Tanong
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Isaac?
Sagot
Ang pangalang Isaac na ang ibig sabihin ay "tumawa siya," ay nanggaling mula sa reaksyon ng kanyang mga magulang ng sabihin ng Diyos kay Abraham na siya ay magkakaroon pa ng anak sa edad na isandaan at ang kanyang asawa sa edad na siyamnapu (Genesis 17:17; 18:12). Si Isaac ang ikalawang anak ni Abraham; samantalang ang panganay ni Abraham ay si Ishmael sa kay Hagar, ang alipin ng kanyang asawang si Sarah bilang resulta ng pagkainip ni Sarah sa katuparan ng pangako ng Diyos. (Genesis 16:1-2). Pagkatapos na awatin si Isaac, pinilit ni Sarah si Abraham na palayasin si Hagar at ang kanyang anak para matiyak na ang mana ay mapupunta sa kanyang anak na si Isaac (Genesis 21:3-12).
Maraming taon ang lumipas, naghanda si Abraham at isinama si Isaac upang ihandog si Isaac sa Diyos sa isang bundok bilang pagsunod ni Abraham sa utos ng Diyos (Genesis 22:1-14). Kinargahan ni Abraham ang mga asno ng kanilang mga pangangailangan at isinama si Isaac at ang dalawa sa kanyang mga alipin at naglakbay ng tatlong araw papunta sa bundok ng Moriah. Nang malapit na sila sa bundok, iniwanan ni Abraham ang kanyang dalawang alipin at pinagdala si Isaac ng kahoy na panggatong habang dala ang isang patalim at mga materyales sa paggawa ng altar at sinabing sasamba sila sa Diyos at muling magbabalik. Nagtatakang tinanong ni Isaac ng ama kung nasaan ang tupang panghandog. Sinabi ni Abraham kay Isaac na ang Diyos mismo ang magkakaloob sa kanila ng panghandog. Itinayo ni Abraham ang dambana at itinali si Isaac para ilagay sa ibabaw nito. Walang anumang indikasyon sa Bibliya na tumutol si Isaac. Habang naghahanda si Abraham para patayin si Isaac, pinigilan siya ng isang anghel. Pagkatapos, nakakita si Abraham ng isang lalaking tupa na sumabit ang mga sungay sa mga sanga ng isang puno at iyon ang kanyang inihandog sa halip na si Isaac. May kapansin-pansing analohiya sa kwentong ito na sumasalamin sa pagbibigay ng Diyos ng Kanyang sariling Anak para ihandog para sa ating mga kasalanan. Tunay na nagkaloob ang Diyos ng tupa—literal para kay Abraham at Isaac noon at para sa buong sangkatauhan ngayon na handang tumanggap sa handog ni Jesu Cristo (Juan 1:29; Hebreo 10).
Namatay si Sarah ng si Isaac ay mahigit na 30 taong gulang. Pagkamatay ni Sarah, nagsugo si Abraham ng isang alipin para humanap ng mapapangasawa ni Isaac mula sa kanilang angkan dahil ayaw ni Abraham na magkaasawa si Isaac ng isang Cananea (Genesis 24:1-51). Nanalangin ang alipin ni Abraham para sa tagumpay ng kanyang misyon at pinatnubayan siya ng Diyos. Napangasawa ni Isaac sa edad na apatnapu ang kanyang pinsang si Rebecca (Genesis 25:20). Sinasabi sa atin sa Bibliya na " Minahal ni Isaac si Rebecca at siyang naging kaaliwan niya sa pagkamatay ng kanyang ina" (Genesis 24:67).
Sa edad na animnapu, naging ama si Isaac ng kambal—si Jacob at si Esau. Habang naging paborito ni Isaac ang panganay niyang anak na si Esau, naging paborito naman ni Rebecca ang kanyang anak na si Jacob. Naging dahilan ito ng paligasahan sa pamilya at dahilan ng pagtanggap ng mana ni Jacob mula kay Isaac bilang panganay sa halip na ang magmana ay si Esau. Ito ay dahil dinaya ni Rebecca at Jacob si Isaac. Nalaman ni Isaac ang ginawang ito nina Rebecca at Jacob ngunit hindi na niya mabago ang kanyang ginawang pagpapala kay Jacob (Genesis 27). Nalaman ni Rebecca ang planong pagpatay ni Esau kay Jacob pagkatapos na mamatay si Isaac at ipinadala niya si Jacob sa kanyang kapatid na si Laban para humanap ng mapapangasawa mula sa kanilang mga kamag-anak. Muling pinagpala ni Isaac si Jacob bago ito umalis at idinalangin na bigyan ito ng Diyos ng pagpapalang ipinagkaloob kay Abraham.
Namatay si Abraham ng si Isaac ay mga pitumpu't limang taong gulang at iniwan ang lahat ng kayamanan kay Isaac (Genesis 25:5). Bagama't pinalayas si Ishmael pagkatapos na awatin si Isaac, dumating si Ishmael upang tulungan si Isaac sa paglilibing sa kanilang ama (Genesis 25:9). Binabanggit sa Bibliya ang tungkol sa relasyon nina Isaac at Ishmael at ang pagiging magkaaway ng kanilang lahi. Ang awayang ito ay nananatli pa rin hanggang ngayon. Ngunit kapansin-pansin na nagkaisa ang dalawa sa pagdadalamhati sa pagkamatay ng kanilang ama.
Nang magkaroon ng tag-gutom sa lupain, nagpakita ang Diyos kay Isaac at sinabihan siya na huwag siyang pupunta sa Egipto sa halip manatili siya sa Canaan. Nangako ang Diyos na sasamahan Niya si Isaac at pagpapalain Niya ito ay ibibigay sa kanyang lahi ang lupain. Muling tiniyak ng Diyos ang tipang Kanyang ginawa kay Abraham at sinabi na gagawin Niyang sindami ng mga bituin sa langit ang lahing manggagaling kay Isaac at pagpapalain Niya ang lahat ng bansa sa mundo sa pamamagitan nila (Genesis 26:1–6).
Nanatili si Isaac sa Canaan. Ngunit gaya ng ginawa ng kanyang ama maraming taon bago siya isilang, dahil sa takot para sa kanyang buhay, ipinakilala niya si Rebecca bilang kanyang kapatid sa halip na asawa (Genesis 26:7–11). Ngunit gaya ng pagiingat ng Diyos kay Sarah, iningatan din Niya si Rebecca; Pinagpala ng Diyos si Isaac ng masaganang ani at kayamanan anupa't nainggit sa kanya ang mga Filisteo at inangkin ng mga ito ang mga balon na hinukay ni Abraham para sa kanyang anak. Hiniling ng hari ng Filistea na umalis si Isaac sa Canaan at sumunod naman si Isaac at nagpalipat-lipat siya ng lugar at naghukay ng kanyang sariling balon sa tuwing magaaway ang kanyang mga kalaban dahil sa tubig. Di naglaon, kinilala ng hari ng Filistea na pinagpala ng Diyos si Isaac at nakipagkasundo siya kay Isaac para sa kanilang kapayapaan (Genesis 26:26–31).
Namatay si Isaac sa edad na 120 at inilibing siya ng kanyang mga anak. Tiniyak ng Diyos ang Kanyang tipan kay Jacob, ang anak ni Isaac na Kanyang pinalitan ang pangalan at ginawang Israel.
Bagama't pasalaysay ang marami sa tala sa buhay ni Isaac, at walang maraming aral na madaling makita para mailapat sa ating mga buhay, makikita natin kay Isaac ang isang pusong nakasuko sa kalooban ng Diyos. Halimbawa, naging masunurin siya sa kanyang mga magulang. Sumunod siya ng sabihin sa kanya ng Diyos na manatili sa lupain sa kabila ng tag-gutom at ng pag-atake ng kanyang mga kaaway. Nang malaman ni Isaac na dinaya siya ng kanyang anak na si Jacob, tinanggap niya iyon at nagpasakop siya sa kinikilala niyang kalooban ng Diyos sa kabila ng katotohanan na ganap na salungat ang ginawa ni Jacob sa tinatanggap na tradisyon ng panahong iyon. Gaya ng natuklasan ni Isaac, dapat din nating tandaan na ang mga paraan ng Diyos ay hindi natin paraan at ang Kanyang kaisipan ay hindi pareho ng ating kaisipan (Isaias 55:8). Ipinapakita din sa kuwento ni Isaac ang katapatan ng Diyos sa pagtupad sa Kanyang mga pangako—nakipagtipan Siya kay Abraham at ipinagpatuloy Niya ang pagtupad sa Kanyang mga pangakong iyon kay Isaac at sa anak ni Isaac na si Jacob.
Bagama't walang malaking tagumpay na nagawa si Isaac, siya ang pinili ng Diyos para ipagpatuloy ang Kanyang Tipan sa lahi ni Abraham, ang parehong lahi na pinanggalingan ng Mesiyas na si Jesu Cristo. Sa loob ng maraming henerasyon, ipinakikilala ng mga Judio ang kanilang Diyos bilang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob. Tunay na may mga talata sa Kasulatan kung saan inilalarawan ng Diyos ang Kanyang sarili sa parehong paraan (halimbawa sa Exodo 3:6). Inilista si Isaac kasama ng iba pang mga patriyarka at mayroon siyang lugar sa kaharian ng Diyos (Lukas 13:28). At wala ng mas dakila pang karangalan ang maaari nating asahan na makamtan sa hinaharap na gaya ng kanyang nakamtan.
English
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Isaac?