settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kahulugan ng salitang Mesiyas?

Sagot


Ang salitang Mesiyas ay nagmula sa salitang Hebreo na mashiach at nangangahulugang "ang isang pinahiran" o "isang pinili." Ang katumbas nito sa salitang Griego ay Christos o, sa Tagalog ay Cristo. Ang pangalang "Jesu Cristo" ay kapareho ng "si Jesus ang Mesiyas." Sa panahon ng Biblia, ang pagpapahid ng langis sa isang tao ay pagbubukod o pagtatalaga ng Diyos sa isang taong iyon sa isang partikular na papel na kanyang gagampanan. Kaya ang "isang pinahiran" ay isang taong may espesyal na papel na gagampanan sa layunin ng Diyos.

Sa Lumang Tipan, ang mga tao ay pinapahiran ng langis para sa posisyon ng propeta, saserdote, at hari. Sinabihan ng Diyos si Elias na pahiran ng langis si Eliseo upang maging kahalili niya bilang propeta sa Israel (1 Hari 19:16). Pinahiran ng langis si Aaron bilang kauna-unahang punong saserdote ng Israel (Levitico 8:12). Pinahiran ng langis ni Samuel si Saul at David bilang mga hari ng Israel (1 Samuel 10:1; 16:13). Ang lahat ng mga lalaking ito ay nagtaglay ng mga posisyon bilang mga pinahiran ng Diyos. Ngunit hinulaan ng Lumang Tipan ang isang paparating na Tagapagligtas, na pinili ng Diyos upang tubusin ang Israel (Isaias 42:1; 61:1–3). Ang Tagapagligtas ng mga Judio ay tinatawag na Mesiyas.

Si Jesus ng Nazareth ang hinulaang Mesiyas (Lukas 4:17–21; Juan 4:25–26). Sa buong Bagong Tipan, makikita natin ang katibayan na si Jesus ang "isang pinili" ng Diyos: "Ngunit ang mga nakasulat dito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa pagsampalatayang iyon ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya" (Juan 20:31). Narinig din natin ang mga patotoo na si Jesus ang "Mesiyas, ang Anak ng buhay na Diyos" (Mateo 16:16). Ang pinakamalaking ebidensya na tunay na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas o ang isang pinahiran ng langis ay ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay. Ang Gawa 10:39–43 ay isang patotoo ng nakasaksi sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli at ang patunay na si Cristo ang "itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at mga patay."

Ginampanan ni Jesus ang papel bilang sang Propeta, Saserdote, at Hari na mga dagdag na katibayan sa Kanyang pagiging Mesiyas. Siya ay isang propeta dahil tinupad Niya at ipinangaral ang Salita ng Diyos (tingnan ang Juan 1:1–18; 14:24; at Lukas 24:19); Siya ay isang saserdote dahil ang Kanyang kamatayan ang tumubos sa ating mga kasalanan at ipinagkasundo Niya tayo sa Ama (tingnan ang Hebreo 2:17; 4:14); at Siya ay Hari dahil pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli, ibinigay sa Kanya ng Diyos Ama ang lahat ng kapamahalaan sa buong sansinukob (tingnan ang Juan 18:36; Efeso 1:20–23; at Pahayag 19:16).

Inaasahan ng mga Judio noong panahon ni Jesus ang isang Mesiyas na tutubos sa Israel at tatapos sa pamamahala ng mga Romano at magtatatag ng Kanyang kaharian sa lupa (tingnan ang Gawa 1:6). Pagkatapos lamang na mabuhay na mag-uli ni Jesus naunawaan sa wakas ng Kanyang mga alagad kung ano talagang kahulugan ng mga hula sa Lumang Tipan at kung ano ang gagawin ng Mesiyas (tingnan ang Lukas 24:25–27). Ang Mesiyas ay "pinahiran" una, upang iligtas ang Kanyang bayan sa espirituwal at tubusin sila mula sa kanilang kasalanan (Juan 8:31–36). Ginanap Niya ang kaligtasan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli (Juan 12:32; Juan 3:16). Sa huli, ililigtas ni Jesus ang Kanyang bayan mula sa kanilang mga pisikal na kaaway, at itatayo Niya ang Kanyang kaharian dito sa lupa at maghahari Siya ng walang hanggan (tingnan ang Isaias 9:1–7).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kahulugan ng salitang Mesiyas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries