settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng utos na igalang ang ama at ina?

Sagot


Ang paggalang sa ama at ina ay ang pagpapakita ng respeto sa kanila sa salita at sa gawa at pagkakaroon ng mataas na pagtingin sa kanilang posisyon bilang mga magulang. Ang salitang Griyego sa "paggalang" ay nangangahulugan ng "pagpipitagan at pagpapahalaga." Ang pagbibigay galang ay pagrespeto hindi lamang dahil sa merito kundi dahil din sa ranggo. Halimbawa, may ilang Pilipino na maaaring tumutol sa desisyon ng presidente, ngunit dapat na mayroon pa rin silang paggalang sa kanyang posisyon bilang lider ng bansa. Gayundin naman, ang mga anak sa lahat ng gulang ay dapat na igalang ang kanilang mga magulang kahit na ang kanilang mga magulang ay hindi "karapatdapat" sa kanilang paggalang.

Inuutusan tayo ng Diyos na igalang ang ating ama at ina. Binibigyan Niya ng kahalagahan ang paggalang sa mga magulang na sapat upang isama niya ito sa Sampung Utos (Exodo 20:12) at gayundin sa Bagong Tipan: "Mga anak, magsitalima kayo sa inyong mga magulang sa Panginoon: sapagka't ito'y matuwid. Igalang mo ang iyong ama at ina (na siyang unang utos na may pangako, upang yumaon kang mabuti, at ikaw ay mabuhay na malaon sa lupa" (Efeso 6:1-3). Ang paggalang sa ama at ina ang tanging utos sa Kasulatan na may kasamang pangako ng pagkakaroon ng mahabang buhay bilang gantimpala. Ang mga gumagalang sa kanilang mga magulang ay pinagpapala (Jeremias 35:18-19). Sa kabaliktaran, ang mga taong may "makasalanang pagiisip" at mga taong "nagpapakita ng kawalan ng takot sa Diyos" ay kinakikitaan ng pagsuway sa kanilang mga magulang (Roma 1:30; 2 Timoteo 3:2).

Si Solomon, ang pinakamatalinong taong nabuhay sa mundo, ay hinimok ang mga anak na igalang ang kanilang mga magulang (Kawikaan 1:8; 13:1; 30:17). Kahit na maaaring wala na tayo sa kanilang direktang pamamahala, hindi natin maipagwawalang bahala ang katusuan na igalang ang ating ama at ina. Maging ang Panginoong Hesus, ang Anak ng Diyos, ay ipinasakop ang Kanyang sarili sa Kanyang mga magulang sa lupa (Lukas 2:51) at sa Kanyang Ama sa langit (Mateo 26:39). Bilang pagsunod sa halimbawa ni Hesus, dapat nating igalang ang ating mga magulang kung paano tayo buong paggalang na lumalapit sa ating Ama sa langit (Hebreo 12:9; Malakias 1:6).

Walang pagaalinlangang inuutusan tayo na igalang ang ating mga magulang, ngunit papaano? Igalang natin sila sa ating gawa at paguugali (Markos 7:6). Igalang natin ang kanilang mga hindi sinasabi at sinasabing mga kahilingan. "Dinidinig ng pantas na anak ang turo ng kaniyang ama: nguni't hindi dinidinig ng mangduduwahagi ang saway" (Kawikaan 13:1). Sa Mateo 15:3-9, ipinaalala ni Hesus sa mga Pariseo ang utos ng Diyos na igalang ang kanilang ama at ina. Sinusunod nila ang mga kautusan ni Moises ng letra por letra, ngunit idinagdag nila ang kanilang mga tradisyon na siyang nagpawalang bisa sa kanilang Kautusan. Habang iginagalang nila ang kanilang mga magulang sa salita, ang kanilang mga gawa ay nagpapakita ng kanilang tunay na motibo. Ang paggalang ay hindi lamang sa salita. Ang salitang "paggalang" sa talatang ito ay isang pandiwa na nangangailangan ng tamang aksyon.

Dapat nating pagsikapan na igalang ang ating mga magulang kung paanong nagsisikap tayo na makapagbigay luwalahati sa Diyos sa ating pagiisip, salita at gawa. Para sa isang maliit na bata, ang pagsunod sa magulang at paggalang ay laging magkasama. Kasama sa paggalanag ang pakikinig, pagsunod, at pagpapasakop sa kanilang kapamahalaan. Kapag lumaki na ang bata, ang pagsunod na natutunan nila noong bata pa sila ay tutulong sa kanila upang igalang din naman ang mga may kapangyarihan tulad ng mga may tungkulin sa pamahalaan, pulis at pinagtatrabahuhan.

Habang inuutusan tayong igalang ang ating mga magulang, hindi natin dapat na gayahin ang kanilang mga makasalanang gawa (Ezekiel 20:18-19). Kung pinapagawa ng isang magulang ang kanyang anak ng isang bagay na malinaw na sumasalungat sa utos ng Diyos, nararapat na sundin ng batang iyon ang Diyos sa halip na ang kanyang magulang (Mga Gawa 5:28).

Ang paggalang ay umaani ng paggalang. Hindi palalampasin ng Diyos ang mga taong hindi gumagalang sa kanilang mga magulang. Kung nais nating bigyang kasiyahan ang Diyos at pagpalain Niya tayo, dapat nating igalang ang ating mga magulang. Ang paggalang ay hindi madali, hindi laging masaya at hindi natin kaya sa pamamagitan ng ating sariling lakas. Ngunit ang paggalang sa magulang ay isang tiyak na landas upang makamit ang ating layunin sa buhay - ang magbigay lugod sa Diyos. "Mga anak, magsitalima kayo sa inyong magulang sa lahat ng mga bagay, sapagka't ito'y totoong nakalulugod sa Panginoon" (Colosas 3:20).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng utos na igalang ang ama at ina?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries