settings icon
share icon
Tanong

Mayroon bang ikalawang pagkakataon sa kaligtasan pagkatapos ng kamatayan?

Sagot


Maganda sa pandinig ang ikalawang pagkakataon para sa kaligtasan pagkatapos ng kamatayan, ngunit malinaw ang itinuturo ng Bibliya na wala ng pagkakataon pa para sa kaligtasan pagkatapos ng kamatayan. Sinasabi sa atin ng Hebreo 9:27 na pagkatapos ng kamatayan ay paghuhukom. Kaya nga habang nabubuhay ang tao, mayroon siyang ikalawa, ikatlo, ikaapat o ikalimang pagkakataon upang magsisi, manalig kay Hesus at maligtas (Juan 3:16; Roma 10:9-10; Gawa 16:31). Pagkatapos na mamatay ang tao, wala ng iba pang pagkakataon. Ang ideya ng purgatoryo, isang lugar kung saan pumupunta ang kaluluwa ng mga tao pagkatapos ng kamatayan upang pagbayaran ang kanilang mga kasalanan ay walang basehan sa Bibliya. Ito ay isa lamang tradisyon ng mga Romano Katoliko.

Upang maunawaan kung ano ang nangyayari pagkatapos na mamatay ng isang hindi mananampalataya, tunghayan natin ang Pahayag 20:11-15 kung saan inilalarawan ang Dakilang Paghuhukom sa harap ng Maputing Trono. Dito magaganap ang pagbubukas ng mga aklat, at "ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa." Ang mga aklat ay naglalaman ng lahat ng inisip at ginawa ng lahat ng hindi mananampalataya na haharap sa paghuhukom. Alam natin na itinuturo ng Bibliya sa Roma 3:20 na "sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay walang laman na aariing-ganap sa paningin niya." Kaya nga ang mga huhukuman sa kanilang mga inisip at ginawa ay hindi huhukuman upang magkaroon ng ikalawang pagkakataon upang maligtas kundi upang lapatan ng karampatang kaparusahan ayon sa kanilang mga ginawa upang pagdusahan ang mga iyon sa impiyerno. Sa isang banda naman, ang mga mananampalataya kay Kristo ay hindi na huhukuman ayon sa kanilang mga ginawa dahil ang kanilang mga pangalan ay nakasulat sa isa pang akalat - ang "Aklat ng Buhay ng Kordero" (Pahayag 21:27). Ito ang mga naglagak ng pananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo at sila lamang ang pahihintulutan na makapasok sa kalangitan.

Ang sinumang nakasulat ang pangalan sa Aklat ng Buhay ng Kordero ay "iniligtas bago pa itinatag ang sanglibutan" (Efeso 1:4) dahil sa walang hanggang biyaya ng Diyos upang maging bahagi ng Iglesya, ang babaing ikakasal sa Kordero. Ang mga taong ito ay hindi na nangangailangan ng ikalawang pagkakataon dahil ang kanilang kaligtasan ay tiniyak ni Hesu Kristo. Sila ay pinili, iniligtas, at iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos. Walang sinuman ang makapaghihiwalay sa kanila mula kay Kristo (Roma 8:39). Ang mga kinamatayan ni Hesus ay tiyak na maliligtas at lalapit kay Hesus. Sinabi ni Hesus, "Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay magsisilapit sa akin; at ang lumalapit sa akin sa anomang paraan ay hindi ko itataboy." (Juan 6:37), "At sila'y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma'y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay." (Juan 10:28). Para sa mga mananampalataya kay Hesus, hindi na kailangan ang ikalawang pagkakataon sapagkat ang unang pagkakataon ay sapat na.

Paano ang mga taong hindi nanampalataya? Makakapagsisi pa ba sila at mananampalataya kung bibigyan sila ng ikalawang pagkakataon? Ang sagot ay hindi. Hindi sila magsisisi at mananampalataya kahit bigyan pa sila ng ikalawang pagkakataon dahil ang kanilang puso ay hindi na magbabago kahit ng kamatayan. Ang kanilang puso at isip ay laging "lumalaban" sa Diyos at hindi nila Siya tatanggapin kahit na makita pa nila Siya ng mukhaan. Makikita ang katotohanang ito sa kuwento ng lalaking mayaman at si Lazaro sa Lukas 16: 19-31. Kung mayroong dapat na nagsisi upang bigyan ng ikalawang pagkakataon, ito ay ang lalaking mayaman sa kuwento. Ngunit sa kabila ng kanyang paghihirap sa impiyerno, ang tanging hiniling niya kay Abraham ay suguin si Lazaro pabalik sa mundo upang pagsabihan ang kanyang mga kapatid upang hindi sila magdanas ng pareho ng kanyang nararanasan. Walang pagsisisi sa kanyang puso kundi panlulumo sa kanyang sinapit. Sinabi ni Abraham ang nararapat: "Kung di nila pinakikinggan si Moises at ang mga propeta, ay di rin mangahihikayat sila, kahit ang isa'y magbangon sa mga patay." (Lukas 16:31). Makikita natin dito ang ebidensya na sapat na ang Kasulatan upang maligtas ang mga maniniwala dito at wala ng iba pang kapahayagan o kasangkapan ang Diyos para sa kaligtasan para sa mga hindi sasampalataya sa sinasabi ng Bibliya. Walang ikalawa, ikatlo o ikaapat na pagkakataon ang sapat upang baguhin ang pusong bato upang maging pusong laman.

Idineklara sa Filipos 2:10-11, "Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa, at upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama." Isang araw, ang lahat ay luluhod at kikilalanin si Hesus na Siya ang Panginoon at Tagapaglitas. Ngunit sa panahong iyon, huli na ang lahat. Pagkatapos ng kamatayan, ang tanging natitira na lamang para sa mga hindi mananampalataya ay ang hatol ng Diyos (Pahayag 20:14-15). Kaya nga, kailangan ng taong pagsisihan ang kanyang mga kasalanan at pagtiwalaan si Hesus para sa kanyang kaligtasan habang nasa buhay na ito.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mayroon bang ikalawang pagkakataon sa kaligtasan pagkatapos ng kamatayan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries