Tanong
Ang ideya ba na Inang Kalikasan ay naaayon sa Bibliya?
Sagot
Ang pinakaunang dokumento sa kasaysayan at pinaka-mapagkakatiwalaang pagtukoy sa Kalikasan bilang isang Ina ay makikita sa sipi ng Mycenaean Greek na isinulat noong 12 o 13 BC. Ang salitang Inang Kalikasan sa siping ito ay "ma-ga" o "Inang Gaia." Ang paniniwalang ito ay nag-ugat sa mga pilosopo bago dumating si Socrates na inimbento ang salitang "kalikasan" at isinulong naman ng pilosopong Griego na si Aristotle. Niyakap ng ibang mga kultura ang kaisipan na may sariling espiritu ang "kalikasan" na kakaiba sa Diyos Ama. Ang isa sa mga kulturang ito ay ang kultura ng mga Amerikano na naniniwala na may isang bagay na tinatawag na "Inang Kalikasan" na nagkakaloob ng tubig ng buhay na siyang nagbibigay sa kanila ng masaganang pagpapala ng pagkain. Ngunit sa katotohanan, walang iba kundi ang Diyos lamang ang nagbibigay sa atin ng ating mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, tirahan, tubig at buhay.
Ang salitang Inang Kalikasan ay minsang ginagamit sa isang pangkalahatang paraan upang tukuyin ang kapaligiran sa kabuuan. Ginagamit minsan ang salitang ito ng may kaugnayan sa mga ideolohiyang pulitikal at kultural gaya ng pagiiinit ng mundo (global warming), environmentalism (pangangalaga sa kapaligiran), at pagbabago ng klima (climate change). Para sa iba, ang mga ulat tungkol sa tumataas na temperatura ng mundo, pagtaas ng tubig sa dagat, mga malalaking sunog sa kagubatan, mga lindol, bagyo at ipu-ipo, tsunami at ang paglabas ng mga bago at sinaunang mga sakit at mga katulad nito ay nagpapakita na ang Inang Kalikasan ay isang uri ng kapritsosang diyosa na nangwawasak sa buong mundo.
Ang Diyos lamang ang komokontrol sa kalikasan: "Nilikha ni Yahweh ang lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Lumitaw ang daigdig dahil sa kanyang karunungan, at iniladlad niya ang langit sa bisa ng kanyang kaalaman. Pagkarinig sa kanyang utos, umugong ang mga tubig sa kalangitan; napagsama-sama niya ang mga ulap mula sa lahat ng hangganan ng lupa. Nagagawa niyang pakislapin ang kidlat sa gitna ng ulan, at nagpapaihip sa hangin mula sa kublihan nito (Jeremias 10:12–13). Ipinakita ni Jesus ang Kanyang kapangyarihan sa kalikasan ng Kanyang patigilin ang hangin at malalaking alon (Mateo 8:26). Totoo din na may mga batas ng kalikasan na kumikilos sa ating kapaligiran; ngunit ang mga sistemang ito ay itinatag ng Diyos (Genesis 8:22). Nilikha ng Diyos ang mundo; ngunit sinira ito ng kasalanan (Roma 8:19–22). Ngunit ang Diyos pa rin ang nagpapanatili sa buong sangnilikha (Colosas 1:16–17). Ang kalikasan ay hindi isang kapritsosang diyosa.
Ang isa pang kakatwang ideya ay ang katuruan na ang Inang Kalikasan ay kasama /asawa ng Diyos at naghahari siya kasama ng Diyos sa langit. Ang ideyang ito ng "inang kalikasan at Amang Diyos" ay makikita sa ilang tradisyon ng Romano Katoliko na tinatawag si Maria bilang "Reyna ng Langit." Gayunman, idineklara ng Bibliya na ang tatlong persona ng Diyos ang naghahari sa langit at lupa ng nagiisa at walang sinumang katulong (Daniel 4:25). Nilikha Niya ang kalikasan at Siya lamang ang nagpapanatili at nagiingat dito. Sa pamamagitan ng kalikasan, pinatutunayan Niya ang Kanyang kabutihan at kagandahang loob sa atin. "Gayunman, nagbigay siya ng sapat na katibayan upang makilala ninyo siya sa pamamagitan ng kabutihang ginagawa niya sa inyo. Binibigyan niya kayo ng ulan mula sa langit at ng masaganang ani sa takdang panahon. Binubusog niya kayo ng pagkain at pinupuno ng kagalakan ang inyong mga puso" (Gawa 14:17).
English
Ang ideya ba na Inang Kalikasan ay naaayon sa Bibliya?