Tanong
Hinulaan ba sa Bibliya na magkakaroon ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig bago magwakas ang mga panahon?
Sagot
Walang duda na ang Ikatlong Digmaang Pandaigdig ay magiging bahagi ng kasaysayan sa hinaharap. Hinulaan ni Ezekiel ang digmaan ng Gog at Magog, na maaaring magaganap bago ang pitong taon ng kapighatian o maaaring malapit sa kalagitnaan ng pitong taon ng kapighatian (Ezekiel 38—39). Malinaw na itinuro ng Panginoong Hesu Kristo na magkakaroon ng mga digmaan bago ang Kanyang muling pagparito (Mateo 24:4¬–31). May mga naniniwala na tinutukoy ni Hesus ang tungkol sa panahon ng iglesya sa mga talatang 4–14 at sa panahon ng pitong taon ng kapighatian (simula sa kalagitnaan nito) sa mga talatang 15–31. May mga naniniwala naman na ang tinutukoy ni Kristo ay tungkol lamang sa pitong taon ng kapighatian sa talatang ito. Bagama’t tila hindi ibinibigay ang pangkalahatang paglalarawan sa mga talatang 4 hanggang 14, kahalintulad ito ng paglalarawan na unang ibinigay sa Pahayag 6:1–8 kung saan itinala ang mga detalye tungkol sa pagsisimula ng pitong taon ng kapighatian. Sinasabi sa Mateo 24:6–7, “Makakarinig kayo ng mga labanan at makakabalita ng mga digmaan sa iba't ibang dako. Ngunit huwag kayong mababahala dahil talagang mangyayari ang mga iyon, bagama't hindi pa iyon ang katapusan ng mundo. Maglalaban-laban ang mga bansa at gayundin ang mga kaharian.”
May magaganap na isa pang digmaang pandaigdig sa hinaharap. Gayunman, walang sinasabi sa Kasulatan na magkakaroon lamang ng ‘tatlong digmaang pandaigdig.’ Hindi partikular na binanggit sa Bibliya ang una at ikalawang Digmaang Pandaigdig o ang posibleng Ikatlong Digmaang Pandaigdig. Ang huling digmaang pandaigidig lamang ang detalyadong binanggit sa Kasulatan kaya katanggap-tanggap na may mga magaganap na digmaang pandaigdig bago dumating ang huling digmaang pandagidig.
Sa pagsisimula ng Pahayag 6, itinala ni apostol Juan ang kanyang nakita patungkol sa hinaharap. Ang digmaan ay makikita sa kabanata at patuloy na bahagi ng paghahayag ng mga pangyayari hanggang sa muling pagparito ni Kristo sa kabanata 19 (Pahayag 6:2, 4; 11:7; 12:7; 13:4, 7; 16:14; 17:14; 19:11, 19).
Sinasabi sa Pahayag 19:11, “…. Ang sakay nito'y tinatawag na Tapat at Totoo [si Kristo], sapagkat matuwid siyang humatol at makipagdigma.” Sinabi ni Juan sa Pahayag 19:19, “At nakita kong nagkatipon ang halimaw at ang mga hari sa lupa, kasama ang kanilang mga hukbo upang kalabanin ang nakasakay sa kabayo at ang hukbo nito [ni Kristo].” Malinaw na naglalarawan ito sa isang digmaang pandaigdig. Si Kristo ang magtatagumpay at siya ang “bibihag sa halimaw, gayundin sa bulaang propeta na gumawa ng mga kababalaghan sa harap ng halimaw upang dayain ang mga taong may tanda ng halimaw at sumamba sa larawan nito. “Ang kanilang mga hukbo ay pinatay sa pamamagitan ng tabak na lumabas sa bibig ng nakasakay sa kabayo” (Pahayag 19:20–21). Walang duda ang tagumpay —mananaig ang katuwiran dahil sa ganap na paggapi ni Kristo, ang Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon, sa lahat ng Kanyang mga kaaway.
Pagkatapos ng 1,000 taon ng paghahari ni Kristo, muling magkakaroon ng pagaaklas na maaaring pandaigdigan ang lawak. Bago ang isanlibong taon ng paghahari ni Kristo, ibibilanggo si Satanas at pakakawalan din pagkatapos ng isanlibong taon. Agad na pangungunahan ni Satanas ang mga tao sa isang rebelyon laban kay Kristo at sa Kanyang kaharian. Agad na tatapusin ni Kristo ang kanilang pagaaklas at permanenteng hahatulan si Satanas at itatapon sa lawang apoy gaya ng Kanyang ginawa sa Halimaw/Antikristo at sa bulaang propeta (Pahayag 20:7–10).
English
Hinulaan ba sa Bibliya na magkakaroon ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig bago magwakas ang mga panahon?