settings icon
share icon
Tanong

Sino ang mga maninirahan sa mundo sa Kahariang Millennial?

Sagot


Mayroong dalawang natatanging grupo na mananahan sa mundo sa panahon ng kahariang milenyal o isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa. Una, ang mga may katawang niluwalhati at ang mga may katawang lupa na napagtagumpayan ang kapighatian o tribulasyon patungo sa kahariang milenyal. Ang mga taong may mga katawang maluwalhati ay mga miyembro ng Iglesya, na nabiyayaan ng katawang maluwalhati sa panahon ng pagdagit o rapture (1 Tesalonica 4:13-18; 1 Corinto 15:21-23, 51-53), at sila na mga muling nabuhay sa pagbabalik ni Hesus sa mundo (Pahayag 20:4-6). Samantalang ang mga taong may katawang lupa ay nahahati rin sa dalawang grupo: mga mananampalatayang Hentil at mga mananampalatayang Hudyo.


Ayon sa Pahayag 19:11-16, makikita natin ang pagbabalik ni Hesus sa mundo, na kilala bilang ang muling pagparito ni Hesus. Ang rapture (1 Tesalonica 4:13-18; 1 Corinto 15:21-23, 51-53) ay ang pagpapakita ni Hesus sa himpapawid. Ito ay aming binabanggit upang ipahayag ang pagkakaiba sa pagitan ng rapture at ng muling pagbabalik ni Hesus. Walang nabanggit sa Pahayag 19:20 patungkol sa kahit anong pangyayari tungkol sa rapture. Nangangahulugan ito na ang mga banal na nabubuhay sa mundo sa oras ng pagbabalik ni Hesus ay mananatiling nabubuhay sa kanilang mga katawang lupa sa pagsisimula ng kahariang milenyal. Kung ang rapture o ang kahit anong pangyayari kung kailan ang nabubuhay na mananampalataya ay magkakaroon ng katawang maluwalhati sa oras ng muling pagbabalik ni Kristo sa mundo, maaasahan natin na ito ay mababanggit sa Pahayag 19. Ngunit walang nabanggit na ganitong kaganapan saan man. Ang natatanging pangyayari kung kailan mabibiyayaan ang mga mananampalataya ng katawang maluwalhati ay sa Pahayag 20:4 kung saan ang mga taong sumampalataya sa panahon ng kapighatian o tribulasyon na pinatay dahil sa kanilang paniniwala ay muling nabuhay. Pinaniniwalaan din na sa mga oras na ito, ang mga mananampalataya sa panahon ng Lumang Tipan ay mabubuhay ding mag-uli, at sila ay makatatanggap rin ng katawang maluwalhati (ayon sa Daniel 12:2).

Maari din nating gamitin ang talata sa Mateo 25:31-46 tungkol sa paksang ito. Ang talatang ito ay karaniwang nalalaman na paghihiwalay o paghatol sa mga tupa at kambing. Ang mga kambing at mga tupa ay tumutukoy sa mga matuwid at makasalanang mga Hentil. Hahatulan ni Kristo ang mg makasalanang Hentil (kambing), at sila ay ihahagis sa lawang apoy para sa kanilang walang hanggang kaparusahan (Mateo 25:46). Kaya naman walang hindi manananampalatayang Hentil ang mananatiling buhay sa pagsisimula ng kahariang milenyal. Samantalang ang mga mananampalatayang Hentil, o tupa, ay patuloy na mabubuhay sa kahariang milenyal. Sila ay manganganak at kanilang pupunuin ang mundo. Gayunman, hindi lamang sila ang manganganak sa panahon ng Paghahari ni Hesus sa loob ng isanlibong Taon.

Pinaniniwalaan na sa muling pagbabalik ni Hesus, mananampalataya sa Kanya ang lahat ng mga Hudyo (Zacarias 12:10). Sila rin ay hindi makatatanggap ng katawang maluwalhati (hindi katulad ng mga taong nadagit o narapture bago dumating ang panahon ng kapighatian o tribulasyon at sila na nabuhay muli matapos). Sila rin ay manganganak sa panahon ng kahariang milenyal.

Kung kaya, ang mga mananampalatayang Hentil, Hudyo, at mga mananampalatayang na-rapture (silang may mga katawang maluwalhati) ay mananahan sa mundo. Ganon pa man, nararapat na tandaan na ang mga mananampalatayang may katawang maluwalhati ay hindi na manganganak o makapagpaparami sapagkat wala nang pagaasawa sa ganitong katawan (Mateo 22:30).

Ang mga batang ipanganganak sa panahon ng kahariang milenyal ay kailangan ding manampalataya kay Kristo katulad ng mga tao sa naunang panahon (paniniwala sa dumating na Kristo; paniniwala sa Diyos bago dumating si Kristo - Genesis 15: 2-6, Habakuk 2:4, Roma 3:20). Ang masaklap, hindi lahat ng mga ipanganganak sa panahon ng isanlibong Taon ay mananampalataya kay Kristo. Hihimukin ni Satanas ang mga hindi mananampalataya sa isang pag-aalsa laban sa Diyos sa pagtatapos ng kahariang milenyal matapos pakawalan si Satanas sa sandaling panahon (Pahayag 20:7-10).

Para sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa paksang ito (sino ang mabubuhay sa kahariang milenyal), tingnan ang mga sumusunod na talata: Isaias 2:2-4; Zacarias 14:8-21, Ezekiel 34:17-24; Daniel 7:13-14, at Mikas 4:1-5.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino ang mga maninirahan sa mundo sa Kahariang Millennial?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries