settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa ilegal na imigrasyon?

Sagot


Napakalinaw ng sinasabi sa Roma 13:1-7 na inaasahan ng Diyos na tayo ay sumunod sa mga utos ng pamahalaan. Ang tanging pasubali dito ay kung ang batas ng pamahalaan ay nagpipilit sa atin na sumuway sa utos ng Dios (Gawa 5:29). Ang ilegal na imigrasyon ay paglabag sa batas ng pamahalaan.

Walang anuman sa Kasulatan ang sumasalungat para sa isang bansa na magkaroon ng mga batas na pang imigrasyon. Samakatuwid, ang ilegal na pagpasok sa isang bansa ay kasalanan at pagrerebelde laban sa Dios.

Ang ilegal na imigrasyon ay isang kontrobersyal na isyu ngayon sa Amerika (at sa ilang iba pang bansa sa mundo). Ang ilan ay nangangatwiran na ang mga batas ng imigrasyon ay hindi patas, hindi matuwid at may pinapanigan o hindi pinapanigan – na siyang nagbibigay sa kanila ng dahilan para pumasok sa ibang bansa sa ilegal na paraan. Gayunman, ang isyu ay hindi ang kawalang katarungan ng batas. Ang tanging dahilan ayon sa Bibliya upang labagin ang batas ng pamahalaan ay kung ang isang batas ay lumalabag sa Salita ng Dios. Nang isulat ni Pablo ang Aklat ng Roma, siya ay nasa ilalaim ng kapangyarihan ng imperyo ng Roma, na pinamumunuan ni Nero na marahil ay ang pinakamasamang emperador sa lahat ng mga naging emperador ng Roma. Sa ilalim ng ganitong paghahari, maraming mga batas ang hindi makatarungan, hindi patas at masama. Gayunman, tinagubilinan ni Pablo ang mga Kristiyano na magpasakop sa pamahalaan.

Ang mga batas imigrasyon ba ng Amerika ay hindi patas o hindi makatarungan? Ganito ang iniisip ng ilan, subalit hindi ito ang isyu. Lahat ng maunlad na bansa sa mundo ay mayroong batas sa imigrasyon, ang ilan ay mas mahigpit pa sa Amerika at ang ilan naman ay hindi gaanong mahigpit. Walang makikita sa Bibliya na nagbabawal sa alinmang bansa na magbukas o magsara ng kanilang mga hangganan. Ang Roma 13:1-7 ay nagbibigay ng karapatan sa pamahalaan na parusahan ang mga lumalabag sa batas. Kung ang parusa ay pagkabilanggo o deportasyon, nasa kamay ng isang pamahalaan ang pagpapasya.

Ang karamihan sa mga ilegal na imigrante sa Amerika ay dumating sa layuning magkaroon ng mas magandang buhay, makapagbigay sa kanilang pamilya ng magandang kinabukasan, at matakasan ang kahirapan. Ang mga ito ay mabuting hangarin at pagganyak . Gayunman, hindi ayon sa Bibliya ang lumabag sa batas para makamit ang isang bagay na “mabuti.” Ang pagkalinga sa mga mahihirap, mga ulila at mga balo ay bagay na inuutos ng Bibliya na gawin natin (Galacia 2:10; Santiago 1:27; 2:2-15). Gayunman, ang utos na ito sa Bibliya na kalingain natin ang mga kapus palad ay hindi nangangahulugan na sa paggawa nito ay maaari nating labagin ang batas. Ang pagsuporta o ang pagpapalakas ng loob sa iba upang ilegal na makapasok sa isang bansa ay paglabag sa Salita ng Diyos. Dapat na laging sumunod sa batas ng imigrasyon ng isang bansa ang mga naghahangad na pumasok at manirahan sa bansang iyon. Bagamat maaaring may pagkaantala at pagkabigo, ang ganitong dahilan ay hindi nagbibigay ng karapatan kaninuman na lumabag sa batas.

Ano ang solusyon ng Bibliya sa ilegal na imigrasyon? Simple lang, huwag itong gawin; sundin ang mga batas. Kung ang hindi pagsunod ay hindi opsyon ng Bibliya, ano ang maaaring gawin patungkol sa hindi makatarungang batas imigrasyon? Ito ay nakapaloob sa karapatan ng mga mamamayan na hanapin ang mga pagbabago sa mga batas ng imigrasyon. Kung matibay ang inyong paniniwala na ang batas imigrasyon sa inyong bansa ay hindi makatarungan, gawin mo ang lahat ng legal na paraan: manalangin, magpetisyon, bumoto, maglunsad ng mapayapang protesta at iba pa. Bilang mga Kristiyano tayo ang dapat na maunang maghanap ng pagbabago sa mga batas na hindi makatarungan. Kasabay nito, atin ding ipakita ang ating pagpapasakop sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa pamahalaan kung saan Niya tayo inilagay.

“Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa lahat ng may kapangyarihan sa bayan: sa Emperador, ang pinakamataas na kapangyarihan, at sa mga gobernador na sugo Niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng matuwid. Sapagkat ibig ng Dios na pabulaanan ng inyong wastong pamumuhay ang mga sinabi ng mga hangal dahil sa kanilang kamangmangan. Kayo’y malaya, subalit ang kalayaa’y huwag ninyong gagawing dahilan sa paggawa ng masama kundi mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos” (1 Pedro 2:13-16).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa ilegal na imigrasyon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries