Tanong
Ano ang ibig sabihin ng ibigin ang isa't isa?
Sagot
Sinabi ni Jesus sa 1 Juan 13:34, "Isang bagong utos ang ibinibigay ko: ibigin ninyo ang isa't isa. Tulad ng pag-ibig ko sa inyo, dapat din kayong umibig sa isa't isa." Pagkatapos, Kanyang idinagdag, "Malalaman ng lahat na kayo'y aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa't isa" (talata 35). Paano natin ito gagawin? Ano ang ibig sabihin ng pag-ibig sa isa't isa?
Ang "isa't isa" sa mga talatang ito ay isang pagtukoy sa kapwa mananampalataya. Ang isang natatanging tanda ng pagiging tagasunod ni Kristo ay ang malalim at tapat na pag-ibig para sa mga kapatid kay Kristo. Ipinapaalala sa atin ni apostol Juan ang katotohanang ito, "Ito ang utos na ibinigay niya sa atin: dapat ding umibig sa kanyang kapatid ang umiibig sa Diyos" (1 Juan 4:21).
Sa pagbibigay ng utos na ito, gumawa si Jesus ng isang bagay na hindi pa kailanman nasasaksihan ng mundo—nagtatag Siya ng isang grupo na makikilala sa pamamagitan ng isang bagay: pag-ibig. Maraming grupo sa buong mundo at ipinakikilala nila ang kanilang sarili sa maaraming kaparaanan: sa pamamagitan ng kulay ng balat, uniporme, parehong interes, pinanggalingang eskwelahan at iba pa. May ibang grupo na ang mga kasapi ay may mga tattoo at butas sa katawan; may iba namang grupo na hindi kumakain ng karne; may ibang grupo na nagsusuot ng sumbrero—hindi mabilang ang paraan ng mga tao upang ipakilala ang grupong kinabibilangan. Ngunit sa una at tanging pagkakataon sa kasaysayan ng mundo, bumuo si Jesus ng isang grupo na ang pagkakakilanlan ay pag-ibig. Hindi mahalaga ang kulay ng balat, hindi mahalaga ang pangunahing salitang ginagamit. Walang batas tungkol sa pagkain o uniporme o pagsusuot ng nakakatuwang sombrero. Makikilala ang mga tagasunod ni Kristo sa kanilang pag-ibig sa isa't isa.
Ipinakita ng unang Iglesya ang uri ng pag-ibig na tinutukoy ng Panginoong Jesu Cristo. Nagkatipon ang maraming tao sa Jerusalem mula sa iba't ibang panig ng mundo (Gawa 2:9–11). Nagsamasama ang mga nakaranas ng kaligtasan at agad silang nagtipon-tipon upang punan ang pangangailangan ng bawat isa: "At nagsama-sama ang lahat ng mga mananampalataya at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian para sa lahat. Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at mga kayamanan at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat isa" (Gawa 2:44–45). Ito ang pag-ibig na nakikita sa gawa, at nakatitiyak tayo na lumikha ito ng impresyon sa mga tao sa siyudad na iyon.
May dalawang tanong ang nabuo na magandang sagutin dahil sa mga pangungusap ni Jesus sa sulat ni Juan. Una, paano umibig si Jesus? Umibig Siya ng walang kundisyon (Roma 5:8), ng may pagpapakasakit (2 Corinto 5:21), may pagpapatawad (Efeso 4:32), at walang hanggan (Roma 8:38–39). Gayundin naman, banal ang pag-ibig ni Jesus—na kinakitaan ng perpektong moralidad—dahil Siya ay Banal (Hebreo 7:26). Ang pinakasukdulan ng kahanga-hangang pag-ibig sa atin ni Kristo ay ang Kanyang kamatayan sa krus, pagkalibing, at pagkabuhay na mag-uli (1 Juan 4:9–10). Dapat na ganito ang pag-ibig ng mga mananampalataya sa isa't isa.
Ikalawa, paano makakaibig ang mga mananampalataya na gaya ng pag-ibig ni Kristo? Ang mga mananampalataya ay pinananahanan ng Banal na Espiriu (1 Corinto 6:19–20). Sa pamamagitan ng pagsunod sa Banal na Espiritu, sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, makakaibig ang mga mananampalataya gaya ng pag-ibig ni Kristo. Ipinapakita ng mga mananampalataya ang walang kundisyon, puno ng pagpapakaskit at pagpapatawad sa mga kapwa mananampalataya, ngunit hindi ito tumitigil dito. Ipinapadama din niya ang pag-ibig ni Kristo sa mga kaibigan, mga miyembro ng pamilya, sa mga katrabaho, at lahat ng tao (Efeso 5:18–6:4; Galatia 5:16, 22–23). Ipinapadama din niya ang ganitong pag-ibig maging sa kanyang mga kaaway (tingnan ang Mateo 5:43–48).
Ang pag-ibig ni Kristo na nakikita sa pamamagitan ng mga mananampalataya ay kakaiba sa pag-ibig na nanggagaling sa laman na makasarili, mapagmataas, hindi nagpapatawad at hindi tapat. Ibinibigay sa 1 Corinto 13:4–8 ang kahanga-hangang paglalarawan ng pag-ibig ni Kristo na nahahayag sa pamamagitan ng mga mananampalataya na lumalakad sa Espiritu.
Natural na hindi umiibig ang tao ng uri ng pag-ibig na inilalarawan sa 1 Corinto 13. Upang makaibig ng ganito, kailangan munang magkaroon ng isang binagong puso. Dapat munang maunawaan ng isang tao na isa siyang makasalanan sa harapan ng Diyos at maunawaan na namatay si Kristo sa krus at nabuhay na mag-uli upang magkaloob ng kapatawaran; at pagkatapos na pagkalooban ng pananampalataya ay magdesisyon siya na tanggapin si Kristo bilang Kanyang Panginoon at Tagapagligtas. Sa puntong iyon, pinatawad siya ni Kristo sa lahat ng kasalanan at tumanggap siya ng kaloob na buhay na walang hanggan at naging kabahagi sa banal na kalikasan ng Diyos (2 Pedro 1:4). Kay Kristo, nalalaman niya na tunay siyang iniibig ng Diyos. Kasama sa bagong buhay na tinanggap ng isang mananampalataya ang kakayahan na umibig ng gaya ng pag-ibig ni Kristo dahil naranasan din niya ang nagpapakasakit, nagpapatawad, walang hanggan, walang kundisyon at banal na pag-ibig ng Diyos (Roma 5:5).
Ang ibigin ang isa't isa ay ibigin ang kapwa mananampalataya gaya ng kung paanong inibig tayo ni Kristo. Ang mga umiibig na kagaya ng pag-ibig ni Kristo sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay nagpapakita ng ebidensya na sila nga ay mga tunay na alagad ni Kristo.
English
Ano ang ibig sabihin ng ibigin ang isa't isa?