settings icon
share icon
Tanong

Maaari bang isilang ang isang tao na mali ang kasarian?

Sagot


Nabubuhay tayo sa isang nalilito at makasalanang mundo, at ang pagkalitong ito ay nasa lahat ng dako anupa’t kahit na ang pang-elementaryang tanong na gaya ng “ano ang aking kasarian?” ay mahirap masagot ng mga tao. May ilan na nagaangkin na isinisilang sila na may maling kasarian, o isinilang sila sa isang maling katawan. Maaaring maniwala ang isang lalaki na siya ay isang babae at ang kanyang kaluluwa ay nakalagay lamang sa katawan ng isang lalaki. Nakatanggap ng suporta ang ganitong mga pangangatwiran mula sa mga nagsusulong ng isang sosyedad na walang kinikilingang kasarian. Pero ang mga taong naniniwala na ang pagkakaiba sa kasarian ay isa lamang label o tawag o tulad lang sa isang kahong binabasag ay aktibong tinatanggihan ang disenyo ng Diyos sa paglikha sa tao.

Pangunahin sa ating pangunawa sa sekswalidad ng tao ay ang katotohanan na lumikha ang Diyos ng dalawa (at dalawa lamang) na kasarian. Sa kasalukuyan, nais ng mundo na ituring ang tao (ayon sa pananaw ng sosyedad) na walang kaugnayan sa kasarian (ayon sa pisikal na sangkap) ngunit hindi gumawa ang Bibliya ng ganitong pagkakaiba. Malinaw na pinapawi ng Bibliya ang pagkalito ng mundo sa simpleng katotohanang: “Sila'y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae” (Genesis 1:27). Lahat na espekulasyon ng makabagong panahon tungkol sa maraming kasarian – maging ng pagpapatuloy ng pagdami ng kasarian ay hindi naaayon sa Bibliya. Maaaring angkinin ng isang indibidwal na siya ay maraming kasarian, ngunit hindi nito napapawalang bisa ang disenyo at layunin ng Diyos sa paglikha sa kanya.

Lumalaki ang mga bata sa nalilitong mundong ito na nakakarinig ng mga mensahe ng kalituhan. Ang maliliit na batang lalaki ay sinasabihan na hindi sila dapat maging lalaki; ang mga batang babae naman ay sinasabihan na maaari silang maging hindi babae. Kung ano ang kanilang nararamdaman sa kanilang sarili ay iyon sila — lalaki, babae, o pinaghalong lalaki at babae. Ang pagkalito ay lalong pinalalala sa maraming kaparaanan: may mga eskwelahan na nagpapatupad ng isang araw na walang kinikilalang kasarian, ang pagbabalewala sa mga salitang gaya ng lalaki at babae sa silid-aralan, ang pagdami ng mga palikuran na parehong para sa babae at lalaki, mga kurikulum na nagsusulong ng pagaasawa sa pagitan ng dalawang taong pareho ang kasarian, at iba pa. Kaya nga, hindi nakakapagtaka na maraming kabataan ang lumalaki na nalilito sa kanilang pagkakakilanlan sa kasarian. Ngunit binalaan tayo ng Diyos laban sa pagdudulot ng kalituhan sa ating mga anak: “Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tiyak na darating ang mga sanhi ng pagkakasala; ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong panggagalingan niyon! Mabuti pa sa kanya ang bitinan sa leeg ng isang gilingang-bato at itapon sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng sinuman sa mga maliliit na ito” (Lukas 17:1–2).

May ilan sa panahon ngayon na “naramdaman na iba ang kanilang kasarian mula pagkabata.” Pero paano ito malalaman ng isang tao? Sa ano nila ikinukumpara ang kanilang nararamdaman? Ang kanilang nararamdaman ang tangi nilang nalalaman, at para sa bawat isang tao, normal para sa kanya ang kanyang nararamdaman. Ang anumang pagkukumpara sa pakiramdam ng iba ay magiging isa lamang pagpapalagay. May ilan na nakumbinsi na “naramdaman na iba ang kanilang kasarian” sa ilang bahagi ng kanilang buhay, ngunit talagang wala silang basehan sa kanilang palagay.

Kung bibigyan ng sapat na panahon para kundisyunin ang pagiisip, kahit sino sa atin ay maaaring makumbinsi na tayo ay may ibang kasarian. Mas madalas, natatawag na iba ang kasarian ng indibidwal dahil sa natural na pagkakaiba sa pagkilos at pagtugon sa mga sitwasyon at nabuo ang konsepto ng indibidwal na iyon ayon sa kanilang sitwasyon mula sa kanilang pagkabata.

Ngunit ang muling paglingon sa kabataan ng isang tao ay malaki ang pagkakaiba sa kagustuhan na maging iba ang kasarian. Maaaring naisin ng isang tao na iba ang kanyang kasarian dahil sa maraming dahilan, ngunit hindi iyon ang internal na katotohanan. Maaaring itanim ng isang magulang ang pagnanais na iyon sa isang bata, o maaaring naobserbahan ng bata ang mga mga pakinabang na tinatamasa ng ibang kasarian at ninais nilang maging gayon. Maaari ding magnasa ang isang bata na tumaas siya ng pitong talampakan, ngunit hindi nito mababago ang katotohanan tungkol sa kanyang taas.

