settings icon
share icon
Tanong

Masasabi ba na talagang malapit ng dumating si Kristo?

Sagot


Ang salitang imminent na isinalin sa salitang Tagalog na “nalalapit” ay nangangahulugang “maaaring maganap anumang oras; napipinto.” Kung sinasabi natin na nalalapit na ang pagbabalik ni Kristo, sinasabi natin na maaari Siyang dumating anumang oras. Wala ng natitira pang hula sa Bibliya na hindi pa natutupad bago muling pumarito ang Panginoong Hesus upang dagitin ang Iglesya. Ang nalalapit na pagdating ni Kristo ay itinuturo sa mga Ebanghelikong iglesya sa pangkalahatan, na may ilang hindi pagkakasundo ayon sa kung ano ang kanilang pananaw kung kailan eksaktong magaganap ang pagdagit (rapture) sa iglesya; kung darating ba si Hesus bago ang pitong taon ng kapighatian (pre-trib), sa gitna ng pitong taon ng kapighatian (mid-trib), o pagkatapos ng pitong taon ng kapighatian (post-trib).

Paulit-ulit na binanggit ni Hesus ang tungkol sa Kanyang muling pagparito sa buong panahon ng Kanyang pagmiministeryo, na natural na naging daan upang magusisa ang Kanyang mga alagad. Ang isa sa kanilang mga tanong ay, “Kailan po ba mangyayari ang mga bagay na ito, at ano po ba ang palatandaan na ang lahat ng mga ito'y malapit nang maganap?” (Markos 13:4). Sumagot si Hesus, “Ngunit walang nakakaalam ng araw o ng oras na iyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. Mag-ingat kayo at maging handa dahil hindi ninyo alam kung kailan ito mangyayari” (talata 32–33). Mahalagang tandaan na sa lahat ng diskusyon tungkol sa mga bagay na magaganap sa hinaharap, hindi sa atin hinihingi ng Diyos na ganap na maunawaan ang eksaktong panahon ng kaganapan ng Kanyang mga plano.

Gayunman, sinasabi sa Bibliya na malapit na ang muling pagparito ni Kristo at dapat tayong maghintay sa Kanya ng may buong pananabik (Roma 8:19–25; 1 Corinto 1:7; Filipos 3:20; Judas 21). Hinimok tayo ni Santiago na “Magtiyaga [at] tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon” (Santiago 5:8). Sinasabi din sa Pahayag 1:3 at 22:10 na “malapit ng maganap ang mga ito.”

Itinuro ni Hesus sa Kanyang mga alagad na magbantay para sa Kanyang pagbabalik. “Kayo man ay dapat na humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan” (Lukas 12:40). Ang utos na “humanda” ay nagpapahiwatig sa nalalapit Niyang pagdating. Sa buong Bagong Tipan, sinasabihan ang iglesya na maging handa (Mateo 24:42, 44; 1 Tesalonica 5:6). Kung dapat na asahan ng unang iglesya ang muling pagparito ng Panginoon anumang oras, gaano pa kaya tayo dapat na maghanda sa kanyang muling pagparito sa panahong ito?

Ang ating kaligtasan ay “nakahandang ihayag sa katapusan ng panahon” (1 Pedro 1:5). Maaaring bumalik ang Panginoong Hesus para sa Kanyang mga hinirang anumang sandali mula ngayon at ang pangyayaring ito ang magpapasimula sa mga serye ng pangyayari na idinetalye sa Pahayag 6—18. Gaya ng limang matalinong dalaga sa talinghaga ni Hesus (Mateo 25:1–13), dapat tayong maging handa sa lahat ng oras. “Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras man” (Mateo 25:13).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Masasabi ba na talagang malapit ng dumating si Kristo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries