Tanong
Isang ganap / pangkalahatang Katotohanan - mayroon ba talaga nito?
Sagot
Upang maunawaan natin ang isang ganap na katotohanan o pangkalahatang katotohanan kailangan nating magumpisa sa pagbibigay kahulugan sa katotohanan. Ang katotohanan, ayon sa talasalitaan ay "tumutugma sa isang totoong pangyayari o salaysay; isang kaisipan na napatunayan at tinatanggap na totoo" May mga tao na maaaring magsabi na walang totoong realidad kundi pawang opinyon at sariling haka-haka lamang. Ang iba naman ay naniniwala na mayroong iisang ganap na katotohanan lamang.
May mga taong naniniwala na walang sinumang makapagsasabi ng totoong realidad. ang mga taong ito ay naniniwala na walang aktwal na realidad dahil ang realidad ng isang bagay ay umaasa din lamang sa realidad ng ibang bagay. Dahil dito walang isang ganap na pamantayan ng moralidad at walang awtoridad na makapagsasabi kung ang isang gawa ay tama o mali o positibo o negatibo. ang paniniwalang ito ang nagbunsod sa tinatawag na "situational ethics" o ang paaniniwala na ang sitwasyon ang nagdidikta sa kung ano ang tama o mali. Walang tama o mali kaya kung ano ang nararamdaman mong tama sa isang panahon at sitwasyon ay iyon ang tama. Ang pananaw na "kung ano ang makapagpapasaya sa iyo, iyon ang tama para sa iyo" ay bunga ng paniniwalang ito. Ang idinudulot ng ganitong kaisipan sa lipunan at indibidwal ay nakapanlulumo. Ito ang dahilan ng pagkakaroon ng isang lipunan na ang lahat ng pagpapahalaga, lahat ng uri ng pamumuhay at paniniwala ay tama lahat para sa taong gumagawa noon. At ito ang namamayani sa ating modernong panahon.
May naniniwala naman na may isang ganap na realidad at pamantayan na siyang awtoridad upang magtakda ng tama at mali. Kaya ang lahat ng gawa ng tao ay pwedeng malaman kung tama o mali ayon sa pamantayan ng isang ganap na katotohanang ito. Kung walang isang ganap na katotohanan, wala ding realidad at ang lahat ay magiging puno ng kaguluhan. Isang halimbawa ang batas ng gravity. Kung wala nito hindi natin matitiyak kung tayo ba ay tatayo o uupo sa isang lugar hanggang magdesisyon tayong gumalaw gaya din naman na hindi natin matitiyak kung ang dalawa kapag dinagdagan ng dalawa ay apat ang sagot. Ang epekto ng paniniwala na walang isang saligan ng katotohanan ay napakamapanganib sa sibilisasyon. Kung walang batas ng siyensya at pisika ay magiging imposible ang kalakalan. Anong laking kaguluhan ang mangyayari sa mundo. Salamat na ang dalawa pag dinagdagan ng dalawa ay tiyak na laging apat ang sagot. Mayroong isang katotohanan lamang at ito ay maaaring matatagpuan at maunawaan.
Ang sabihin na walang walang isang ganap na katotohanan ayhindi makatwiran. Ngunit sa ngayon maraming tao ang yumayakap sa "cultural relativism" o pagaangkop ng katotohanan sa nagbabagong kultura. Ang isang mgandang tanong sa mga taong nagsasabi na walang isang ganap na katotohanan ay "tiyak ka ba na totoo ang sinasabi mo?" Pag sinabi nilang "oo" ang sagot na ito ay nangangahulugan na naniniwala din sila sa iisang katotohanan - na nagpapahiwatig na mayroon talagang isang ganap na katotohanan lamang. Ang pagdedeklara nila na walang isang ganap na katotohanan, para sa kanila iyon ang isang ganap na katotohanan.