Sinasabi ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang tao na “lalaki” at “babae” at sinabi pagkatapos ng paglikha sa kanila na iyon ay “napakabuti” (Genesis 1:27, 31). Ang plano ng Diyos ay perpekto, ngunit gaya ng lahat ng aspeto ng kalagayan ng tao, ang pagiging perpekto ng tao ay nadungisan ng kasalanan. Negatibong naapektuhan ng kasalanan ang buong sangnilikha, at hindi lamang nito naapektuhan ang relasyon ng tao sa Diyos, kundi ang relasyon niya sa kanyang kapwa at ang mga epekto ng kasalanan ay lumaganap sa lahat ng bagay. Ang mga sakit, mga depekto sa bata pagsilang, mga natural na kalamidad, makasalanang mga gawain, at ang mga negatibong resulta ng kasalanan ng iba at ng ating sariling kasalanan ay maaaring balikan sa pagbagsak ni Adan sa kasalanan. Minsan, ang mga negatibong epektong ito ay dumarating sa anyo ng mga natural na anomalya, minsan naman ay matutukoy ang kanilang pinagmulan sa isang partikular na kasalanan. Maaari bang mangyari din ang isang anomalya sa kasarian, sa pisikal at sa isip? Kinikilala natin na ang isang tao ay maaaring isilang na may kumbinasyon ng lalaki at babaeng sangkap ng katawan—bagama’t ang tunay at likas na kasarian ay maaaring malaman sa pamamagitan ng pagsusuring medikal.

Alam natin na tayo ay nasa isang espiritwal na labanan para sa ating mga kauluwa. Ninanais ng mundo na hubugin tayo ayon sa hugis nito na siyang dahilan kung bakit kailangan nating magbago sa pamamagitan ng pagpapanibago ng ating mga pagiisip (Roma 12:1–2). Sinusubukan ni Satanas na dayain tayo at himukin tayo na kwestyunin ang plano ng Diyos. Ang isa sa mga pakana ni Satanas ay huwag tayong bigyan ng kasiyahan sa kung paano tayo nilikha ng Diyos. Sa ilan ay kanyang ibinubulong, “tanga ka at mahina.” At sa iba ay kanyang sinasabi, “mukha kang lalaki, pero ang totoo ay isa kang babae.” Sa bawat pagkakataon, pareho ang nakapaloob na mensahe: “Nagkamali ang Diyos sa paglikha sa iyo.”

Alam din natin na ang buong sangnilikha ay humihibik para sa pagpapalaya dito mula sa sumpa at pinsala ng kasalanan (Roma 8:20–22). Ang pagkasira na dala ng kasalanan ay sinolusyunan sa pamamagitan ng pagtubos ni Cristo. Sa pamamagitan ng kaligtasan, ipinagkakaloob ni Cristo ang kapatawaran ng kasalanan, at binaliktad ang epekto ng ating mga maling desisyon, at Siya ang nagbayad para sa ating kasiraan.

Humaharap ang bawat isa sa atin sa mga labanan. Ngunit inihanda ni Cristo ang ating daan para sa tagumpay. Sinasabi sa Hebreo 12:1–2, “Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, tanggalin natin ang anumang balakid at ang kasalanang kumakapit sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa takbuhing nasa ating harapan. Ituon natin ang ating paningin kay Jesus. Sa kanya nakasalalay ang ating pananampalataya mula simula hanggang katapusan. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya inalintana ang kahihiyan ng pagkamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.” Ang krus ang susi. Si Jesus ang nagpasimula sa ating pananampalataya, at gaganapin Niya ito. Mapapasaatin ding tiyak ang Kanyang tagumpay.

May ilan na nilalabanan ang mga tukso ng pagkakaroon ng pagnanasa sa kapareho ang kasarian, nilalabanan ang tukso ng kasakiman, pagmamataas, pagkagalit, o anumang kasalanan. May iba naman na nalilito sa kanyang kasarian. Anuman ang pakikipaglaban sa kasalanan at sa kasinungalingan ng diyablo, ang tanong na dapat sagutin ay ito: Hindi ba sapat ang gawain ng pagtubos ni Cristo para sa ating pakikipaglaban?” Ganap na inangkin ni Jesus na ang kanyang pagtubos at sapat sa anuman at sa lahat ng ating pakikibaka at ninanais Niya na tayo ay pabanalin sa pamamagitan ng Kanyang Salita ng katotohanan (Juan 17:17).

Bilang mga anak ng Diyos, dapat tayong makuntento sa buhay na ito (Filipos 4:11; 2 Corinto 12:10). Alam natin ma mayroon tayong mga limitasyon, sa pisikal, mental, emosyonal, at espiritwal. Ngunit sa pamamagitan ni Cristo, ang mga limitasyong ito ay hindi makahahadlang sa plano ng Diyos para sa atin na parangalan at paglingkuran Siya. “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian” (Lukas 12:32).

Kung nararamdaman ng isang tao na siya ay isinilang na may maling kasarian. Ang sagot ay hindi ang pagpapaopera para palitan ang kasarian, hormone therapy, pagdadamit ng damit babae o lalaki at iba pa. Ito ay simpleng mga pamamaraan ng mundo sa pakikinig at pagsunod sa kasinungalingan ni Satanas. “Hindi natutuwa ang pag-ibig sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan” (1 Corinto 13:6). At hindi nagkakamali ang Diyos. Ang sinumang nakakaramdam na siya ay isinilang na may maling pangangailangan ng katawan, una at higit sa lahat, ay dapat makaranas ng kapangyarihan ni Cristo na bumabago ng buhay. Kung nakikibahagi tayo “sa Kanyang kalikasan,” matatakasan natin ang “kabulukan ng mundong ito na bunga ng masasamang pagnanasa” (2 Pedro 1:4).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Maaari bang isilang ang isang tao na mali ang kasarian?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries