Tanong
Magkakaroon pa ba ng ikalawang pagkakataon para sa kaligtasan ang mga tao pagkatapos ng pagdagit sa mga mananampalataya o rapture?
Sagot
May ilang tagapagpaliwanag ng Bibliya ang naniniwala na wala ng pag-asa pang maligtas ang tao pagkatapos na maiwanan sa rapture. Gayunman, walang kahit isang talata sa Bibliya na magpapatunay sa ideyang ito. Maraming tao ang lalapit kay Kristo sa panahon ng Dakilang Kapighatian. Ang 144,000 na mga saksi ay mga mananampalatayang Hudyo (Pahayag 7:4). Kung wala ng kahit isang makalalapit kay Hesus sa panahon ng Kapighatian, bakit sinasabi na maraming tao ang pupugutan ng ulo sa panahong iyon dahil sa kanilang pananampalataya (Pahayag 20:4)? Walang kahit isang talata sa Bibliya na nagpapatunay na wala ng maliligtas pa pagkatapos ng pagdagit sa mga mananampalataya. Sa kabaliktaran, maraming talata ang nagpapatunay na may maliligtas pa pagkatapos ng rapture.
Ang isa pang pananaw ay hindi maliligtas ang mga nakarinig ng ebanghelyo at pagkatapos ay tinanggihan ito bago ang rapture. Ang mga ligtas sa panahon ng Kapighatian, kung gayon, ay ang mga hindi nakarinig ng Ebanghelyo bago maganap ang rapture. Ang talata para sa teoryang ito ay ang 2 Tesalonica 2:9-11 kung saan sinasabi na gagawa ng mga himala ang antikristo upang dayain ang "mga napapahamak" at "ipapaubaya ng Diyos na sila'y malinlang ng espiritu ng kamalian at papaniwalain sa kasinungalingan" upang kumpirmahin ang kanilang kawalan ng pananampalataya. Ang ibinigay na dahilan ay dahil sa "tumanggi sila na ibigin ang katotohanan at ng sa gayon ay maligtas" (talata 10). Ipinagpapalagay nila na ang mga taong pinatigas ang kanilang puso sa ebanghelyo bago maganap ang rapture ay mananatili sa kanilang kalagayan. "At madadaya ng antikristo ang marami" (Mateo 24:5). Ngunit ang mga taong tumangging ibigin ang katotohanan" ay hindi lamang tumutukoy sa mga taong nakarinig ng ebanghelyo bago maganap ang rapture. Maaaring ang mga taong ito ay ang sinumang tatanggi sa pagliligtas ng Diyos sa lahat ng panahon. Kaya nga, walang malinaw na ebidensya mula sa Bibliya na sumusuporta sa paniniwalang ito.
Binabanggit sa Pahayag 6:9-11 ang mga “taong pinatay sa panahon ng kapighatian dahil sa salita ng Diyos at sa matapat na pagsaksi rito." Ang mga martir na ito ay naunawaan ng tama ang kanilang mga nasaksihan sa panahon ng kapighatian at nanalig sila sa Ebanghelyo at hihimukin ang iba sa pananampalataya at pagsisisi. Hindi pahihintulutan ng antikristo at ng kanyang mga tagasunod ang kanilang pangangaral at papatayin nila sila. Ang lahat na mga martir na ito ay ang mga taong nabuhay bago ang rapture ngunit hindi sila naging mananampalataya bago ang pagdagit. Kaya nga, may pangalawang pagkakataon pa ang mga tao na lumapit kay Kristo at maligtas pagkatapos ng rapture.
English
Magkakaroon pa ba ng ikalawang pagkakataon para sa kaligtasan ang mga tao pagkatapos ng pagdagit sa mga mananampalataya o rapture?