Tanong
Bakit kailangang ipasa sa atin ang katuwiran ni Cristo?
Sagot
Sa Kanyang sermon sa bundok, sinabi ni Jesus ang mga pananalitang ito: “Kaya maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:48). Sinabi Niya ito sa pagtatapos ng Kanyang sermon kung saan Niya itinutuwid ang maling pangunawa ng Kanyang mga tagapakinig sa Kautusan. Sinabi ni Jesus sa Mateo 5:20 na kung nais ng Kanyang mga tagapakinig na makapasok sa kaharian ng langit, ang kanilang katuwiran ay dapat na maging higit sa katuwiran ng mga Pariseo na mga dalubhasa sa Kautusan.
Pagkatapos, sa Mateo 5:21–48, radikal na binigyan ni Jesus ng bagong kahulugan ang kautusan na taliwas sa ginagawang pagpapakitang tao ng mga Pariseo. Sinabi Niya na ang tunay na katuwiran ay pagsunod sa parehong panlabas at panloob hindi lamang sa panlabas. Sinabi Niya, “Narinig ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit sinasabi ko naman sa inyo.”para pagkumparahin ang narinig ng mga tao mula sa Kautusan at kung paano naman ito binibigyang kahulugan ni Jesus. Ang pagsunod sa Kautusan ay higit pa sa simpleng pagiwas sa paggawa ng kasamaan gaya ng pagpatay, pangangalunya, at pagsira sa pangako. Ito rin ay hindi pagkagalit sa iyong kapatid, hindi pagnanasa ng kahalayan sa puso, at hindi pangangako ng walang katapatan. Sa katapus-tapusan ng lahat ng ito, matututunan natin na dapat nating higitan ang katuwiran ng mga Pariseo at ito ay sa pamamagitan ng pagiging perpektong banal.
Sa puntong ito, ang normal na tugon ay, “ngunit hindi ko kayang maging perpekto,” na siyang totoo. Sa isa pang lugar sa Ebanghelyo ni Mateo, nilagom ni Jesus ang kautusan ng Diyos sa dalawa: Ibigin mo ang Diyos ng buong puso, buong kaluluwa, buong pagiisip at buong lakas, at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili (Mateo 22:37–40). Ito ay isang kahanga-hangang layunin, ngunit may tao ba na iniibig ang Diyos ng ng buong puso, buong kaluluwa, buong pagiisip at buong lakas at iniibig ang kanyang kapwa gaya ng kanyang sarili? Ang lahat ng ating ginagawa, sinasabi at iniisip ay kailangang gawin, sabihin, at isipin dahil sa pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Kung tunay tayong tapat sa ating sarili, kailangan nating aminin na hindi pa tayo nakaabot sa antas na ito ng espiritwalidad.
Ang katotohanan ay sa ating sarili at sa pamamagitan ng ating sariling pagsisikap, hindi natin kayang maging perpekto gaya ng pagiging perpekto ng Ama sa langit. Hindi natin iniibig ang Diyos ng buong puso, kaluluwa, pagiiisip at lakas. Hindi natin iniibig ang ating kapwa gaya ng ating sarili. Mayroon tayong problema at ang tawag dito ay “kasalanan.” Isinilang tayo na likas na makasalanan at hindi natin kayang labanan ang epekto nito sa ating sarili. Radikal na naapektuhan tayo ng ating kasalanan sa kaibuturan ng ating puso. Naapektuhan ng kasalanan ang ating ginagawa, sinasabi, at iniisip. Sa ibang salita, nadumihan nito ang lahat ng bagay sa atin. Kaya nga, kahit anong gawin nating pagtatangka na magpakabuti, hindi natin kailanman maaabot ang pamantayan ng Diyos na kabanalan. Sinasabi ng Bibliya na ang lahat ng ating katuwiran ay pawang “maruming basahan” lamang sa paningin ng Diyos (Isaias 64:6). Ang ating sariling katuwiran ay simpleng hindi sapat at hindi magiging sapat gaano man kalaki ang ating pagsisikap.
Ito ang dahilan kung bakit nabuhay si Jesus ng isang perpektong buhay sa buong pagsunod sa kautusan ng Diyos, sa isip, sa salita at sa gawa. Ang misyon ni Jesus ay hindi lamang simpleng mamatay sa krus para sa ating mga kasalanan kundi upang mabuhay din sa perpektong katuwiran. Tinatawag ito ng mga teologo na “aktibo at hindi aktibong pagsunod ni Jesus.” Ang aktibong pagsunod ni Jesus ay tumutukoy sa perpektong kabanalan ng pamumuhay ni Jesus habang narito sa lupa. Ang lahat ng Kanyang ginawa ay perpektong banal. Ang hindi aktibong pagsunod naman ni Jesus ay tumutukoy sa pagpapasakop ni Jesus sa Diyos sa Kanyang pagpapapako sa krus. Kusang loob Siyang pumunta sa krus at hinayaan ang sarili na mapako doon ng walang pagtutol (Isaias 53:7). Ang Kanyang hindi aktibong pagsunod ang kabayaran sa ating utang na kasalanan sa harapan ng Dios samantalang ang Kanyang aktibong pagsunod ang nagbibigay sa atin ng perpektong kabanalan na hinihingi sa atin ng Diyos.
Isinulat ni Apostol Pablo, “Ngunit ngayo'y nahayag na kung paano ginagawang matuwid ng Diyos ang tao. Ito'y hindi sa pamamagitan ng Kautusan; bagaman ang Kautusan at ang mga Propeta ang nagpapatotoo tungkol dito. Ginagawang matuwid ng Diyos ang lahat sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya kay Jesu-Cristo. Walang pagkakaiba ang mga tao” (Roma 3:21–22). Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ipinagkaloob sa atin ang katuwiran ng Diyos. Ito ang tinatawag na “ipinasang katuwiran.” Ang magpasa ng isang bagay ay ipagkaloob ang isang bagay sa isang tao. Nang ilagak natin ang ating pananampalataya kay Jesu Cristo ibinigay sa atin ng Diyos ang perpektong katuwiran ni Cristo upang maging perpekto tayo sa Kanyang paningin. “Hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos” (2 Corinto 5:21).
Hindi lamang ibinigay sa atin ang katuwiran ni Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya kundi ipinasa din ng Diyos ang ating kasalanan kay Jesus. Ito ang paraan ng pagbabayad ni Cristo ng ating utang na kasalanan sa Diyos. Wala Siyang kasalanan sa Kanyang sarili ngunit ang ating kasalanan ay ipinasa sa Kanya kaya nga habang nagdurusa Siya doon sa krus, pinagdurusahan Niya ang matuwid na hatol na nararapat para sa ating kasalanan. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni Pablo, “Kaya hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At ang buhay ko ngayon sa katawan ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang sarili para sa akin” (Galacia 2:20).
Sa pamamagitan ng pagbibigay o pagpapasa sa atin ng katuwiran ni Cristo, itinuturing tayo ng Diyos na gaya ni Jesus na walang kasalanan. Hindi tayo matuwid sa ating sarili; sa halip, nagtataglay tayo ng katuwiran ni Cristo na Kanyang inilapat sa atin. Hindi ang ating katuwiran kundi ang katuwiran ni Cristo ang nakikita ng Diyos sa atin na naglalapit sa atin sa pakikisama sa Kanya. Makasalanan pa rin tayo sa pagsasanay, ngunit ang biyaya ng Diyos ang nagdeklara sa atin para magkaroon tayo ng matuwid na katayuan sa harap ng Kautusan.
Sa talinghaga ni Jesus tungkol sa isang kasalan, inimbitahan ng isang hari ang mga bisita sa selebrasyon mula sa mga kalsada at sila ay dinala sa loob ng kasalan “ang masasama maging ang mabubuti” (Mateo 22:10). Ang lahat ng mga bisita ay nagtataglay ng parehong katangian: binigyan sila ng kasuotan na pang-kasalan. Hindi nila susuutin ang kanilang maruming kasuotan na kanilang suot habang nasa kalsada sa halip sila ay dadamitan ng kasuotan na ipinagkaloob ng hari. Ito ay isang napakagandang larawan ng pagpapasa ng katuwiran. Bilang mga bisita sa bahay ng Diyos, binigyan tayo ng dalisay na puting damit ng katuwiran ni Cristo. Tinanggap natin ang regalong ito ng biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.
English
Bakit kailangang ipasa sa atin ang katuwiran ni Cristo?