Bukod sa problema ng pagkakasalungatan ng kanilang deklarasyon, marami pang mahirap na argumento ang kinakaharap ng mga naniniwala na walang isang ganap na katotohanan. Isa dito ay ang pagkakaroon ng tao ng limitadong karunungan at dahil dito wala siyang kakayahan na gumawa ng isang tiyak na pananaw sa katotohanan. Hindi pwedeng sabihin ng isang tao na "walang Diyos" (kahit na marami ang nangangahas sabihin ito) dahil para makapagsalita ng ganito ang isang tao, nangangailangan siya ng lubos na kaalaman sa buong sangkalawakan mula umpisa hanggang wakas. Dahil imposible itong gawin ang tanging makatwirang masasabi lamang ng tao ay "sa aking limitadong kaalaman, naniniwala ako na walang Diyos."
Isa pang problema ng pagtanggi sa nagiisa o pangkalahatang katotohanan ay ang hindi pamumuhay sa alam nating tama na idinidikta ng ating konsensya, karanasan at sa nakikita natin sa totoong mundo. Kung wala talagang isang ganap na katototohanan, wala talagang tama at mali sa lahat ng bagay kung ganoon. Ang inaakala mong tama sa iyo ay maaaring hindi tama para sa akin. Habang ang relatibismo o ang kawalan ng saligan ng katotohanan ay tila maganda sa panlabas, ang ibig sabihin nito ay maaari ang sinuman na magtakda ng sariling batas ayon sa pagkaunawa niya na kung ano ang tama at mali. Kung mangyayari iyon, tiyak na ang iniisip ng isang tao na tama sa kanyang sarili ay salungat sa inaakala ng iba na tama ayon sa kanilang opinyon. Ang mangyayari ay tulad nito: kung inaaakala kong tama na hindi dapat sundin ang batas trapiko ano ang mangyayari kung paharurutin ko ang aking sasakyan habang nakailaw ng pula? Tiyak na maraming buhay ang manganganib. O kaya nama'y pagisipan ko na tama ang pagnakawan ka ngunit para sa iyo ay hindi iyon tama ano ang mangyayari kung gawin ko iyon? Malilnaw na ang ating pamantayan ng tama at mali sa ganitong paraan ng relatibismo ay tiyak naa magku-krus ng landas. Kung walang isang ganap na katotohanan, wala ring pamantayan ng tama at mali at walang pananagutan ang sinuman sa kanyang ginagawa dahil hindi tayo nakatitiyak sa anumang bagay. Magiging malaya ang sinuman na gawin ang ayon sa inaakala niyang tama - gaya ng pagpatay, pagnanakaw,panggagahasa, pandaraya at iba pa, at walang sinumang makapagsaasbi na mali ang mga ginawa niyang ito. Wala ng gobyerno, mga batas at walang katarunga nat walang sinuman ang pwedeng magtakda ng batas o magtakda ng pamantayan kahit na ang nakararami sa kakaunti. Ang isang mundo na walang iisang pamantayan ng katotohanan ay isang mundo na nakakatakot.
Mula sa espiritwal na pananaw, ang relatibismo ay magbubunga ng kaguluhan sa relihiyon, at walang isang totoong relihiyon at walang kaparaanan upang magkaroon ng relasyon sa Diyos. Lalabas na ang lahat ng relihiyon ay mali dahil ang lahat ay nagaangkin na sila ang nagtataglay ng katotohanan lalo na sa pagkatapos ng kamatayan. Pangkaraniwan na sa mundo ngayon na ang mga tao ay naniniwala sa dalawang relihiyon na may magkasalungat na paniniwala at nagsasabi na ang dalawang relihiyon ay maaaring parehong totoo kahit na sila ay parehong nagtuturo na may iisang daan patungo sa langit o nagtuturo ng magkasalungat na katotohanan. Ang mga tao na hindi naniniwala sa isang ganap na katotohanan ay niyayakap ang katuruan ng unibersalismo na nagpapalagay na ang lahat ng relihiyon ay magkakapantay at ang lahat ng relihiyon ay patungo sa langit. Ang mga tao na may ganitong pananaw ay nilalabanan ang paniniwala ng mga ebanghelikong Kristiyano na si Hesus ang "daan ang katotohanan at ang buhay" at Siya ang ganap na mainipestasyon ng katotohanan at ang tanging daan upang ang sinuman ay makarating sa langit (Juan 14:6).
Ang pagbalewala sa paniniwala ng iba ang pinupuring katangian sa modernong panahon sa kasalukuyan. Ang pagiging sarado sa ibang paniniwala ay pinaniniwalaang masama. Ang anumang katuruan na hindi puwedeng baguhin - lalo na ang paniniwala na may isang ganap na katotohanan lamang - ay ipinalalagay na pagiging sarado, at isang kasalanan. Ang mga taong tinatanggihan ang isang ganap na katotohanan ay nagsasabi na "puwede mong paniwalaan ang gusto mong paniwalaan hanggat hindi mo pinipilit ang iba na maniwala sa iyo." Ngunit ang pananaw na ito ay pananaw din sa kung ano ang tama at mali at mga naniniwala sa ganitong pananaw ay pinipilit ding ipayakap sa iba ang isang pananaw na inaakala nilang tama. Nagtatakda sila ng isang gawi na ipinipilit nilang ipasunod sa iba at dahil doon sila rin ang sumisira sa kanilang sariling paniniwala - muli isa itong salungatan. Ang mga taong may ganitong pananaw ay ayaw lamang na magpasakop sa iba sa kanilang aksyon. Kung may isang ganap na katotohanan, sa gayon ay may tiyak na pamantayan ng tama at mali at tayo ay mananagot sa pamantayang iyon. Ang pananagutang ito ang pinipilit na takasan ng mga taong tumatanggi sa nagiisang katotohanan.
Ang pagtanggi sa pangkalahatang katotohanan at ang pagdidikta ng kultura sa kung ano ang tama o mali ang lohikal na dahilan kung bakit marami ang yumakap sa teorya ng ebolusyon bilang paliwanag sa pagkakaroon ng buhay. Kung tama ang ebolusyon, ang buhay ng tao ay walang kahulugan at walang layunin at walang magiging pamantayan ng tama at mali. Ang tao ngayon ay malayang mamuhay sa paraang gusto niya at walang pananagutan kahit kanino man sa kanyang ginagawa. Ngunit kahit na anong pagtanggi ang gawin ng tao sa katotohanan, isang araw ay tiyak na haharap sila sa Diyos sa Araw ng Paghuhukom. Sinasabi ng Bibliya "Sapagka't ang nakikilala tungkol sa Dios ay hayag sa kanila; sapagka't ito'y ipinahayag ng Dios sa kanila. Sapagka't ang mga bagay niyang hindi nakikita buhat pa nang lalangin ang sanglibutan ay nakikitang maliwanag, sa pagkatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa niya, maging ang walang hanggan niyang kapangyarihan at pagka Dios; upang sila'y walang madahilan: sapagka't kahit kilala nila ang Dios, siya'y hindi niluwalhati nilang tulad sa Dios, ni pinasalamatan; kundi bagkus niwalang kabuluhan sa kanilang mga pagmamatuwid at ang mangmang nilang puso ay pinapagdilim. Ang mga nagmamarunong ay naging mga mangmang, at pinalitan nila ang kaluwalhatian ng Dios na hindi nasisira, ng isang katulad ng larawan ng tao na nasisira, at ng mga ibon, at ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang" (Roma 1:19-22)
Mayroon bang ebidensya sa pagkakaroon ng isang ganap na katotohanan? Oo. Una, mayroong konsensya ang tao na nagsasabi sa atin kung paano tayo mamumuhay sa mundong ito at nagtuturo sa atin kung ang isang bagay ba ay tama o mali. Sinasabi sa atin ng ating konsensya na mayroong mali sa kahirapan, gutom, panghahalay, sakit at kasalanan at kinukumbinse tayo na ang pag-ibig, pagbibigay, kahabagan at kapayapaan ay mga positibong bagay na dapat nating pagsikapan. Ito ay totoo sa lahat ng kultura at sa lahat ng panahon. Inilarawan ng Bibliya ang papel na ginagampanan ng konsensya sa tao sa Roma 2:14-16 - (Sapagka't kung ang mga Gentil na walang kautusan sa katutubo, ay nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, na walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili; Na nangagtatanyag ng gawa ng kautusang nasusulat sa kanilang puso, na pinatotohanan ito pati ng kanilang budhi, at ang kanilang mga pagiisip ay nangagsusumbungan o nangagdadahilanan sa isa't isa); Sa araw na hahatulan ng Dios ang mga lihim ng mga tao, ayon sa aking evangelio, sa pamamagitan ni Jesucristo".
Ang ikalawang katibayan sa pagkakaroon ng isang ganap na katotohanan ay ang siyensya. Ang siyensya ay ang paghahanap ng karunungan, ang pagaaral sa ating nalalaman at ang kagustuhan na makaalam pa ng mas maraming bagay. Kaya nga ang lahat ng pagaaral sa siyensya ay nararapat na nakasalalay sa katotohanan na mayroong tunay na realidad sa mundong ito at ang mga realidad na ito ay maaaring matuklasan at mapatunayan. Kung walang ganap na katotohanan, ano pa ang dapat pagaralan? Paano natin matitiyak kung ang natuklasan ng siyensya ay totoo at hindi kathang isip lamang? Sa totoo lang, ang mismong batas ng siyensya ay nakasalalay sa isang ganap na katotohanan.
Ang ikatlong ebidensya na may isang ganap na katotohanan ay ang relihiyon. Ang lahat ng relihiyon sa mundo ay nagtatangka na bigyan ng kahulugan ang buhay. Sila ay lumitaw dahil sa pagnanasa ng sangkatauhan na malaman ang higit pa sa simpleng pagkakaroon lamang ng buhay sa mundo. Sa pamamagitan ng relihiyon, hinahanap ng tao ang Diyos, naghahanap siya ng pag-asa sa hinaharap, kapatawaran ng kasalanan, kapayapaan sa gitna ng kahirapan, at kasagutan sa malalalim na katanungan. Ang relihiyon mismo ang katibayan na ang tao ay higit na mataas kaysa sa mga hayop. Ito ang katibayan ng isang mataas na layunin natin sa mundo na itinanim ng isang personal Diyos sa ating mga puso upang matuto tayong kilalanin Siya. At kung mayroong isang Manlilikha, Siya ang pamantayan ng isang ganap na katotohanan, at ang kanyang awtoridad ang nagtatag ng katotohanang iyon.
Salamat at mayroong isang Manlilikha at ipinahayag Niya ang Kanyang katotohanan sa Kanyang mga Salita, ang Bibliya. Ang pagkaalam sa isang ganap na katotohanan ay posible lamang sa pamamagitan ng isang personal na relasyon sa Isa na nagaangkin na Siya ang Katotohanan - si Hesu Kristo. Inangkin ni Hesus na Siya ang tanging daan, tanging Katotohanan at tanging Buhay at ang nagiisang daan patungo sa Diyos (Juan 14:6). Ang pagkakaroon ng isang ganap na katotohanan ang nagtuturo sa atin sa isang Makapangyarihang Diyos na lumikha ng Langit at Lupa at nagpahayag ng Kanyang sarili sa atin upang personal natin Siyang makilala sa pamamagitan ng Kanyang Anak na Si Hesu Kristo. Ito ang nagiisang ganap na katotohanan.
English
Isang ganap / pangkalahatang Katotohanan - mayroon ba talaga nito?