settings icon
share icon
Tanong

Paanong ang walang hanggang impiyerno ay makatarungan na kaparusahan sa kasalanan?

Sagot


Ito ay isang usaping bumabagabag sa mga kulang ang pang-unawa sa tatlong bagay: ang kalikasan ng Diyos, kalikasan ng tao, at kalikasan ng kasalanan. Bilang mga likas na makasalanan, ang kalikasan ng Diyos ay sadyang mahirap maintindihan. Madalas ang nakikita natin ang Diyos na mabait at maawain kung saan ang kanyang pagmamahal sa atin ay natatakpan o pinawawalang saysay ang iba pa Niyang katangian. Oo ang Diyos ay mapagmahal, mabait at maawain, ngunit Siya ay una sa lahat, banal at matuwid na Diyos. Siya ay banal kaya't hindi Niya maaaring kunsintihin ang kasalanan. Siya ay Diyos na galit sa kasamaan at sa mga hindi masunurin (Isaias 5:25; Hosea 8:5; Zacarias 10:3). Hindi lamang Siya mapagmahal na Diyos - Siya mismo ay pag-ibig! Ngunit sinasabi rin sa Bibliya na kinasusuklaman niya ang lahat ng uri ng kasalanan (Mga Kawikaan 6:16-19). At habang Siya ay maawain, ang kanyang awa ay walang katapusan. "Inyong hanapin ang Panginoon samantalang Siya'y masusumpungan, magsitawag kayo sa Kaniya samantalang Siya'y malapit; Lisanin ng masama ang kaniyang lakad, at ng liko ang kaniyang mga pagiisip; at manumbalik siya sa Panginoon, at kaaawaan Niya siya; at sa aming Diyos, sapagka't siya'y magpapatawad ng sagana"

Ang sangkatauhan ay likas na makasalanan, at ang kasalanan ay laging laban sa Diyos. Nang magkasala si David ng pangangalunya kay Bathsheba at sa pagplano ng kamatayan ni Uriah, ito ang kanyang naging panalangin, "Sa Iyo lang ako nagkasalang tunay, at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan; kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan, marapat na ako'y iyong parusahan." Kahit na si David ay nagkasala laban kay Bathsheba at Uriah, nalalaman niya na una sa lahat, ang lahat ng kasalanan ay laban sa Diyos. Ang Diyos ay eternal at walang hanggan (Mga Awit 90:2). Samakatuwid, ang lahat ng kasalanan ay nangangailangan ng walang hanggang parusa. Ang banal, perpekto at walang hanggang katangian ng Diyos ay hinamak ng ating kasalanan. Bagaman sa ating pag-iisip ang ating kasalanan ay may hangganan sa limitadong panahon, para sa Diyos - na labas sa oras at panahon - ang kasalanang kinasusuklaman Niya ay nananatili. Ang ating kasalanan ay walang hanggan para sa Kanya at nararapat lamang tapatan ng walang hanggang kaparusahan upang matugunan ang Kanyang Banal na katarungan.

Walang sinumang higit na makauunawa dito liban sa taong nasa impiyerno. Isang halimbawa ay ang kwento ng mayaman at ni Lazaro. Pareho silang namatay, ang mayaman ay napunta sa impiyerno samantalang si Lazaro ay napunta sa paraiso (Lukas 16). Alam ng mayaman na ang kanyang mga kasalanan ay kanya lamang nagawa habang sya ay nabubuhay sa lupa. Subalit nakamamangha na hindi niya sinabi "Paano ako napunta dito?" Ang katanungang iyon ay hindi kailanman itinanong sa impiyerno. Hindi niya sinabing "Nararapat ba sa akin ito? Hindi ba ito kalabisan?" Ang kanya lamang pinakiusap ay ipadala si Lazaro sa kanyang mga kapatid upang bigyang babala sila at ng hindi humantong sa walang hanggang pagdurusa.

Tulad ng mayaman, ang bawat makasalanan sa impiyerno ay napagtatantong ganap na sila'y nararapat na maparoon. Ang bawat makasalanan ay may ganap na kaalaman, kaunting kamalayan, at budhi na siya ring ginagamit sa impiyerno upang sila'y pasakitan. Ito ang pagpaparanas ng labis na paghihirap sa impiyerno - ang taong ganap na nalalaman ang lahat ng kanyang kasalanan habang patuloy na inuusig ng kanyang konsensya, ng walang pahinga ni isang sandali. Ang pakiramdam sa kasalanan na nagbibigay ng kahihiyan at walang hanggang pagkamuhi sa sarili. Nalalaman ng mayaman na ang walang hanggang kaparusahan para sa habang-buhay na kasalanan ay makatarungan at nararapat. Ito rin ang dahilan kung kaya't hindi siya kailanman lumaban o nagtanong kung bakit siya napunta sa impiyerno.

Ang katotohanan ng walang katapusang sumpa, walang hanggang impiyerno, at eternal na kaparusahan ay sadyang nakakatakot at nakagagambala. Ngunit maaaring mabuti na tayo nga ay natatakot. Sa kabila ng katotohanan na ito'y sadyang nakababahala, may mabuting balita. Mahal tayo ng Diyos (Juan 3:16) at nais Niyang tayo ay maligtas mula sa kapahamakan (2 Pedro3:9). Pero dahil ang Diyos ay makatarungan at matuwid, hindi Niya pahihintulutan na walang kaparusahan ang ating pagkakasala. May dapat magbayad para dito. Sa Kanyang dakilang habag at pag-ibig, Siya ang nagbigay ng kabayaran para sa ating kasalanan. Ipinadala Niya ang Kanyang Anak na si Kristo Hesus upang bayaran ang ating kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan sa krus. Ang epekto ng Kanyang kamatayan ay walang hanggan sapagkat Siya ay walang hanggang Diyos at walang hanggang tao. Kanyang tinubos ang walang hanggang kasalanan upang hindi na natin pagbayaran sa impiyerno ng walang hanggan (2 Mga Taga-Corinto 5:21). Kung ating ipagtatapat at tatanggapin ang ating mga nagawang kasalanan at ilalagak ang buong tiwala kay Kristo, hihingi ng kapatawaran sa Diyos batay sa sakripisyo ni Hesus, tayo ay ligtas, napatawad, nalinis at napangakuan na ng walang hanggang tahanan sa langit. Labis ang pagmamahal ng Diyos sa atin na Siya ang nagbigay ng paraan upang tayo ay maligtas, ngunit kung ating tatanggihan ang Kanyang Biyaya ng walang hanggang buhay, haharapin natin ang walang hanggang konsekwensya ng desisyong ito.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paanong ang walang hanggang impiyerno ay makatarungan na kaparusahan sa kasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries