settings icon
share icon
Tanong

Paano natin igagalang ang ating mga mapangabusong magulang?

Sagot


Maaaring ang isang pinakamahirap na tanong na maaaring itanong ng isang Kristiyano ay kung paano igagalang ang isang mapangabusong magulang gaya ng sinasabi ng ikalima sa sampung utos ng Diyos (Exodo 20:12). Mas madali para sa atin kung ang hinihingi ng Diyos ay igalang natin ang ating mga magulang kung sila ay mabuti, mabait at mapagmahal sa atin, ngunit ang utos ay simpleng igalang natin ang ating ama at ina ng walang kundisyon. Maraming mga tao na lubhang nasaktan at nawasak ang buhay dahil sa kanilang mga magulang at napakahirap para sa kanila na sumunod sa utos na ito.

Ang salitang “pangaabuso” ay may malawak na pakahulugan. Ang isang bata ay maaaring lumaki ng maayos at natutugunan ang mga pangangailangan maliban sa pangangailangan ng pag-ibig at pagtanggap. Maaaring walang pisikal na pananakit ang ginawa sa kanya, ngunit sa pagdaan ng panahon, ang kanyang espiritu ay nanghihina gaya ng kung paanong nalalanta ang halaman dahil sa kawalan ng sikat ng araw. Nagiging desperado siya maging sa mga maliliit na pagpapakita ng pagmamahal hanggang sa siya ay maging tulad sa isang normal na binata o dalaga, ngunit sa kanyang kaloob-looban, siya ay nanghihina at naparalisa dahil sa kawalan ng pagtanggap at pagsang-ayon ng kanyang mga magulang.

O kaya naman, ang espiritu ng isang bata ay maaring maparalisa sa kanyang murang edad – bagamat maaaring hindi siya magdanas ng pisikal na pangaabuso – sa pamamagitan ng patuloy na pagsasabi sa kanya ng kanyang mga magulang na siya ay walang halaga at walang mararating sa buhay. Ang lahat ng kanyang ginagawa ay pinagtatawanan hanggang sa siya ay sumuko na at hindi na sumubok na gumawa ng kahit ano. Dahil sa kanilang murang edad, natural na pinaniniwalaan ng mga bata ang sinasabi sa kanila ng kanilang mga magulang. Ang isang bata na dumanas ng ganitong pagtrato ay maaaring magkubli sa isang hindi nakikitang pader at mabuhay na lamang para kumain sa halip na kumain para mabuhay. Ito ang mga batang lumaki na hindi nagdanas ng pisikal na pangaabuso sa kamay ng kanilang mga magulang ngunit paralisado naman ang espiritu. Mahirap para sa kanila na magkaroon ng kaibigan at hindi nila kayang makipagrelasyon sa ibang tao sa kanilang pagtanda.

Ang mga inilarawan sa itaas ay mga mapanlinlang na anyo ng pangaabuso sa mga bata. May mga uri ng pangaabuso na madaling matukoy – isang batang pinabayaan, sinipa at binugbog o mas malala, inabusong sekswal. Ito ngayon ang malaking tanong: Paano susundin ng isang batang inabuso ang utos ng Diyos na igalang ang mga magulang na nagparanas sa kanya ng kalupitan?

Ang unang bagay na dapat tandaan, ang Diyos, ang ating mapagmahal na Ama ay hindi nagbibigay ng utos na para sa kanyang sariling kapakinabangan, sa halip ang Kanyang mga utos ay para sa ating ikabubuti. Kung tunay na ninanais natin na sundin ang Diyos, gaano man kaimposible, nakahanda Siyang tulungan tayo na gawin iyon. Una, dapat muna tayong magkaroon ng pagtitiwala at relasyon sa ating Ama sa langit na maaaring maging napakahirap para sa mga hindi nakaranas na pagtiwalaan at mahalin. Ang mga nasa kalagayang ito ay dapat na gumawa ng isang maliit na hakbang at sabihin sa Diyos sa kanyang puso: “Nais ko pong malaman kung paano magmahal at magtiwala sa Iyo – tulungan ninyo ako,” at Siya ay tutugon. Siya lamang ang tanging makakapagbago ng ating emosyon at makakapagayos ng mga nasirang relasyon at mga pusong nasaktan (Lukas 4:18).

Kung mayroon na tayong relasyon sa Diyos, maaari tayong lumapit ng may pagtitiwala sa Kanya at ipaubaya sa Kanya ang ating mga suliranin na nakakatiyak na tutugunin Niya tayo (1 Juan 5:14-15). Nararanasan ng lahat na Anak ng Diyos na handang magtiwala sa Kanya ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa kanilang puso. Kukunin ng Diyos ang puso ng isang taong pinatigas ng pangaabuso at palalambutin iyon upang sumunod sa Kanyang kalooban (Ezekiel 36:26).

Ang susunod na hakbang ay ang kahandaang magpatawad. Maaring tila imposible ito lalo na sa mga nakaranas ng matinding pangaabuso, ngunit walang imposible para sa Diyos (Markos 10:27). Ang kapaitan at poot ay maaaring nakatanim na sa puso at kaluluwa ng mga biktima, ngunit walang pusong hindi kayang palambutin ng Banal na Espiritu kung nakahandang magpakumbaba ang isang tao. Ang kapaitan ay maaaring nakatanim sa puso at kaluluwa ng mga biktima ngunit walang hindi kayang gawin ang Banal na Espiritu kung ang isang tao ay handang magpasakop sa Kanya. Ang mahalaga ay dapat na dalhin sa Diyos ng kahabagan ang damdamin at sabihin sa Kanya araw-araw kung gaano kaimposible ang magpatawad, sa pananaw ng isang karaniwang tao. Lalo ng napakahirap kung ang gumawa ng isang napakasamang krimen ay isang magulang na kanyang inasahan at pinagtiwalaan.

Hindi dapat matakot na aminin sa Diyos ang kawalan ng kakayahang magpatawad. Totoo na ang hindi pagpapatawad ay isang kasalanan, ngunit kung iyon ay sinasadyang hindi pagpapatawad. May mga taong sadyang pinatigas na ang kanilang puso at sumumpa na hindi na nila muling patatawarin ang mga nagkasala sa kanila. Ang isang anak ng Diyos na humihingi ng tulong sa Kanyang Amang Diyos para sa isang bagay na hindi niya kayang gawin sa kanyang sariling lakas ay hindi makakatagpo ng isang Diyos na nagagalit, kundi ng isang Ama na puno ng pag-ibig, kahabagan, awa at naisin na tumulong.

Kung magumpisa na sa atin ang pagpapagaling ng Banal na Espiritu, matatagpuan natin ang ating sarili na tinitingnan ang ating mga magulang sa naiibang pananaw. Maaaring ipakita ng Banal na Espiritu na ang magulang na sangkot sa pangaabuso ay nakaranas din ng kalupitan at pagmamaltrato noong kanyang kabataan at ni hindi niya alam ang kanyang ginagawang pinsala sa kanyang sariling anak. Inaasahan sa atin ng Diyos bilang Kanyang mga anak, na humingi tayo sa Kanya ng tulong upang makapagpatawad tayo sa mga nagkasala sa atin upang ang ating sariling kaluluwa at espiritu ay hindi malason ng kapaitan.

May mga patotoo ng mga taong nagdusa ng labis na kalupitan at kawalan ng pag-ibig sa kamay ng kanilang sariling mga magulang ngunit sa awa at lakas na kaloob ng makapangyarihang Diyos, unti-unti silang nakatagpo ng kagalingan at nagawang magpatawad at baguhin ang kanilang pananaw sa kanilang mga magulang. Sa pagkakatiwala sa Diyos ng kanilang poot at galit sa kanilang mga magulang makikita nila ang pagbabago sa kanilang mga magulang. Ang masayang pagwawakas ng kuwento ay isang pamilya na nagsasama sama, nagkakaisa at masayang naglilingkod sa Diyos. Sinasabi sa atin sa Efeso 6:2-3, “Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon, sapagkat ito ang nararapat. “Igalang mo ang iyong ama at ina.” Ito ang unang utos na may kalakip na pangakong “Ikaw ay giginhawa at hahaba ang iyong buhay sa lupa.”

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano natin igagalang ang ating mga mapangabusong magulang?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries