settings icon
share icon
Tanong

Paano ko malalaman na isa ako sa mga pinili ng Diyos?

Sagot


Habang napakaraming paliwanag kung ano ang talagang kahulugan ng eleksyon o pagpili ng Diyos sa isyu ng kaligtasan, ang katotohanan na pinili ng Diyos ang isang mananampalataya ay hindi mapapabulaanan (Roma 8:29-30; Efeso 1:4-5, 11; 1 Tesalonica 1:4). Sa isang simpleng paliwanag, ang doktrina ng pagpili ng Diyos ay ang paghirang/pagpapasya/pagpili ng Diyos sa mga maliligtas bago pa lalangin ang sanlibutan. Hindi tinatangka ng artikulong ito kung paano nagaganap ang pagpili ng Diyos. Sa halip, sinasagot namin ang katanungan sa tanong na “paano ko malalaman na isa ako sa mga pinili ng Diyos” at ang aming simpleng sagot ay: sa pamamagitan ng pananampalataya!

Hindi saan man tinalakay sa Bibliya na dapat nating alamin kung sino ang pinili at hindi pinili ng Diyos. Sa halip, tinatawag tayo ng Diyos na sumampalataya at tanggapin si Kristo bilang Panginoon sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya (Juan 3:16; Efeso 2:8-9). Kung nagtitiwala ang isang tao kay Kristo lamang para sa kanyang kaligtasan, ang taong iyon ay isa sa mga pinili ng Diyos. Kung ang pananampalataya ang dahilan ng pagpili o ang pagpili ang dahilan ng pananampalataya, ito ay isang panibagong paksa. Ngunit ang tiyak, ang pananampalataya ay ebidensya ng pagpili ng Diyos. Walang makatatanggap kay Kristo bilang Tagapagligtas malibang ilapit siya ng Diyos Ama kay Hesus (Juan 6:44). Tiyak na tatawagin ng Diyos ang Kanyang mga hinirang bago pa lalangin ang sanlibutan (Roma 8:29-30). Ang pananampalatayang kaloob ng Diyos na instrumento sa kaligtasan ay imposibleng taglayin ng isang tao kung hindi siya pinili ng Diyos. Kaya nga, ang pagkakaroon ng pananampalatayang nagliligtas ay ebidensya ng pagpili ng Diyos.

Ang ideya na gustong maligtas ng isang tao ngunit hindi siya maliligtas dahil hindi siya kabilang sa mga pinili ng Diyos ay hindi matatagpuan sa Bibliya. Walang sinuman ang humahanap sa Diyos sa kanyang sariling kalooban (Roma 3:10-18). Ang mga wala kay Kristo ay bulag at manhid sa kanilang pangangailangan ng kaligtasan (2 Corinto 4:4). Nagbabago lamang ang kanilang kalagayan kung ilalapit sila ng Diyos sa Kanyang sarili. Ang Diyos ang nagbubukas ng mata at isipan ng tao upang kanyang maunawaan ang kanyang pangangailangan kay Hesus bilang kanyang Tagapagligtas. Hindi magsisisi ang isang tao (magbabago ang kanyang isip tungkol sa kasalanan at sa kanyang pangangailangan ng kaligtasan) malibang bigyan siya ng Diyos ng pusong nagsisisi (Gawa 11:18). Kaya nga, kung nauunawaan mo ang plano ng Diyos sa kaligtasan, kinikilala ang iyong pangangailangan nito at nararamdaman ang pangangailangan ng pagisisi sa iyong mga kasalanan at pagtanggap kay Hesu Kristo bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas, sumampalataya ka at maliligtas ka (Gawa 16:31).

Kung nagtitiwala ka kay Kristo lamang para sa iyong kaligtasan at hindi sa iyong sariling mabubuting gawa at sumasampalataya ka sa Kanyang paghahandog bilang kumpletong kabayaran para sa iyong mga kasalanan, binabati kita, isa ka sa mga pinili ng Diyos. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko malalaman na isa ako sa mga pinili ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries