settings icon
share icon
Tanong

Dapat ba nating mahalin ang makasalanan ngunit kamuhian ang kasalanan?

Sagot


Maraming Kristiyano ang ginagamit ang kasabihang "mahalin ang makasalanan at kamuhian ang kasalanan." Gayunman, dapat nating malaman na ito ay payo para sa atin na mga taong hindi perpekto. Ang pagkakaiba sa pagitan natin at ng Diyos sa isyu ng pag-ibig at pagkamuhi ay napakalaki. Kahit na bilang mga Kristiyano, hindi pa rin perpekto ang ating pagkatao at hindi natin kayang umibig ng perpekto o mamuhi ng perpekto (ng walang malisya). Ngunit kaya itong gawin ng sabay ng Diyos dahil Siya ay Diyos. Kaya ng Diyos mamuhi ng walang makasalanang intensyon. Kaya nga, maaari Siyang mamuhi sa kasalanan at sa makasalanan sa isang perpekto at banal na pamamaraan, ngunit maaari din Siyang magpatawad ng buong pag-ibig sa oras na magsisi at manampalataya ang isang makasalanan (Malakias 1:3; Pahayag 2:6; 2 Pedro 3:9).

Malinaw na itinuturo sa atin ng Bibliya na ang Diyos ay pag-ibig. Sinasabi sa 1 Juan 4:8-9, "Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Dios; sapagka't ang Dios ay pagibig. Dito nahayag ang pagibig ng Dios sa atin, sapagka't sinugo ng Dios ang kaniyang bugtong na Anak sa sanglibutan upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya." Hindi ito kayang isipin ng tao, ngunit totoo na maaaring sabay na umibig at mamuhi ang Diyos sa isang tao. Nangangahulugan ito na kaya Niyang ibigin ang isang tao na kanyang nilikha, at maaari din Niya siyang kamuhian dahil sa kanyang hindi pananampalataya at makasalanang pamumuhay. Hindi ito kayang gawin ng makasalanang tao, kaya dapat nating paalalahanan ang ating satili na "ibigin ang makasalanan at kamuhian ang kasalanan."

Paano ito mangyayari? Kinamumuhian natin ang kasalanan sa pamamagitan ng hindi pakikibahagi sa mga ito at pagkondena sa tuwing maiisip at makikita natin ito. Dapat kamuhian ang kasalanan, hindi ito dapat ituring na basta basta lamang. Iniibig naman natin ang makasalanan sa pamamagitan ng pagiging tapat na saksi sa mga hindi mananampalataya sa ating pagbabahagi sa kanila na makakamit nila ang kapatawaran sa pamamagitan ni Kristo. Ang tunay na pag-ibig ay ang pagturing sa isang tao ng may paggalang at kabutihan kahit na alam niya na hindi natin sinasang-ayunan ang kanyang masamang pamumuhay at maling gawain. Hindi tayo tunay na umiibig kung hinahayaan natin na manatili ang isang tao sa kanyang pagkakasala. Hindi pagkamuhi na sabihin sa isang tao na siya ay makasalanan. Ang totoo, ito ang tunay na pagibig. Iniibig natin ang makasalanan sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig. Kinamumuhian natin ang kasalanan sa pamamagitan ng hindi pagkunsinti, pagwawalang bahala at pagbibigay katwiran sa mga makasalanang gawa ng mga makasalanan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat ba nating mahalin ang makasalanan ngunit kamuhian ang kasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries