Tanong
Ang kasalanan ba talaga nina Adan at Eba ay ang pagkain ng isang piraso ng ipinagbabawal na bunga?
Sagot
Ang pariralang “ipinagbabawal na bunga” ay tumutukoy sa kwento nina Adan at Eba sa hardin ng Eden. Pinagbawalan sila ng Diyos na kumain ng bunga ng puno na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama (Genesis 2:9, 3:2). Walang sinasabi ang Bibliya kung ano ang eksaktong pangalan ng puno. Ipinagpapalagay sa tradisyon na ang punong ito ay mansanas, ngunit imposible na tiyak na malaman kung anong uri ng puno ito. Mula sa mga talata ng Genesis, lahat ng indikasyon ay nagtuturo na ito ay literal na bunga ng isang literal na puno.
Ang susing elemento sa talata ay hindi ang mismong bunga ng puno, kundi ang pagbabawal sa pagkain nito. Ibinigay ng Diyos kay Adan at Eba ang kaisaisa-isang pagbabawal sa Kanyang mga tagubilin. Kung may espiritwal na katangian ang mismong prutas ay hindi mahalaga sa usapin. Ang kasalanan ay ang pagsuway sa utos ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagkain ng bunga (isang aksyon ng pagsuway), nagkaroon sina Adan at Eba ng personal na kaalaman tungkol sa kasalanan. Dati silang mabuti, ngunit pagkatapos ng kanilang pagsuway, naranasan nila ang kasamaan at ang kahihiyan at paguusig ng budhi na bunga nito. Nakinig si Eba at Adan sa kasinungalingan ni Satanas na magiging tulad sila sa Diyos kung kakain sila ng ipinagbabawal na bunga (Genesis 3:5). Ang totoo, dati na silang nilikha ng Diyos ayon sa Kanyang wangis at pinagpala ayon sa Kanyang mabuting kalooban.
Ang aral para sa atin ngayon ng pangyayaring ito ay ito: para sa ating ikabubuti kung may ipinagbabawal sa atin ang Diyos. Ang pagsuway sa Kanya at paggawa ng mga bagay ayon sa ating sariling kalooban o pagdedesisyon para sa ating sarili kung ano ang makabubuti sa atin o hindi ay laging nagreresulta sa kapahamakan. Alam ng ating Ama sa langit kung ano ang pinakamabuti para sa atin at kung mayroon Siyang ipinagbabawal sa atin, dapat tayong makinig at sumunod sa Kanya. Kung pipiliin nating sundin ang ating sariling kalooban, hindi magiging maayos ang lahat sa ating buhay. Natuklasan ito nina Adan at Eba pagkatapos nilang kumain ng bunga ng ipinagbabawal na puno at buhat noon, pinagdusahan na ng buong sangkatauhan ang konsekwensya ng kanilang desisyon (Roma 5:12).
English
Ang kasalanan ba talaga nina Adan at Eba ay ang pagkain ng isang piraso ng ipinagbabawal na bunga?