settings icon
share icon
Tanong

Inidibidwalismo laban sa kolektibismo - ano ang sinasabi ng Bibliya?

Sagot


Ang inidibidwalismo ay ang pagbibigay ng higit na pagpapahalaga sa interes ng indibidwal kaysa sa mga miyembro ng isang grupo. Ang ideya ng kolektibismo ay ang pagbibigay ng higit na pagpapahalaga sa kapakanan ng isang buong grupo sa halip na sa bawat miyembro nito. May mga buong pamayanan na may pagkiling sa isa sa dalawang pilosopiyang; halimbawa, sa kasaysayan ng bansang Amerika, laging hinihimok ang mga tao tungo sa inidibidwalismo, habang ang kultura naman sa South Korea ay humihimok sa mga tao sa pananaw ng kolektibismo. Sa pananaw ng Bibliya, alin sa dalawa ang nakahihigit? Hindi madali ang sagot sa isyung ito kumpara sa mga isyung malinaw na may sinasabi ang Panginoon. Ang totoo, ibinibigay sa Bibliya ang mga halimbawa ng dalawang pananaw.

Itinutuon ng inidibidwalismo ang pansin sa paggawa ng pinakamabuti para sa "sarili," anuman ang epekto noon para sa mga kabilang sa "grupo." Walang pakialam ang indibidwal sa epekto ng kanyang mga desisyon sa grupo. Mula sa makabibliyang pananaw, wala sa dalawang ideolohiyang ito - kung pagtutuunan ng buong pansin - ang nais ng Diyos para sa tao. Nilikha ng Diyos ang tao para sa Kanya (Isaias 43:7) hindi para sa kanyang sarili o para sa iba. Ang makadiyos na pananaw ay ang paggawa ng pinakamagaling para sa Diyos at sa Kanyang kaharian (Mateo 6:33a).

May mga talata sa Bibliya na naglalarawan sa kolektibismo sa ilang antas. Ang inadvertent hula ni Caiphas na “Ni inyong niwawari na sa inyo'y nararapat na ang isang tao ay mamatay dahil sa bayan, at hindi ang buong bansa ay mapahamak” (Juan 11:50) ay isang halimbawa ng kaisipan ng kolektibismo. Sa unang iglesya sa Jerusalem, ibinigay ng mga mananampalataya ang lahat ng kanilang tinatangkilik sa iglesya upang hindi magkulang ang sinuman sa pangangailangan (Gawa 2:44-45; 4:32-35). Sa 2 Corinto 8:12–14, hinimok ni Pablo ang iglesya sa Corinto na magbigay ng pinansyal na tulong sa iglesya sa Jerusalem “upang magkaroon ng pagkakapantay-pantay” (talata 13). Gayunman, ang susing ideya sa mga halimbawang ito ay hindi upang magkaroon ng impluwensya ang mga nagbigay ng tulong sa nangangailangan. Kusang loob ang kanilang masaganang pagkakaloob (Gawa 5:4). Walamg sinuman sa kanila ang pinilit na ipagkaloob ang kanilang tinatangkilik para sa kapakanan ng grupo, sa halip, ginawa nila iyon ng kusang loob dahil sa kanilang pag-ibig para sa Panginoon at sa iglesya. Habang nagbibigay ang indibidwal para sa kapakanan ng grupo, pinagpapala din naman ang indibidwal na iyon (2 Corinto 9:6–8). Nagtataglay ang prinsipyong ito ng Kaharian ng ilang elemento ng kolektibismo ngunit higit pa roon. Ang ating motibo sa paglilingkod sa iglesya ay hindi lamang para sa buong iglesya; ang ating motibo ay dapat na para sa ikasisiya ng ating Panginoon (Hebreo 13:16).

Inilalarawan ng ibang mga talata sa Bibliya ang kahalagahan ng indibidwal. Sa isa sa Kanyang mga talinghaga, binigyang diin ni Hesus ang kahalagahan ng pagpapalago at pamamahala ng mga bagay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos dahil indibidwal tayong magbibigay sulit sa Kanya (Lukas19:15). Sa Lukas 15, ikinuwento ni Hesus ang tungkol sa isang pastol na hinanap ang kanyang naligaw na isang tupa at ang tungkol sa isang babae na ginawa ang lahat upang mahanap ang isang putol ng kanyang pilak (tingnan ang Lukas 15:3–10). Inilalarawan sa dalawang talinghaga ang halaga na ibinibigay ng Diyos sa indibidwal kaysa sa grupo. Gayunman, gaya ng nakita natin sa pananaw na kolektibismo, ang mga halimbawang ito ay hindi ganap na nagpapakita ng ideya ng inidibidwalismo. May mga pagkakataon na pinahahalagahan ng Diyos ang indibidwal ng higit sa grupo dahil ikinasisiya Niya ito at nagbibigay ito sa Kanya ng kaluwalhatian. Kung naluluwalhati ang Diyos, nakikinabang ang bawat isa, ang indibidwal at ang grupo - pansinin na sa mga talinghaga sa Lukas 15, sa tuwing natatagpuan ang isang nawawala, nagagalak ang lahat (Lukas 15:6, 9).

Parehong pinahahalagahan ng Diyos ang indibidwalismo at kolektibismo. Hindi tinututulan ng Bibliya ang alinman sa dalawang ideolohiya. Sa halip, nagsusulong ito ng naiibang prinsipyo gaya ng paglalarawan sa iglesya bilang katawan ni Kristo sa 1 Corinto 12. Sinasabi sa atin ni Pablo na ang bawat indibidwal na mananampalataya ay gaya ng bahagi ng isang katawan, ang bawat isa ay napakahalaga at may mahalagang papel na ginagampanan sa ikatatagumpay ng katawan upang makakilos ito na gaya ng nararapat (1 Corinto 12:14, 27). Makakakilos lamang ang iba't ibang bahagi ng katawan kung bahagi sila ng katawan sa pangkalahatan. Makakagawa ang hinlalaki ng isang gawain na walang ibang bahagi ng katawan ang makakagawa, ngunit magagawa lamang nito ang kanyang gawain kung nakadugtong ito sa kamay! (Tingnan ang 1 Corinto 12:18-20). Gayundin naman, ang katawan sa kabuuan ay isang kahanga-hangang organismo kung ang lahat ng bahagi nito ay indibidwal na pinangangalagaan (Tingnan ang 1 Corinto 12:25-26).

Ang debate tungkol sa sinasabi ng Bibliya sa indibidwalismo laban sa kolektibismo ay magpapatuloy; gayunpaman, maaari tayong matuto sa sinasabi ni C.S. Lewis tungkol sa paksang ito anuman ang posisyong ating pinanghahawakan: "May nadarama akong masidhing pagnanasa na sabihin sa inyo - at inaasahan ko na magkakaroon kayo ng masidhing pagnanasa na sabihin sa akin - alin sa dalawang pagkakamaling ito (indibidwalismo o kolektibismo) ang higit na masama? Ito ang laging ginagawa sa atin ng diyablo. Lagi siyang nagpapadala ng mga pares ng kasamaan sa mundong ito— pares ng mga magkasalungat. Lagi niya tayong hinihimok na maggugol ng maraming panahon sa pagiisip kung alin sa dalawa ang higit na masama. Nakita ninyo? Siyempre. Umaasa siya sa iyong hindi pagkagusto sa isang mali para unti-unti kang palapitin sa kasalungat nito. Ngunit hindi tayo dapat na magpalinlang. Dapat nating ituon ang ating paningin sa ating layunin sa halip na tumingin sa kamalian. Hindi natin dapat na nasain ang alinman sa kanila" (mula sa aklat na Mere Christianity, ikaapat na aklat, ikaanim na kabanata). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Inidibidwalismo laban sa kolektibismo - ano ang sinasabi ng Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries