Tanong
Ano ang ibig sabihin ng iiwan ang magulang at makikipisan sa asawa?
Sagot
"Kaya't iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila'y magiging isang laman" (Genesis 2:24 KJV). Mababasa sa ibang salin ang salitang "iiwan at makikipisan" na "iniiwan at sumama" (MBB), "iiwan at makikipagisa" (NASB) at "iiwan at sasama" (ESV). Kaya, ano ang eksaktong ibig sabihin ng iiwan ang ama at ina at makikipisan sa kanyang asawa?
Gaya ng itinala sa Genesis 2, unang nilikha ng Diyos si Adan at pagkatapos ay si Eba. Dinala ng Diyos mismo si Eba kay Adan. Ang Diyos mismo ang nagtalaga na sila ay magiging isa sa isang banal na matrimonyo. Sinabi Niya na sila ay magiging isang laman. Ito ang larawan ng matalik na relasyon ng magasawa - ang pagpapakita ng pag-ibig na hindi maaaring ipagkaloob sa iba. Ang "pakikipisan" ay nangangahulugan ng "sumunod, manatili at makisama." Ito ay isang tanging relasyon ng pagsasama ng dalawang tao upang sila'y maging isa o may iisang pagkakakilanlan. Ito'y nangangahulugan na hindi tayo susuko kung hindi na maayos ang lahat. Ito ay relasyon na kinapapalooban ng paguusap sa mga bagay bagay, pananalangin sa lahat ng pagkakataon at katiyagaan habang nagtitiwala sa Diyos na Siya ang kikilos sa kanilang mga puso, pag-amin kung nakagawa ng pagkakamali at paghingi ng tawad at paghahanap ng kalooban ng Diyos sa tuwina sa Kanyang mga Salita.
Kung ang sinuman sa magasawa ay mabigo sa "pagiwan at pakikipisan", maraming problema ang kanilang kakaharapin sa kanilang buhay may asawa. Kung ayaw ng isa na humiwalay sa kanyang mga magulang, magkakaroon ng hindi pagkakaunawaan at hindi pagkakasundo sa pagitan ng magasawa. Ang pagiwan sa mga magulang ay pagkilala na ang inyong pagaasawa ay lumikha na ng bagong pamilya at ito ang magiging mas higit na prayoridad kaysa sa iniwang pamilya. Kung mabigo ang magasawa na makipisan sa isa't isa, ang resulta nito ay kawalan ng matalik na pagsasamahan at pagkakaisa. Ang pakikipisan sa iyong asawa ay hindi nangangahulugan na lagi kang sasama sa iyong asawa sa lahat ng oras o hindi ka na magkakaroon ng makabuluhang relasyon sa ibang tao. Ang pakikipisan sa asawa ay pagkilala na kayo ay pinaging isa at "pinag-ugnay" sa isa't isa. Ang pakikipisan ang susi sa pagtatayo ng isang relasyon na magtatagumpay laban sa mahihirap na pagsubok at magiging isang magandang pagsasamahan na ayon sa ninanais ng Diyos.
Ang "pagiwan at pakikipisan" sa tipan ng magasawa ay isang larawan din ng pakikipagisa na nais ng Diyos na magkaroon tayo sa Kanya. "Kayo'y lalakad ayon sa Panginoon ninyong Dios, at matatakot sa kaniya, at gaganap ng kaniyang mga utos, at susunod sa kaniyang tinig at maglilingkod sa kaniya at lalakip sa kaniya" (Deuteronomio 13:4 KJV). Nangangahulugan ito na iiwanan natin ang ating ibang mga diyos, ano man o sino man sila at makikipisan tayo sa Kanya lamang bilang ating Diyos. Makikipisan tayo sa Kanya habang pinagaaralan natin ang Kanyang mga Salita at nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan sa atin. At habang sumusunod tayo sa Kanya, matatagpuan natin na ang instruksyon na iwanan ang ating ama at ina upang makipisan sa ating asawa ay upang matagpuan natin ang kasiyahan at katiyakan na Siyang hangarin Niya para sa atin. Seryoso ang disenyo ng Diyos sa pagaasawa. Ang pagiwan sa magulang at pakikipisan sa asawa ang plano ng Diyos para sa mga maga-asawa. Kung susunod tayo sa plano ng Diyos para sa atin, hindi tayo mabibigo.
English
Ano ang ibig sabihin ng iiwan ang magulang at makikipisan sa asawa?