settings icon
share icon
Tanong

Dapat bang manatili ang mga ina sa loob ng tahanan?

Sagot


Ang paksa tungkol sa pananatili ng mga ina sa loob ng tahanan ay dahilan ng maraming kontrobersya lalo na sa mga bansa sa Kanluran kung saan maraming babae ang nagtatrabaho sa labas ng tahanan. May dalawa lamang direktang pagtukoy sa Bibliya tungkol sa mga ina na nananatili sa loob ng tahanan kasama ang mga kanyang mga anak. Sinasabi sa Tito 2:3-5, "Sabihin mo sa mga nakatatandang babae na sila'y mamuhay ng may kabanalan, huwag maninirang-puri, at huwag malululong sa alak, kundi magturo ng mabuti, upang maakay nila ang mga kabataang babae na mahalin ang kanilang mga asawa at mga anak. Ang mga kabataang ito'y kailangan ding turuan na maging makatuwiran, malinis ang isipan, masipag sa gawaing bahay, mabait, at masunurin sa kanilang asawa upang walang masabi ang sinuman laban sa salita ng Diyos nang dahil sa kanila." Ang isa pang sitas ay ang 1 Timoteo 5:14, kung saan sinasabi, "Kaya't para sa akin, mabuti pang sila'y mag-asawang muli, magkaanak at mag-asikaso ng tahanan, upang ang ating kaaway ay hindi magkaroon ng dahilan upang mapintasan tayo." Ang isa pang salin sa pariralang "masipag sa gawaing bahay" sa Tito 2:3-5 ay "tagapangalaga ng tahanan."

Maaari ring ikunsidera ang ilang mga talata na hindi direktang tumatalakay sa isyu. Sinasabi sa Kawikaan 14:1 na matalino ang babae na "nagtatatag ng kanyang bahay." Habang kinakailangan para sa mga ina na nananatili sa tahanan na "magtatag ng kanyang bahay," makikita natin ang mga bagay na nais ng Diyos na unahin sa tahanan at ang papel na ginagampanan ng mga babae. Malinaw na hindi dapat pabayaan ang tahanan dahil sa trabaho sa labas. Itinuturo sa Deuteronomio 6:4-9 ang kahalagahan ng patuloy na pagtuturo sa mga anak. Siyempre, ito ay parehong sinasabi sa mga ama at ina. Ang pananatili sa tahanan kasama ang mga anak ay magbibigay ng mas maraming oportunidad sa ina na magturo ng Salita ng Diyos. Kaya nga isang "magandang pamumuhunan" ang magagawa sa buhay ng mga anak kung literal na ilalapat ang bahaging ito ng Kasulatan.

Panghuli, isang kilalang sitas sa Bibliya ang Kawikaan 31 tungkol sa isang inang karapatdapat papurihan. Mula sa paglalarawan sa ina sa sitas na ito, matututunan natin na nagtatrabaho ang inang ito sa labas ng tahanan. Gayunman, hindi nagkukulang ang kanyang pamilya ng anumang bagay. Pinapanatili niya ang tamang balanse, kaya hindi nagdudusa ang kanyang pamilya. Lagi niyang inuuna ang kanyang pamilya sa lahat ng bagay. Habang binibigyan ng Bibliya ang mga babae ng kalayaan kung mananatili sa loob ng tahanan kasama ang mga anak o magtatrabaho sa labas ng tahanan, tiyak na kapuri-puri para sa isang ina na manatili sa tahanan kasama ang kanyang mga anak at inilalaan ang kanyang panahon sa pagtuturo sa kanila sa lahat ng oras. Hinihikayat ang mga babae sa Tito 2 at 1 Timoteo 5 na manatili sa tahanan kasama ang mga maliliit na anak. Alinman sa dalawa ang piliin ng isang babae, dapat niyang panatilihing una sa lahat ng bagay ang kanyang pamilya at ito ang pangunahing nasasaklaw ng kanyang impluwensya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat bang manatili ang mga ina sa loob ng tahanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries