settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ikalawang kamatayan?

Sagot


Binabanggit ang salitang ikalawang kamatayan ng maraming beses sa aklat ng Pahayag at katumbas ng salitang 'dagatdagatang apoy.' Tinatawag itong ikalawang kamatayan dahil ito ay 'pagkahiwalay sa Diyos,' ang tagapagbigay ng buhay. Tinatawag din itong ikalawang kamatayan dahil ito ay nagaganap pagkatapos ng pisikal na kamatayan.

Buong detalyadong ipinaliwanag kung ano ang ikalawang kamatayan sa Pahayag 21:8: "Ngunit sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan."

Binanggit sa tatlong iba pang okasyon sa aklat ng Pahayag ang ikalawang kamatayan. Ang una ay sa Pahayag 2:11: "Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang mapagtagumpay ay hindi parurusahan ng ikalawang kamatayan." Sa talatang ito, ipinangako ni Jesus sa mga mananampalataya (sa mga "mapagtagumpay"; tingnan din ang 1 Juan 5:4) na hindi nila mararanasan ang dagatdagatang apoy. Ang ikalawang kamatayan ay para lamang sa mga tumanggi kay Kristo. Hindi ito isang lugar na dapat katakutan ng mga tunay na mananampalataya.

Binabanggit ang ikalawang kamatayan sa Pahayag 20:6 sa kaugnayan nito sa isang yugto ng panahon sa hinaharap na tinatawag na isang libong taon: "Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon." Binibigyang diin sa talatang ito ang tatlong mahalagang katotohanan: Una, ang mga namatay dahil sa kanilang pananampalataya kay Jesus sa panahon ng isang libong taon ay bubuhaying mag-uli upang makapasok sa isang libong taon at mabuhay na kasama si Jesus. Ikalawa, ang mga martir na ito ay hindi dadanas ng hatol sa dagatdagatang apoy o ikalawang kamatayan. Ikatlo, maghahari silang kasama ni Kristo.

Binanggit din ang ikalawang kamatayan sa Pahayag 20:14-15: "At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy. At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy." Sa katapusan ng panahon, kahit na ang kamatayan at libingan (hades) ay itatapon din sa lawang apoy. Bilang karagdagan, ang bawat taong hindi nakasulat sa aklat ng buhay ay itatapon sa lawang apoy. Ang kalagayang ito ang huli at permanenteng destinasyon ng mga hindi mananampalataya.

Sa pagbubuod, ang ikalawang kamatayan ay pagtukoy sa dagatdagatang apoy kung saan mamamalagi magpakailanman ang mga taong hiwalay sa Diyos dahil sa kanilang mga kasalanan. Ang hatol na ito ay itinala sa Kasulatan bilang babala sa mga hindi mananampalataya upang sumampalataya sila kay Kristo at tumanggap ng kaligtasan na Kanyang ipinagkakaloob. Ang paparating na paghuhukom ay dapat ding magsilbing hamon sa mga mananampalataya upang ibahagi ang kanilang pananampalataya sa iba. May napakalaking pagkakaiba sa pagitan ng huling hantungan ng mga kumikilala kay Kristo at sa mga hindi kumikilala kay Kristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ikalawang kamatayan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries