Tanong
Gaano dapat maging bukas ang iglesya sa pananalapi nito?
Sagot
Anumang sandali na masangkot ang isyu ng pananalapi, ito ay isang maaselang isyu at ito ay totoo rin sa pananalapi ng iglesya. Ang ilan sa mga ito ay mauunawaan. Kung ang isang tao ay nagsasakripisyo sa pagbibigay ng pinansyal sa iglesya, makabubuti para sa taong iyon na magpakita ng interes kung paanong pinangangasiwaan ng iglesya ang pananalapi nito. Sa ilang iglesya, halos lahat ng desisyong pinansyal ay pinagbobotohan ng kongregasyon. Sa iba namang iglesya, ang pastor lamang at/o ilang mga tagapanguna ang nakakaalam sa pangangasiwa ng iglesya sa pananalapi nito. Ang balanseng biblikal ay nasa gitna ng dalawang ito.
Hindi itinala ng unang iglesya sa Bibliya ang ulat sa pananalapi o ang badyet sa mga pagpupulong. Tila ang modelo ay ang pinansyal na aspeto ay ipinagkatiwala ng iglesya sa isang tagapanguna o sa mga tagapanguna at pagkatapos, ang mga tagapangunang iyon ang nangangasiwa sa pananalapi ng iglesya. Itinala sa Roma 15:25-28 at 1 Corinto 16:1-4 ang paglilikom ng pera ng mga iglesya at pagkatapos ay ibinigay nila ang pera kay Pablo at sa isang grupo ng tao para ipamahagi. Paano susundin ng iglesya sa kasalukuyan ang modelong ito? Dahil sa kakulangan ng maliwanag na pagtuturo sa Bibliya, tila nais ng Diyos na magkaroon tayo ng kalayaan sa isyung ito. Maaari bang magkaroon ang isang iglesya ng pamunuan, mga matatanda sa iglesya o diyakono o mga katiwala na mangangasiwa sa desisyon ng iglesya tungkol sa pananalapi? Oo. Maaari bang magbigay ang kongregasyon ng opinyon at mangasiwa sa mga pangunahing isyung pinansyal ng iglesya? Oo. Maaari bang magtalaga ang iglesya ng isang tao, gaya ng ingat-yaman o pastor para mangasiwa sa lahat ng pananalapi ng iglesya? Habang ang ganitong pamamaraan ay may kakulangan sa pananagutan, wala tayong malinaw na pagbabawal sa Bibliya sa ganitong sitwasyon, kaya ang sagot ay “Oo.”
Higit na mahalaga kaysa sa kung sino ang mangangasiwa sa pinansyal ng iglesya ay ang paraan ng pangangasiwa. Paano pinangangasiwaan ng taong pinagkatiwalaan ang pinansyal ng iglesya? Kung ang pinansyal ng iglesya ay pinamamahalaan ng may katapatan, integridad, at kabukasan, hindi na mahalaga kung sino ang nangangasiwa nito. Maaaring gamitin sa maling paraan ng isang komite ang pananalapi ng iglesya kung paanong maaari din itong gamitin sa maling paraan ng isang indibidwal. Dapat na maging napakaingat ng isang iglesya kung sino ang tao o mga taong bibigyan nito ng kontrol sa pananalapi. Ang kwalipikasyon na “hindi maibigin sa salapi” at maayos na napapamahalaan ang pamilya” (1 Timoteo 3:3-5) ay dapat na isaalang-alang.
Kung sinuman ang mangangasiwa ng pananalapi, mahalaga ang pananagutan. Dapat na bukas ang aklat ng talaang pinansyal ng iglesya sa lahat ng gustong makita ito. Dapat na laging handa ang isang iglesya na ipakita na ang pondong ipinagkakaloob ng Diyos ay napapamahalaan ng matalino at maayos. Sinira o winasak ng mga iskandalong kinasasangkutan ng pera ang hindi mabilang na iglesya. At, sa nakakaraming kaso, iyon ay dahil sa kawalan ng pananagutan sa iba at pagtatago ng mga talang pinansyal. Ang pagtatago ng mga resibo ay maaaring sobra naman, pero dapat na nagiingat ang iglesya ng mga tala ng mga gastusin gaya ng pangsweldo, benepisyo, pambayad sa upa sa gusali, pambayad sa kuryente at tubig, pagmamantini ng mga kagamitan at iba pa. Dapat na may tiwala ang kongregasyon sa kakayahan ng mga pinuno na mangasiwa sa pinansyal ng iglesya ng may karunungan. Nawa’y gabayan at palakasin ang ating loob ng mga salita ng ating Panginoon, “Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Halika, samahan mo ako sa aking kagalakan. Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya gagawin kitang tagapamahala ng malaking halaga!” (Mateo 25:21).
English
Gaano dapat maging bukas ang iglesya sa pananalapi nito?