Tanong
Ano ang isang ebanghelista?
Sagot
Ang isang ebanghelista ay isang taong nangangaral ng Mabuting Balita; sa ibang salita, isang tagapangaral ng ebanghelyo o isang misyonero. Ang isang taong may kaloob ng ebanghelismo ay isang taong naglalakbay sa iba't ibang lugar para ipangaral ang Ebanghelyo at nananawagan para sa pagsisisi. Ang mga taong may-akda ng apat na Ebanghelyo—sina Mateo, Markos, Lukas, at Juan— ay tinatawag minsan na mga "ebanghelista" dahil itinala nila ang ministeryo ni Jesu Cristo— ang tunay na "Mabuting Balita."
Sinasabi sa Efeso 4:11–13, "At binigyan niya ang ilan ng kaloob upang maging mga apostol, ang iba nama'y mga propeta, ang iba'y mga ebanghelista, at ang iba'y mga pastor at mga guro. Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga hinirang, upang maging matatag ang katawan ni Cristo, hanggang makarating tayo sa pagkakaisa ng pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos, at maging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Cristo." Sa Gawa 21:8 tinawag si Felipe na isang ebanghelista, at sa 2 Timoteo 4:5, pinayuhan ni Pablo si Timoteo na gawin ang gawain ng isang ebanghelista. Tatlo lamang ito sa mga gamit ng salitang ebanghelista sa buong Bibliya. May iba na maituturing na "ebanghelista" dahil nangangaral sila ng Mabuting Balita, kabilang ang Panginoong Jesus (Lukas 20:1) at si Pablo (Roma 1:15), ngunit si Felipe ay isang taong partikular na tinawag na ebanghelista sa Kasulatan.
Si Felipe ay naging isa sa pitong diyakono o tagapaglingkod na pinili ng mga apostol para magampanan nila ang kanilang gawain ng pagtuturo at pananalangin (Gawa 6:2–4). May katibayan na tumira si Felipe sa Cesarea at nanatili doon ng may 20 taon bago dumating si Pablo sa Gawa 21. Ang dating gawain ni Felipe bilang ebanghelista ay sa Samaria (Gawa 8:4–8). Ipinangaral niya ang "Mesiyas" sa mga Samaritano (talata 5) at gumawa siya ng mga himala kabilang ang pagpapalayas ng mga demonyo sa katawan ng tao at pagpapagaling ng mga paralitiko. Mahalagang pansinin na nagbawtismo si Felipe sa pangalan ni Jesus ngunit hindi pa naganap ang bawtismo sa Banal na Espiritu habang hindi pa dumadating ang mga apostol sa Samaria.
Ang presensya nina Pedro at Juan sa Samaria at ang pananahan ng Banal na Espiritu sa mga mananampalatayang Samaritano (Gawa 8:17) ang kumumpirma ng ministeryo ni Felipe doon. Bilang isang ebanghelista, ipinangaral ni Felipe ang Mabuting Balita at noong sumampalataya ang mga Samaritano at tinanggap ang Banal na Espiritu, tinanggap sila sa iglesya. Ang dating pagkakahati sa pagitan ng mga Hudyo at Samaritano ay napalitan ng pagkakaisang espiritwal sa bigkis ng pag-ibig (Colosas 3:14). Ang mga naunang pagsisikap ni Felipe ang nagtatag ng pundasyon para sa kanyang mga tagapakinig na tanggapin ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang paunang papel na ginagagampan ng isang ebanghelista sa pagliligtas ng Diyos sa Kanyang mga hinirang ang ginagawa ng mga ebanghelista sa pasimula pa ng iglesya.
Ang ministeryo ni Felipe bilang isang ebanghelista ay nagpatuloy hanggang sa Gawa 8 ng pangunahan siya ng isang anghel sa disyerto patungong Gaza. Habang daan, nakasalubong niya ang isang Etiopeng eunuko — isang opisyal sa korte ng Reyna ng Etiopia. Binuksan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ni Felipe ang pangunawa ng eunuko sa Salita ng Diyos at pagkatapos maranasan ng Eunuko ang kaligtasan, binawtismuhan ito ni Felipe at dinala siya palayo ng Banal na Espiritu (Gawa 8:39). Kalaunan nakita si Felipe sa Azoto at "Mula roon, ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol kay Jesus sa lahat ng bayang dinaraanan niya hanggang sa marating niya ang Cesarea" (talata 40). Saan man siya makarating, ibinahagi ni Felipe ang Ebanghelyo. Ito ang ginagawa ng mga ebanghelista.
Sinabihan din si Timoteo na gawin ang pangangaral bilang paghahanda sa karanasan ng pagliligtas ng Diyos sa mga tao at ito "ang gawain ng isang ebanghelista" (2 Timoteo 4:5). Ang parehong pangangaral ng Mabuting Balita ay pagkalahatang tawag sa mga alagad sa Dakilang Utos at sa atin ding lahat hanggang sa katapusan ng panahon (Mateo 28:16–20). Sa Judas 1:3, dapat na masigasig na ipagtanggol ng bawat mananampalataya ang pananampalatayang ipinagkaloob sa kanila at sa talatang 23 dapat nating "agawin ang iba upang mailigtas sa apoy."
Ang posisyon ng ebanghelista ay kinakailangan hanggang sa makaabot sa pagiging ganap ang iglesya katulad ni Cristo (Efeso 4:13). Ang Mabuting Balita ay dapat na ibahagi. Nasa atin ang pinakamagandang balita sa lahat— namatay si Jesus at muling nabuhay at inililigtas ang sinumang tatawag sa Kanya (Roma 10:9–13).
English
Ano ang isang ebanghelista?