settings icon
share icon
Tanong

Posible ba na umibig sa isang tao na hindi mo gusto?

Sagot


Sinasabi sa atin ng Bibliya na nais ng Diyos para sa atin na ibigin ang ibang tao ng isang makadiyos na pag-ibig. Tinawag tayo na "ibigin ang ating kapwa gaya ng ating sarili" (Lukas 10:27). Sinabi din ng Panginoong Hesus, "Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo. Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo" (Lukas 6:27-28). Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad noong gabi bago Siya ipako sa krus, "Isang bagong utos ang ibinibigay ko: ibigin ninyo ang isa't isa. Tulad ng pag-ibig ko sa inyo, dapat din kayong umibig sa isa't isa" (Juan 13:34). Sa bawat isa sa mga halimbawang ito, ang salitang Griyegong ginamit para sa salitang pag-ibig ay agapao – isang uri ng pag-ibig na ang pangunahing katangian ay pagpapakasakit. Hindi ito ang uri ng pag-ibig para sa kapatid sa Panginoon o isang emosyonal na pag-ibig gaya ng laging pakahulugan. Sa halip ang agapao o agape ay naghahangad ng pinakamabuti para sa iniibig. Ang pag-ibig na nagpapakasakit ay hindi nakasalalay sa pakiramdam, sa halip ito ay isang determinadong pagpapasya, isang masayang desisyon na unahin ang kapakanan ng iba sa halip na ang ating sarili. Maliwanag na ang uri ng pag-ibig na ito ay imposibleng magawa sa ating sariling lakas. Tanging sa kapangyarihan lamang ng Banal na Espiritu natin makakayanan na sumuod sa mga utos ng Diyos, kabilang dito ang utos na umibig.

Sinabi ni Jesus na dapat tayong umibig kung paanong inibig Niya tayo, ngunit paano nga ba Niya tayo inibig? "Subalit ipinapakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin" (Roma 5:8). Tiyak na hindi natin magugustuhan ang lahat ng tao, at hindi naman tayo inuutusan na gustuhin ang lahat ng tao. Ngunit kung uumpisahan nating ibigin ang isang tao ng pag-ibig ng Diyos, magbabago ang ating saloobin sa taong iyon. Sa saykolohiya, hindi natin kayang magkaroon ng hindi nagbabagong gawa at paguugali. Kung uumpisahan nating ipakita ang pag-ibig sa ating mga gawa, susunod na ang ating paguugali. Isa ring pagpili ang umibig ngunit unti-unti magiging handa ang ating puso na magdesisyon na umibig sa iba. Kung susuriin ang pakikitungo ni Jesus sa iba, makikita natin na nakahanda Siyang makisama sa lahat ng uri ng tao—mga makasalanan, maniningil ng buwis, mga Pariseo, mga Saduseo, mga Romano, mga Samaritano, mga mangingisda, mga babae, mga bata—ng walang pakialam sa pananaw ng kultura sa kung sino ang katanggap-tanggap. Inibig ni Jesus ang mga taong ito at pinakitunguhan Niya ng may pagpapakasakit. Ngunit hindi laging naging maganda ang Kanyang pakikitungo. Pinagsabihan Niya ng masasakit na salita ang mga sumasalungat sa Kanya, ngunit ginawa Niya iyon dahil iyon ang pinakamabuti para sa kanila. Isinakripisyo Niya ang Kanyang panahon, emosyon, lakas, at ang Kanyang karunungan para sa Kanyang mga kinamumuhian dahil alam Niya na ito ang magiging kasangkapan upang magkaroon sila ng kaalaman sa Kanya dahil kung hindi ay mapapahamak sila magpakailanman. Alinman sa dalawang resulta, nakinabang sila sa Kanyang pagtuturo. Ito ang esensya ng pag-ibig sa atihg mga kaaway—ang pagsasabi sa kanila ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig (Efeso 4:15), anuman ang maging kapalit sa paggawa natin nito.

Muli, hindi ito nangangahulugan na magugustuhan mo ang bawat tao o igagalang sila tangi sa kadahilanang nilikha sila ng Diyos ayon sa Kanyang wangis. Binigyan tayo ng Diyos ng isip upang maunawaan, sa ilang antas ang puso ng iba. Nilikha din tayo ng Diyos ayon sa Kanyang wangis at hindi din naman natin dapat ilagay ang ating sarili sa panganib sa pamamagitan ng pagtitiwala sa isang taong hindi karapatdapat pagtiwalaan. Umiwas si Jesus sa maraming tao dahil alam Niya ang laman ng kanilang mga puso at kailangan din Niyang protektahan ang Kanyang sarili (Juan 5:13; 6:15). Gayunman, kung ilalagak natin ang ating buong pagtitiwala kay Kristo at magsisikap sa karunungan at kabanalan sa pamamagitan ng panalangin at pagbabasa ng Kasulatan, natural na magkakaroon tayo ng pag-ibig para sa ibang tao—isang makadiyos na pag-ibig na isinasakripisyo ang sarili sa pamamagitan ng paghahangad ng makabubuti sa iba—mayroon man o wala tayong nararamdamang pagkagusto para sa kanila.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Posible ba na umibig sa isang tao na hindi mo gusto?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries