settings icon
share icon
Tanong

Inihula ba sa Bibliya ang pagkakaroon ng isang lider, nagkakaisang mundo at isang pera sa katapusan ng panahon?

Sagot


Hindi ginamit sa Bibliya ang salitang “nagkakaisang mundo” o “isang pera” ng buong mundo sa pagtukoy sa mga huling panahon. Gayunman, nagbibigay ang Bibliya ng sapat na ebidensya na kukumbinsi sa atin na magkakaroon ng iisang lider at iisang pera sa ilalim ng pamamahala ng Antikristo sa mga huling araw.

Sa kanyang pangitain tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap sa aklat ng Pahayag, nakita ni apostol Juan ang “Halimaw,” na tinatawag ding Antikristo, na umaahon mula sa dagat. Ang Halimaw na ito ay may pitong ulo at sampung sungay (Pahayag 13:1). Kung ikukumpara ang pangitaing ito sa parehong pangitain ni Daniel (Daniel 7:16–24), makikita natin na may isang sistema sa pulitika na isusulong ng halimaw, ang pinakamakapangyarihang sungay na tatalo sa siyam na hari at didigma sa mga Kristiyano. Ang alyansa ng sampung bansang ito ay makikita din sa pangitain ni Daniel tungkol sa isang estatwa sa Daniel 2:41–42, kung saan inilalarawan ang isang pamahalaan sa buong mundo sa mga huling panahon/araw na binubuo ng sampung hari/pinuno na siyang simbolo ng sampung daliri ng paa ng estatwa. Sinuman ang sampung ito at sa anumang paraan man sila magkakaroon ng kapangyarihan, malinaw ang Kasulatan na ang halimaw ang babangon mula sa kanilang kalagitnaan at siyang magiging pinakamakapangyarihang hari/pinuno na mangunguna sa kanila. Sa huli, susundin ng ibang hari ang kanyang mga kagustuhan.

Inilarawan ni Juan ang pinuno ng malawak na imperyong ito na may taglay na kapangyarihan at malaking kapamahalaan na ibinigay sa kanya ni Satanas (Pahayag 13:2). Tinanggap niya ang pagsamba ng buong “mundo” (13:3–4) at saklaw ng kanyang kapamahalaan ang bawat “lahi, lipi, wika, at bansa” (13:7). Mula sa paglalarawang ito, lohikal na masasabi na ang taong ito ay ang pinuno o hari ng nagkakaisang mga bansa sa buong mundo at kikilalanin ng lahat ng pamahalaan ang kanyang kapangyarihan. Mahirap isipin kung paanong ang iba’t ibang pamahalaan ng lahat ng mga bansa sa mundo na may sariling mga pinuno ay kikilala sa iisang hari o pinunong ito bilang kanilang lider. Maraming teorya tungkol sa paksang ito. Ang isang ideya ay magiging napakamapinsala ng mga sakuna at kalamidad na inilarawan sa aklat ng Pahayag na mga “trumpeta” ng parusa ng Diyos at lilikha ito ng pangdaigdigang krisis at dahil dito, yayakapin ng lahat ng tao ang sinuman na magbibigay sa kanila ng panandaliang kaginhawahan.

Pagkatapos na maitaas sa kapangyarihan, itatatag ng halimaw (Antikristo) at ng kapangyarihan sa likod nito (Satanas) ang kanilang lubos na kapamahalaan sa lahat ng tao sa mundo. Ang tunay na layunin ng Antikristo ay tumanggap ng pagsamba na malaon ng ninanais ni Satanas mula pa noong patalsikin siya sa langit (Isaias 14:12–14). Ang isang paraan upang makamit ito ay sa pamamagitan ng pagkontrol sa pandaigdigang kalakalan na siyang layunin sa pagkakaroon ng iisang pera sa buong mundo. Inilarawan sa Pahayag 13:16–17 ang tatak ng demonyo na kinakailangang taglayin ng tao upang makabili at makapagnegosyo. Ang sinumang tatanggi sa tatak na ito ay hindi makakabili ng pagkain, damit, at ng mga pangunahing pangangailangan. Walang duda na tatanggapin ng nakararaming tao sa mundo ang tatak na ito upang mabuhay. Malinaw na sinasabi sa talata 16 na ito ay magiging isang sistema sa buong mundo kung kailan ang lahat ng tao, mahirap man o mayaman, dakila o hamak ay magtataglay ng tatak sa kanilang kamay o noo. Napakaraming haka-haka kung paano ilalagay ang tatak na ito sa mga tao, ngunit napakadali na itong gawin sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya na mayroon tayo ngayon.

Ang mga naiwan sa mundo pagkatapos ng pagdagit ng Panginoong Hesu Kristo sa Kanyang iglesya ay haharap sa isang napakahirap na desisyon – ang magpatatak upang mabuhay at makaiwas sa gutom o tumangging magpatatak at pagusigin ng Antikristo at ng kanyang mga kampon. Ngunit pipiliin ng mga lalapit kay Kristo sa panahong ito, ang mga taong nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay ng Kordero (Pahayag 13:8), ang magtiis hanggang sa sukdulang mamatay sila alang alang sa kanilang pananampalataya kay Kristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Inihula ba sa Bibliya ang pagkakaroon ng isang lider, nagkakaisang mundo at isang pera sa katapusan ng panahon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries