay nahiwalay sa Diyos dahil sa ating mga kasalanan. Sa ating likas na kalagayan, kinapopootan tayo ng Diyos at ang Kanyang poot ay nahahayag laban sa mga hindi mananampalataya dahil sa kanilang mga kasalanan (Roma 1:18-20). Tinanggihan natin ang Diyos at ibinigay Niya tayo sa ating mga kasalanan. Matutunan din natin na lahat tayo ay nagkasala at walang sinuman ang karapatdapat sa kaluwalhatian ng Diyos (Roma 3:23) at walang sinumang humahanap at walang sinuman ang gumagawa ng matuwid sa Kanyang paningin (Roma 3:10-18).
Sa kabila ng poot ng Diyos sa atin dahil sa ating mga pagkakasala at sa hindi natin pagkilala sa Kanya (na Siyang dahilan kung bakit perpektong makatarungan ang Diyos na lipulin tayong lahat), ipinadama ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin ng Kanyang ibigay ang Kanyang Anak na si Hesu Kristo bilang pampalubag-loob (pampawi sa makatarungang poot ng Diyos) sa ating mga kasalanan. Hindi naghintay ang Diyos na magpakabanal tayo bilang kundisyon sa pagtubos sa ating mga kasalanan. Sa halip, nagpakababa Siya at nagkatawang tao at namuhay na kasama ng Kanyang bayan (Juan 1:14). Naranasan ng Diyos ang maging tao – ang lahat ng karanasan ng isang ganap na tao ngunit hindi Siya nagkasala kailanman – at pagkatapos ay kusang loob na inialay ang Kanyang sarili bilang ating kahalili para sa ikatutubos natin sa ating mga kasalanan.
Ang pagliligtas ng Diyos ay resulta ng Kanyang biyaya at kusang pagpapakasakit. Gaya ng sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo ni Juan, “Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan” (Juan 15:13). Ito mismo ang ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Ang walang kundisyong pag-ibig ng Diyos ay malinaw na ipinaliwanag sa dalawa pang mga talata sa Kasulatan:
“Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob” (Efeso 2:4-5).
“Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang isugo niya sa mundo ang kanyang kaisa-isang Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. 10 Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at isinugo niya ang kanyang Anak upang maging handog para mapatawad ang ating mga kasalanan” (1 Juan 4:9-10).
Mahalagang tandaan na ang pag-ibig ng Diyos ay pag-ibig na nagkukusa; hindi ito isang tugon kailanman. Ito mismo ang dahilan kung bakit ang Kanyang pag-ibig ay walang kundisyon. Kung may kundisyon ang pag-ibig ng Diyos, kailangan nating gumawa upang makamit iyon o maging karapatdapat para doon. Kailangan nating pawiin ang Kanyang galit at linisin ang ating mga sarili mula sa ating mga kasalanan sa harap ng Diyos upang ibigin Niya tayo. Ngunit hindi ito ang mensahe ng Bibliya. Ito ang mensahe ng Bibliya – ang Ebanghelyo : Ang Diyos, sa Kanyang walang kundisyong pag-ibig ay inililigtas ang Kanyang mga hinirang mula sa kanilang mga kasalanan.
English
Ang pag-ibig ba ng Diyos ay may kundisyon o walang kundisyon?