Tanong
Ano ang dapat na gawin ng Iglesya sa mga kaloob na natatanggap nito mula sa mga miyembro?
Sagot
Ang bawat Iglesya ay tumatanggap ng ikapu at mga kaloob. Kailangan ng isang Iglesya ang pondo upang magampanan nito ang kanyang gawain sa pamamagitan ng pagpapasa ng lalagyan ng mga ikapu at kaloob habang idinaraos ang pagsamba o paglalagay ng kahon sa likod ng santuaryo o sa pamamagitan ng koleksyon. Mahalaga kung paano ginagamit ng Iglesya ang mga nalilikom nitong pondo dahil may responsibilidad ang Iglesya sa mga miyembro nito, sa komunidad at sa Diyos
Una, ang Iglesya ay may responsibilidad sa mga miyembro. Ang mismong unang Iglesya sa Jerusalem, noong araw ng Pentecostes ay tumugon sa mga praktikal na pangangailangan ng mga miyembro: “At pinatotohanan ng mga apostol na may dakilang kapangyarihan, ang pagkabuhay na maguli ng Panginoong Jesus: at dakilang biyaya ang sumasa kanilang lahat. Sapagka't walang sinomang nasasalat sa kanila: palibnasa'y ipinagbili ng lahat ng may mga lupa o mga bahay ang mga ito, at dinala ang mga halaga ng mga bagay na ipinagbili, At ang mga ito'y inilagay sa mga paanan ng mga apostol: at ipinamamahagi sa bawa't isa, ayon sa kinakailangan ng sinoman” (Gawa 4:33–35). Makikita natin sa mga talatang ito na dinala ang mga nalikom sa mga lider ng Iglesya na responsable naman para sa pamamahagi ng mga ito ayon sa pangangailangan ng bawat isa. Ipinamahagi din ang pagkain para sa mga balong kasama nila (Gawa 6:1).
Sa pagkilala sa ministeryo ni Apostol Pablo sa mga hentil, hiniling sa kanya ng mga apostol sa Jerusalem na huwag kalilimutan ang mga mahihirap (Galacia 2:10) at isinagawa ang pangingilak ng pondo para sa kapakanan ng mga mahihirap at kasama ito sa badyet ng Iglesya. Kalaunan, nagbigay si Apostol Pablo ng ilang pamantayan kung sino ang nararapat na tumanggap ng tulong pinansyal mula sa Iglesya at kung sino ang maaaring umasa sa Iglesya para sa kanilang ikabubuhay (1 Timoteo 5:3–16).
Iba’t ibang lokal na Iglesya noong unang siglo ang lumikom ng mga kaloob upang tulungan ang ibang nangangailangang Iglesya. Sa partikular, dumaan ang Iglesya sa Jerusalem sa mga paguusig at taggutom kaya’t nagpadala ng tulong ang Iglesya sa Antioquia (Gawa 11:29). Tumanggap din si Pablo ng mga kaloob mula sa Galacia (1 Corinto 16:1), Corinto (1 Corinto 16:3), Macedonia at Acaya (Roma 15:25–26) para sa mga taga Jerusalem. Sinamahan siya ng mga mananampalatayang ipinadala ng mga Iglesya sa Berea, Tesalonica, Derbe, at ng mga Iglesya sa probinsya ng Asya (Gawa 20:4).
Ikalawa, may responsibilidad ang Iglesya sa komunidad na nakapaligid dito. Kinakailangan nating abutin ng Ebanghelyo ang mga hindi mananampalataya at tulungan sila kung kinakailangan. “Kaya nga, samantalang tayo'y may pagkakataon, ay magsigawa tayo ng mabuti sa lahat, at lalong lalo na sa mga kasangbahay sa pananampalataya” (Galacia 6:10). Inihayag sa talatang ito ang prayoridad ng Iglesya – ang pamilya ng Diyos muna – ngunit dapat din tayong gumawa ng mabuti sa lahat ng tao. Siyempre, ito ay kinapapalooban ng pangangaral ng Ebanghelyo ni Kristo (Gawa 1:8). Ang isang malusog na Iglesya ay nagpapadala ng mga misyonero at manggagawa (tingnan ang Gawa 13:2–3) o di kaya naman ay sumusuporta sa mga misyonero sa iba’t ibang aspeto ng paglilingkod Kristiyano.
Ang isang Iglesyang walang ginagawa sa labas at walang inilalaan para sa pagmimisyon sa labas ay nagpapahiwatig ng espiritwal na kahinaan. Sa kanyang aklat na Autopsy of a Dead Church, sinabi ng consultant at manunulat na si Thom S. Rainer na ang isa sa mga sintomas ng namamatay na Iglesya ay ang paglalagay ng malaking porsyento ng pananalapi para sa mga pangangailangan ng miyembro habang lumiliit naman ang porsyento na inilalaan para sa pagmimisyon.
Ikatlo, may responsibilidad ang Iglesya sa Diyos. Kilala ng ating Panginoon ang Kanyang Iglesya (Pahayag 2:2, 9, 13, 19), at inuutusan Niya tayo na ipangaral ang kanyang salita (Roma 10:14; 2 Timoteo 4:2) at ipahayag ang “misteryo tungkol kay Kristo” (Colosas 4:3). Napakahalaga ng pangangaral ng Ebanghelyo. Ang lahat ng bagay na makatutulong sa gawaing ito ay dapat na unahin at bigyang pansin at ang pagbibigay ng pinansyal na suporta sa pastor ay bahagi ng layuning ito. “Ang mga matanda na nagsisipamahalang mabuti ay ariing may karapatan sa ibayong kapurihan, lalong lalo na ang mga nangagpapagal sa salita at sa pagtuturo. Sapagka't sinasabi ng kasulatan, Huwag mong lalagyan ng busal ang baka pagka gumigiik. At, ang nagpapagal ay karapatdapat sa kaupahan sa kaniya” (1 Timoteo 5:17–18). Ang mga tapat na nagbabahagi ng Salita ng Diyos ay dapat na tumanggap ng sweldo o upa para sa kanilang ginagawa para sa Panginoon (tingnan din ang 1 Corinto 9:11).
Kinakailangan ang karunungan sa paggastos ng Iglesya at dapat tayong manalangin para sa karunungan (Santiago 1:5). Walang masama sa pagkakaroon ng maayos na gusali o magandang kapaligiran ng sambahan ngunit minsan nailalaan natin ang pananalapi ng Iglesya sa mga hindi gaanong mahahalagang bagay na dapat sana’y naitulong sa isang misyonero o naibahagi sa mas mahihirap na Iglesya sa ibang panig ng mundo.
Dapat na maging layunin ng Iglesya na isakatuparan ang gawain ng Diyos sa mundo at dapat na ang lahat ng bagay ay ginagawa para sa kaluwalhatian ng Diyos (1 Corinto 10:31). Inilaan ng unang Iglesya ang kanilang panahon sa pananatiling “matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasamasama, sa pagpuputolputol ng tinapay at sa mga pananalangin” (Gawa 2:42). Ang mga aksyong ito – ang pangangaral ng Salita ng Diyos sa ibang tao, ang pakikisama sa isa’t isa, ang pagdadaos ng huling hapunan, at pananalanging sama sama – ang dapat na maging pangunahing gabay kung paanong gagamitin ng Iglesya ang mga kaloob na tinatanggap nito mula sa mga miyembro.
English
Ano ang dapat na gawin ng Iglesya sa mga kaloob na natatanggap nito mula sa mga miyembro?