Tanong
Ano ang ibig sabihin ng pagiging isang laman sa pagaasawa?
Sagot
Ang salitang "isang laman" ay nagmula sa kuwento ng pagkalikha kay Eba sa aklat ng Genesis. Inilarawan sa Genesis 2:21-24 ang proseso kung saan nilikha ng Diyos si Eba mula sa tadyang na kinuha sa tagiliran ni Adan habang natutulog ito. Kinilala ni Adan na bahagi Niya si Eba - sa totoo, sila ay "isang laman". Ang salitang "isang laman" ay nangangahulugan na kung paanong ang ating mga katawan ay iisa ngunit maaaring hatiin sa maraming bahagi ngunit mananatili pa ring iisa, ito rin ang parehong hangarin ng Diyos sa pagaasawa. Hindi na sila dalawang indibidwal, kundi sila ay iisa na (magasawa). May ilang mga aspeto sa sa katotohanang ito.
Sa aspeto ng relasyon, ang relasyon ng bagong magasawa na naging isang laman ang una sa lahat ng relasyon, sa nakaraan at sa hinaharap (Genesis 2:24). May ilang magasawa na patuloy na pinahahalagahan ng higit ang kanilang dating relasyon kaysa sa kanilang bagong relasyon gaya ng kanilang relasyon sa kanilang mga magulang. Ito ay isang resipe sa trahedya sa buhay magasawa at pagbaluktot sa intensyon ng Diyos na "pagiwan sa magulang at pakikisama sa asawa." Ang parehong problema ay maaaring maganap kung ang isa sa magasawa ay mas mapalapit sa isang anak upang katagpuin ang kanyang emosyonal na pangangailangan sa halip na hanapin ito sa kanyang asawa.
Sa emosyon, espiritwal, intelektwal, pinansyal at sa lahat ng aspeto ng buhay, ang magasawa ay dapat maging isa. Gaya ng isang bahagi ng katawan na nagpapahalaga sa ibang bahagi ng katawan (ang tiyan ang tumutunaw ng pagkain para sa buong katawan, at iba pa), gayon din, ang magasawa ay dapat na magmalasakit sa isa't isa. Ang pera ng bawat isa ay hindu na sa "aking pera" kundi "ating pera". Matatagpuan sa Efeso 5:22-23 at Kawikaan 31:10-31 ang aplikasyon ng pagiging "isa" sa papel ng asawang lalaki sa kanyang asawang babae at sa papel ng babae sa kanyang asawang lalaki.
Sa aspetong pisikal, sila rin ay naging isang laman at ang resulta nito ay ang kanilang mga anak; ang mga anak na ito ay nagtataglay ng isang espesyal na katangiang genetiko na nanggaling sa kanilang pagiging iisa. Maging sa aspetong sekswal, ang babae at lalaki ay hindi nararapat ituring ang kanilang katawan na sarili nila kundi para sa isa't isa (1 Corinto 7:3-5). Gayundin, hindi dapat na pagtuuan ng pansin ang pansariling sekswal na kasiyahan lamang kundi ang kasiyahan din ng kabiyak.
Ang pagiging isa at ang pagnanais na magbigay kasiyahan sa bawat isa ay hindi awtumatikong nangyayari, lalo na't ang tao ay hahulog sa kasalanan. Ayon sa Genesis 2:24, ang lalaki ay sinabing "makikipisan" sa kanyang asawa. Ang salitang ito ay nagtataglay ng dalawang ideya. Una, siya ay "madidikit" sa kanyang asawa, isang larawan kung gaano ang pagiging malapit sa isa't isa ng magasawa. Ang isa pang ideya ay "naghahabol para sa asawa." Ito ay ginagawa ng lalaki hindi lamang sa panahon ng panliligaw kundi nagpapatuloy sa buong panahon ng pagsasama. Ang inklinasyon ng laman ay "gawin ang maganda para sa sarili" sa halip na gawin ang maganda para sa asawa. Ang pagkamakasariling ito ang sumisira sa maraming relasyon at siyang nagyayari pagkatapos ng pulot-gata. Sa halip na katagpuin ang pangangailangan ng sarili, ang isang kabiyak ay nararapat na manatiling nakatuon ang atensyon sa pagtagpo sa pangangailangan ng kabiyak.
Gaano man kaayos ang pagtagpo ng pangangailangan sa isa't isa ng dalawang taong nagsasama sa iisang bubong, may mas mataas pang pagkatawag ang Diyos sa pagaasawa. Kung sila man ay naglilingkod kay Kristo bago ang kanilang pagsasama (Roma 12:1-2), ngayon ay magkasama silang maglilingkod kay Kristo at palalakihin ang kanilang mga anak sa takot at paglilingkod din naman sa Diyos (1 Corinto 7:29-34; Malakias 2:15; Efeso 6:4). Sina Priscilla at Aquila, sa Mga Gawa 18, ang magandang halimbawa. Bilang magasawa, hinangad nila na maglingkod kay Kristo ng magkasama at ang kagalakan na mula sa Espiritu ang pumuno sa kanilang relasyon bilang magasawa (Galatia 5:22-23). Sa Hardin ng Eden, may talong indibidwal na makikita (Si Adan, si Eba at ang Diyos), at mayroon silang kagalakan. Kaya nga kung ang Diyos ang nasa sentro ng pagsasama ng magasawa, tiyak na mayroong kagalakan. Kung wala ang Diyos sa sentro ng pagsasama ng magasawa, hindi posible ang magkaroon ng tunay na pakikipagisa.
English
Ano ang ibig sabihin ng pagiging isang laman sa pagaasawa?