Tanong
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Isaias?
Sagot
Si Isaias, na ang ibig sabihin ng pangalan ay "si Yahweh ang kaligtasan," ay kilala sa pagsulat sa aklat na nagtataglay ng kanyang pangalan sa Lumang Tipan. Ang kanyang mga sulat ay mahalaga dahil sa kanyang mga hula patungkol sa darating na Mesiyas, daan-daang taon bago isilang si Jesu Cristo (Isaias 7:14; 9:1-7, 11:2-4; 53:4-7, 9, 12). Sinipi ni Mateo si Isaias sa paglalarawan sa ministeryo ni Juan Bautista (Mateo 3:3; Isaias 40:3), at noong pumunta si Jesus sa Galilea para simulan ang Kanyang ministeryo, natupad ang hula ni Isaias (Mateo 4:13-16; Isaias 9:1-2). Sinipi ni Jesus ang mga hula ni Isaias sa pagtuturo niya ng mga talinghaga (Isaias 6:9; Mateo 13:14-15), at tinukoy din ni Pablo ang parehong hula noong siya ay nasa Roma (Gawa 28:26-27). Nang bumasa si Jesus mula sa aklat ni Isaias, (Isaias 61:1-2) sa sinagoga sa Nazareth, namangha ang maraming mga Hudyo ng Kanyang angkinin na ang hula ni Isaias na kanyang binasa ay mismong naganap sa Kanya (Lukas 4:16-21). Mahalaga ding pansinin na sumipi ang apat na Ebanghelyo mula sa aklat ni Isaias ng mas marami kaysa sa anumang aklat ng mga propeta sa Lumang Tipan.
Kakaunti lang ang nasulat tungkol sa pagkatao ni Isaias. Alam natin na siya ay anak ni Amos at siya ay may asawa at may mga sariling anak (Isaias 1:1; 7:3; 8:3). Bagama't ipinapahiwatig ang pagkilala kay Isaias bilang isang dakilang propeta sa mga aklat ng mga Hari at Cronica, maaari ding si Isaias ay isang saserdote dahil naganap ang pagtawag sa kanya ng Diyos sa templo (Isaias 6:4), isang lugar na para lamang sa mga saserdote. Ang pagpapahid ng langis na kanyang tinanggap ng tawagin siya ng Diyos ay gaya ng tinanggap ni propeta Jeremias (Jeremias 1:9; Isaias 6:7).
Kasama ng kasabayan niyang si propeta Mikas, naglingkod siya sa kaharian sa Timog ng Juda sa ilalim ng apat na hari. Sa panahon ng ministeryo ni Isaias, ang Juda ay isang makasalanan at hindi makatarungang bansa. Gayunman, naniwala si Isaias na ang Juda ang bansang pinili ng Diyos at ipaghihiganti sila ng Diyos sa kanilang mga kaaway. Sa tulong ni Mikas at ng makadiyos na haring si Ezekias, napahinto nila ang kanilang mga kaaway at nagkaroon ng pagpapanibagong sigla sa pananampalataya sa buong lupain ng Juda (2 Hari 19:32-36; 2 Cronica 32:20-23). Maraming komentarista ang inilarawan si Isaias bilang ebanghelista ng Juda dahil walang kapaguran siyang gumawa para papanumbalikin sa Diyos ang Kanyang bayan.
Maraming tagumpay at kabiguan sa buhay ni Isaias. Ginantimpalaan ang kanyang katapatan sa Diyos sa pamamagitan ng ilang kahanga-hangang himala. Bilang tugon sa panalangin ni Isaias, pinabalik ng Diyos ang araw ng sampung hakbang bilang tanda kay haring Ezekias na dadagdagan ng Diyos ng 15 taon ang kanyang buhay (2 Hari 20:8-11; 2 Cronica 32:24). Ngunit ginugol ni Isaias ang tatlong taon ng kanyang buhay ng nakahubad at walang sapin sa paa sa pagsunod sa Diyos bilang isang "tanda at himala" laban sa mga Ehipsyo (Isaias 20:2-4). Ganito rin ang nangyari sa kanyang kasabayang si Mikas (Mikas 1:8), bagama't hindi sa atin sinabi kung gaano katagal.
Sa pagsusuri sa puso ng tao, matututunan natin kung ano ang uri ang kanyang pagkatao. Sinabi ng Panginoong Jesus, "kung ano ang nilalaman ng dibdib, iyon ang mamumutawi sa bibig" (Mateo 12:34). Sa panulat ni Isaias natin matututunan ang Kanyang walang pagaalinlangang pananampalataya at ang kanyang ganap na kapakumbabaan sa harapan ng Diyos. Tumanggap din siya ng malaking paggalang mula kay haring Ezekias at samga tagapamahala sa palasyo, na nakita sa panahon ng mga krisis. Ang ilan sa nga dakilang likhang sining, musika at tula ay nalikha ng mga taong may malapit na kaugnayan sa Diyos at maibibilang natin sa kanila si Isaias. Ang kanyang malawak na kaalaman sa salitang Hebreo ay inihalintulad sa Ingles ni Shakespeare, gaya ng ating mababasa sa napakagandang mga panulat sa Bibliya. Bagama't ang aklat ni Isaias ay naisulat mahigit sa 2,500 taon na ang nakalilipas, hindi nasasayang ang oras sa pagbabasa sa kanyang buong aklat dahil makikita natin dito ang napakaraming karunungan na magagamit natin sa ating buhay bilang mga Kristiyano sa panahon ngayon.
Makikitang isang napakapribadong tao si Isaias. Kung makakatagpo tayo ng isang kilalang tagapagsalita ngayon, hindi tayo matutuwa kung hindi tayo papansinin ng taong iyon. Gayunman, gaya ng gawain ni Isaias, matututunan natin na ang kanyang ministeryo ay papanumbalikin ang mga tao sa Diyos hindi para sa kanyang sarili. At sa kabila ng pagiging mahiyain ni Isaias, ang kanyang pagiging prominente ay resulta ng kanyang ministeryo sa mga tao. Sa mga huling panahong ito, kailangan nating gamitin ang bawat salitang ating binibitawan para sa kaharian ng Diyos. At mula sa pamumuhay ni Isaias, matututunan natin na kung may ginagawang isang bahagi ng Kanyang plano ang Diyos sa pamamagitan natin, dapat nating tiyakin na para sa Kanya lamang ang kaluwalhatian.
Bilang karagdagan, makikitang si Isaias ay malapit sa ibang makadiyos na personalidad sa kanyang panahon gaya ni Mikas at haring Ezekias. Madali tayong matatalo kung nagiisa, ngunit kung nakikipagkaisa tayo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu sa ibang miyembro ng katawan ni Kristo sa pamamagitan ng panalangin at pakikisama sa isa't isa, mas magiging epektibo ang ating ministeryo dahilan sa proteksyon at pagpapalakas ng loob ng iba.
English
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Isaias?