settings icon
share icon
Tanong

Ano ang immaculada concepcion? Si Maria ba ay ipinaglihi ng walang kasalanan?

Sagot


Maraming tao ang naniniwala na ang immaculada concepcion ay tungkol sa paglilihi kay Hesu Kristo. Ang paglilihi kay Hesu Kristo ay tiyak na immaculada o walang bahid dungis, ngunit ang konseptong ito ay hindi tungkol sa paglilihi kay Hesus. Ang immaculada concepcion ay doktrina ng Simbahang Katoliko tungkol sa paglilihi kay Maria, ang ina ni Hesus sa laman. Mababasa sa opisyal na katuruan ng Simbahang Katoliko, "ang banal na birheng Maria, mula pa sa paglilihi sa kanya ng kanyang ina, dahilan sa grasya at pribilehiyong ipinagkaloob sa kanya ng Diyos, at sa merito ni Kristo Hesus ang Tagapagligtas ng buong sanlibutan, ay iningatang malinis mula sa anumang dungis ng orihinal na kasalanan." Sa esensya, ang immaculada concepcion ay ang paniniwala na iningatan ng Diyos si Maria upang hindi mahawa ng orihinal na kasalanan, kaya si Maria ay walang makasalanang kalikasan at banal o walang anumang ginawang kasalanan.

Ang problema, ang doktrinang ito ng immaculada concepcion ay hindi makikita sa buong Bibliya. Itinuturo ng Bibliya na isa lamang karaniwang babae na pinili ng Diyos si Maria upang maging ina ng Panginoong Hesu Kristo. Walang duda na si Maria ay isang babaeng makadiyos (Lukas 1:28). Tiyak na si Maria din ay isang mabuting asawa at ina. Tiyak na minahal at pinahalagahan siya ni Hesus bilang kanyang ina (Juan 19:27). Ngunit hindi itinuturo saanman sa Bibliya na si Maria lamang ang tao na hindi nahawahan ng minanang kasalanan at hindi kailanman nakagawa ng anumang kasalanan. Sa kabaliktaran, itinuturo ng Bibliya na tanging ang Panginoong Hesu Kristo lamang ang taong hindi nahawahan ng kasalanan o nakagawa ng anumang kasalanan (Mangangaral 7:20; Roma 3:23; 2 Corinto 5:21; 1 Pedro 2:22; 1 Juan 3:5).

Ang doktrina ng immaculada concepcion ay nag-ugat sa pagkalito kung paanong isinilang na walang kasalanan ang Panginoong Hesus kung ipinagbuntis siya sa loob ng matris ng isang makasalanang babae. Ang katuruang ito ay bunga ng maling pangunawa na kung may kasalanan si Maria, maaaring nagmana si Hesus ng makasalanang kalikasan. Salungat sa doktrina ng immaculada concepcion, ang Biblikal na solusyon sa problemang ito ay ang mahimalang pagiingat ng Banal na Espiritu sa batang si Hesus sa sinapupunan ni Maria upang huwag magmana ng anumang kasalanan habang nasa loob ng kanyang sinapupunan. Kung kaya ng Diyos na ingatan si Maria upang hindi magkasala, hindi ba Niya kayang ingatan si Hesus upang hindi mahawahan ng minanang kasalanan mula kay Maria? Kaya ang katuruan ng immaculada concepcion ay hindi kinakailangan upang proteksyonan ang kabanalan ni Kristo at hindi rin ito itinuturo ng Bibliya.

Tinitindigan ng Simbahang Katoliko na kailangan ang doktrina ng immaculada concepcion dahil kung wala daw ito, si Hesus mismo ay tumanggap din ng grasya ng Diyos. Ito ang kaisipang naglalaro sa isip ng mga teologo ng Simbahang Katoliko — upang maingatan si Hesus mula sa kasalanan, na isang biyaya mula sa Diyos, ito'y nangangahulugan na biniyayaan ng Diyos ang Kanyang sarili. Ang ibig sabihin ng "biyaya" ay isang pabor na tinanggap ng isang hindi karapat dapat. Ang biyaya ay ibinibigay sa isang hindi karapatdapat. Gayunman, ang himala ng pagiingat ng Diyos kay Hesus upang hindi mahawahan ng kasalanan ay hindi isang "biyaya." Hindi kailanman maaaring mahawahan ng kasalanan si Kristo dahil Siya ay perpektong banal. Ang kanyang perpektong kabanalan ay nasa kanyang banal na pagkatao na kasama ng kanyang banal na pagka Diyos. Hindi maaaring mahawahan o maapektuhan ng kasalanan ang Diyos dahil Siya ay perpektong banal. Hindi Siya tumanggap ng biyaya upang proteksyonan ang sarili sa kasalanan. Bilang Diyos na nagkatawang tao, si Hesus sa esensya ay "hiwalay" sa kasalanan.

Kaya nga ang doktrina ng immaculada concepcion ay hindi ayon sa Bibliya at hindi kailangan. Mahimalang ipinaglihi si Hesus sa sinapupunan ni Maria na noon ay isang birhen. Ito ang tamang konsepto ng kapanganakan ni Hesus sa isang birhen. Hindi kailanman itinuro sa Bibliya na may nangyaring kakaiba kay Maria. Kung susuriin natin ang konseptong ito ng immaculada concepcion, kailangan din na banal din ang babaeng nagsilang kay Maria. Paanong magiging walang kasalanan si Maria kung ang kanyang ina ay makasalanan din? Ganito rin ang masasabi sa kanyang lola at hanggang sa kanyang mga kanunununuan. Kaya nga bilang konkusyon, ang immaculada concepcion ay isang katuruan na hindi sinasang-ayunan ng Kasulatan. Itinuturo ng Bibliya ang banal na paglilihi kay Hesus, hindi ang banal na paglilihi kay Maria.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang immaculada concepcion? Si Maria ba ay ipinaglihi ng walang kasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries