Tanong
Maaari bang isauli ng isang Kristiyano ang kaligtasan?
Sagot
Ang maiksing sagot sa tanong na ito ay hindi, hindi maaaring isauli ng Kristiyano sa Diyos ang kanyang kaligtasan. Nakapagtataka na may mga Kristiyano na naniniwala na hindi maaaring mawala ang kaligtasan ngunit maaari diumano nilang isauli ang kanilang kaligtasan. Ang mga nanghahawak sa ganitong katuruan ay ginagamit ang Roma 8:38-39 at sinasabi na habang walang anumang bagay ang maaaring makapaghiwalay sa kanya sa pag-ibig ng Diyos, maaari diumanong piliin ng isang tao sa kanyang sariling malayang pagpapasya na ihiwalay ang kanyang sarili sa Diyos. Hindi lamang ito sumasalungat sa katuruan ng Bibliya; ang paniniwalang ito ay sumasalungat din sa lohika.
Upang maunawaan na imposible para sa atin na isauli ang ating kaligtasan dapat nating maintindihan ang tatlong bagay: una ang kalikasan ng Diyos, ang kalikasan ng tao, at ang kalikasan ng kaligtasan mismo. Ang Diyos, sa Kanyang kalikasan, ay isang Tagapagligtas. Sa aklat pa lamang ng mga Awit, labing tatlong beses na tinukoy ang Diyos bilang Tagapagligtas ng tao. Ang Diyos lamang ang ating Tagapagligtas; walang ibang makapagliligtas sa atin at hindi natin kayang iligtas ang ating sarili.
"Ako, sa makatuwid baga'y ako, ang Panginoon; at liban sa akin ay walang tagapagligtas." (Isaias 43:11). Hindi kailanman inilarawan sa Kasulatan ang Diyos bilang isang Tagapagligtas na nangangailangan ng tulong sa kaninuman upang isakatuparan ang Kanyang pagliligtas. Ipinakita itong malinaw sa Juan 1:13 kung saan sinasabi na ang pagiging anak ng Diyos ay hindi sa kagagawan o desisyon ng tao kundi desisyon ng Diyos, "Na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Dios." Nagliligtas ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan at kalooban. Walang makahahadlang sa Kanyang kalooban at walang hanggan ang kanyang kapangyarihan (Daniel 4:35).
Ang plano ng Diyos ng pagliligtas ay isinakatuparan ni Hesu Kristo, ang Diyos na nagkatawang tao, na nagtungo dito sa lupa "upang hanapin at iligtas ang naligaw" (Lukas 19:10). Ipinaliwanag na malinaw ni Hesus na hindi tayo ang pumili sa Kanya kundi Siya ang pumili at nagtalaga sa atin upang humayo tayo at magbunga" (Juan 15:16). Ang kaligtasan ay kaloob na walang bayad ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu Kristo. Ang Diyos Ama ang pumili sa Kanyang bibigyan ng buhay na walang hanggan bago pa itinatag ang sanlibutan at nagtalaga sa mga tatatakan ng Banal na Espiritu para sa kaligtasan (Efeso 1:11-14). Pinabubulaanan ng mga katotohanang ito ang ideya na kaya ng tao sa pamamagitan ng kanyang sariling kalooban na pigilan ang plano ng Diyos ng pagliligtas. Hindi itatalaga ng Diyos ang isang tao na tumanggap ng kaligtasan kung mapipigilan din lamang nito ang Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng pagsasauli ng kaligtasan. Ginawang imposible ng walang hanggang kaalaman at pagtatalaga ng Diyos ang ganitong senaryo.
Ang tao ayon sa kalikasan ay makasalanan at hindi humahanap sa Diyos sa anumang paraan. Malibang baguhin ng Espiritu ng Diyos ang kanyang puso, hindi niya hahanapin ang Diyos o magkakaroon man siya ng kakayahang maghanap sa Diyos. Hindi niya kayang maunawan ang Salita ng Diyos. Ang mga taong hindi isinilang na muli ay walang katwiran, walang kabuluhan at mga mandaraya. "Ang kanilang mga paa ay matulin sa pagbububo ng dugo; Kagibaan at kahirapan ang nasa kanilang mga daan; at ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nakilala; walang pagkatakot sa Dios sa harap ng kanilang mga mata" (Roma 3:10-18). Ang ganitong uri ng tao ay walang anumang kakayahang iligtas ang kanyang sarili o makita ang kanyang pangangailangan ng kaligtasan. Pagkatapos lamang na gawin siyang isang bagong nilalang ng Diyos na ang kanyang puso at isip ay magbabago at mauunawaan ang katotohanan at ang mga bagay na espiritwal (1 Corinto2:14; 2 Corinto 5:17).
Ang isang Kristiyano ay isang taong tinubos mula sa kasalanan at dinala ng Diyos sa isang daang patungo sa langit. Siya ay naging isang bagong nilalang at ang kanyang puso ay ibinaling ng Diyos sa Kanya. Wala na ang kanyang dating pagkatao. Ang kanyang bagong pagkatao ay hindi magnanais na ibalik ang kanyang bagong puso para ipagpalit sa kanyang luma at makasalanang puso. Ang konsepto na maaaring ibalik ng Kristiyano ang kanyang kaligtasan sa Diyos ay hindi lohikal at hindi naaayon sa katuruan ng Bibliya.
English
Maaari bang isauli ng isang Kristiyano ang kaligtasan?