Tanong
Ano ang layunin ng isanlibong taon ng paghahari ni Cristo?
Sagot
Ang Millennium (na kilala rin sa tawag na Kahariang Milenyal o Millennial Kingdom) ay ang 1,000 taon ng paghahari ni Jesus pagkatapos ng kapighatian bago dalhin sa langit o impiyerno ang lahat ng tao sa mundo. Maghahari si Jesus bilang hari sa Israel at sa lahat ng bansa sa buong mundo (Isaias 2:4; 42:1). Mamumuhay ang sangkatauhan sa kapayapaan (Isaias 11:6–9; 32:18), igagapos si Satanas (Pahayag 20:1–3) at sa pasimula,ang lahat ng tao ay sasamba sa Diyos (Isaias 2:2–3). Ang layunin ng isanlibong taon ng paghahari ni Cristo sa lupa ay para tuparin ang mga pangako ng Diyos na Kanyang ipinangako sa mundo na hindi maaaring matupad kung mananatiling malaya si Satanas at may kapangyarihan sa pulitika ang tao. Ang ilan sa mga pangakong ito na tinatawag na “mga tipan” ay partikular na ibinigay sa Israel. Ang iba sa mga pangako ay ibinigay kay Jesus, sa mga bansa sa mundo at sa buong sangnilikha. Ang lahat ng ito ay matutupad sa panahon ng isanlibong taon ng paghahari ni Cristo.
Ang Tipan sa Palestina na tinatawag ding Pangako para sa isang Lupain (Deuteronomio 30:1-10)
Tinupad na ng Diyos ang kanyang tipan kay Abraham sa personal na aspeto; pumunta si Abraham si Lupang Pangako, at nagkaroon siya ng maraming anak at inapo at siya ang naging ninuno ng maraming bansa. Ilang daang taon pagkatapos ng pangako kay Abraham, pinangunahan ni Josue ang mga Israelita para angkinin ang Lupang Pangako. Ngunit hindi naokupa ng Israel ang mga partikular na hangganan na ipinangako ng Diyos sa Genesis 15:18–20 at Bilang 34:1-12. Maging si Solomon ay hindi naghari sa mga partikular na lugar (1 Hari 4:21–24). Bagama’t naghari siya mula sa Ilog ng Egipto hanggang sa Eufrates, hindi Niya naangkin ang lupain mula sa Bundok ng Hur hanggang sa Hazarenan (Bilang 34:7–9) — hanggang sa tinatawag sa ngayon na Lebanon at Siria. Sa karagdagan, hindi pa rin natutupad ang tipan na ginawa ng Diyos kay Abraham na siya at ang kanyang mga inapo ay titira sa lupain magpakailanman (Genesis 13:15; 17:8; Ezekiel 16:60). Ang kasalukuyang estado ng Israel ay maaaring patungo na sa direksyong iyon, pero hindi pa rin nila naaangkin ang mga hangganan na ipinangako sa kanila ng Diyos.
Ang Tipan kay David (2 Samuel 7)
Ang tipan ng Diyos kay David ay hindi matatapos ang paghahari mula sa kanyang angkan at isa niyang tagapagmana ang uupo sa trono ng Israel magpakailanman (2 Samuel 7:16). Maraming iskolar ng Bibliya ang sumasang-ayon na si Jesus ang katuparan ng tipang ito—ang isa sa mga dahilan ay ang angkang kanyang pinanggalingan mula sa lahi ni David parehong kay Maria (Mateo 1:1–17) at sa Kanyang kinilalang ama sa lupa na si Jose (Lukas 3:23–38). Naunawaan ito ng mga Judio ng maglatag sila ng mga sanga ng palma at ng kanilang mga balabal habang pumapasok si Jesus sa Jerusalem sakay ng isang asno (Mateo 21:1–17). Inasahan nila na si Jesus ay magiging isang lider pulitikal at militar na magpapalaya sa kanila mula sa Roma at muling gagawing isang dakilang bansa ang Israel. Ngunit hindi nila naintindihan ang kalikasan ng gawain ni Jesus ng panahong iyon para sa Bagong Tipan hindi para sa tipan ng Diyos kay David. Ang 1,000 taon ng paghahari ang magiging simula ng walang hanggang paghahari ni Jesus sa Israel at sa buong mundo (Pahayag 20:4, 6).
Ang Bagong Tipan (Jeremias 31:31-34)
Ang gawain para sa Bagong Tipan—ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus para ipagkasundo ang mga puso ng tao sa Diyos—ay natapos na. Ngunit hindi pa natin nakikita ang ganap nitong katuparan. Sinasabi sa Jeremias 31:33, “Ganito ang gagawin kong kasunduan sa bayan ng Israel pagdating ng panahon: Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan; isusulat ko ito sa kanilang mga puso. Ako ang kanilang magiging Diyos at sila ang aking magiging bayan.” Ibinigay sa Ezekiel 36:28 ang mas maraming detalye: “Ititira ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo ay magiging bayan ko at ako ang inyong Diyos.” Ipinaliwanag sa Isaias 59:20–21 na ang tipang ito ay posible dahil sa Manunubos at ang Kanyang ipinagkakaloob na pakikipagkasundo ay mamamalagi magpakailanman. Hindi nangangahulugan ang tipang ito na maliligtas ang lahat ng mga Judio. Pero nangangahulugan ito na bilang isang bansa, sasambahin ng Israel ang kanilang Mesiyas. Binanggit ng mga propeta sa Lumang Tipan ang tipang ito kabilang si Isaias, Jeremias, Oseas, at Ezekiel. Sumulat silang lahat na ito ay magaganap sa hinaharap. Mula noon, hindi pa nagiging isang nagsasariling bansa ang Israel na sumasamba sa kanyang Mesiyas (Roma 9—11). Magaganap ito sa panahon ng isanlibong taon ng paghahari ni Cristo.
Iba pang mga Pangako
Ang mga ito ang mga tipan na ginawa ng Diyos sa Israel na matutupad sa isanlibong taon ng paghahari ni Jesus ngunit inilista sa Bibliya ang iba pang mga pangako na magaganap din naman. Ipinangako ng Diyos kay Jesus na gagawin Niyang tuntungan ng kanyang mga paa ang Kanyang mga kaaway at malaya Siyang sasambahin ng Kanyang mga tagasunod (Awit 100). Ipinangako ng Diyos na ang mga bansa sa mundo ay mamumuhay sa kapayapaan kasama si Jesus bilang kanilang pinuno (Daniel 7:11–14). At ipinangako Niya sa sangnilikha na Kanyang aalisin ang sumpa (Roma 8:18–23), at ang mga hayop at ang sangkatauhan ay mabubuhay sa kapayapaan at kasaganaan (Isaias 11:6–9; 32:13–15), at hindi na magkakaroon pa ang mga tao ng sakit at karamdaman (Ezekiel 34:16). Magaganap din ang mga ito sa panahon ng isanlibong taon ng paghahari ni Cristo.
Ang pangunahing layunin ng 1,000 taon ng paghahari ni Jesus ay para tuparin ang mga pangako na ibinigay ng Diyos Ama sa Israel at mga pangako ng Diyos Ama kay Jesus, sa mga bansa at sa buong sangnilikha. Ang mga tipang ito ng Diyos ay kusa Niyang ibinigay at walang kundisyon. Ipinangako Niya na Kanyang pagpapalain ang Israel at ibabalik ang sangnilikha sa orihinal nitong kalagayan at kanya itong tiyak na gagawin.
English
Ano ang layunin ng isanlibong taon ng paghahari ni Cristo?