settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa panggugulo ng demonyo (demonic oppression)?

Sagot


May malakas na ebidensya sa Bibliya na ang isang Kristiyano ay hindi na maaaring saniban o sapian pa ng demonyo. Dahil dito, mas marapat na itanong kung paano maaaring impluwensiyahan o guluhin ng demonyo ang isang Kristiyano. Maraming guro ng Bibliya ang naglalarawan sa pagimpluwensiya o panggugulo ng demonyo (demonic oppression) at ang kaibahan nito mula sa pagsapi o pagsanib ng demonyo.

Ayon sa Bibliya, ang diyablo ay aali-aligid na humahanap ng masisila (1 Pedro 5: 8), at si Satanas at ang kanyang mga demonyo ay "gumagawa ng masasamang plano" laban sa mga Kristiyano (Efeso 6:11). Kagaya ng panunukso ni Satanas kay Hesus (Lucas 4:2), ang mga demonyo ay naguudyok sa mga Kristiyano na magkasala at huwag sumunod sa Diyos. Ang pagimpluwensiya ng demonyo ay nagaganap kapag hinahayaan ng Kristiyano ang demonyo na magtagumpay sa kanyang mga masasamang balak. Nakakamit ng demonyo ang panandaliang tagumpay laban sa Kristiyano kapag tuluyang nagkakasala ang Kristiyano na nagiging dahilan upang siya ay tumigil sa paglilingkod sa Diyos.

Sa oras na patuloy na hayaan ng isang Kristiyano ang pagimpluwensiya ng demonyo sa kanyang buhay, ang pagimpluwensiya ay maaaring lumakas at magbigay sa demonyo ng higit na kakayahan sa kanyang pagiisip, paguugali at buhay espiritwal. Ang mga Kristiyano na patuloy na nagkakasala ay hinahayaan ang kanilang sarili sa mas matinding pagimpluwensiya ng demonyo. Ang pagkukumpisal at pagtalikod sa kasalanan ay kailangan upang manumbalik ang relasyon sa Diyos, na siyang maaaring sumira sa kapangyarihang dulot ng pagimpluwensiya ng demonyo. Mahusay tayong hinihimok ni Apostol Juan sa paksang ito, "Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala sapagkat iniingatan sila ni Hesu Kristo, at hindi sila maaaring anhin ng diyablo" (1 Juan 5:18).

Ang kapangyarihan para sa katagumpayan at kalayaan mula sa pagimpluwensiya o panggugulo ng demonyo ay laging nariyan para sa mga Kristiyano. Ipinagbunyi ni Juan na, "Ang Espiritung na sa atin ay makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan" (1 Juan 4:4). Ang nananahang Espiritu ng Diyos (Roma 8:9) ay laging nariyan upang mapagtagumpayan ng mga Kristiyano ang panggugulo ng demonyo. Walang demonyo, maging si Satanas mismo, ang may kakayahang pigilan ang Kristiyano sa pagsusuko ng kanyang sarili sa Espiritu ng Diyos, na nagpapalaya laban sa lahat ng masamang impluwensya ng demonyo. Hinihimok tayo ni Pedro na labanan ang diyablo at "magpakatatag sa pananalig sa Diyos" (1 Pedro 5:9). Ang pagiging matatag ay nangangahulugan ng pag-asa sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos na mapagtagumpayan ang impluwensiya ng demonyo. Ang pananampalataya ay napatitibay sa pamamagitan ng mga disiplinang espiritwal kagaya ng pagbabasa ng Salita ng Diyos, pananalangin, at sa pakikisalamuha sa mga kapwa Kristiyano. Sa pamamagitan ng mga disiplinang espiritwal na mga ito, maaari nating gamitin ang kalasag ng pananalig kay Kristo na ating "pananga't pamatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng Masama" (Efeso 6:16).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa panggugulo ng demonyo (demonic oppression)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries