settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na isip ang nagpapatalas sa kapwa isipan?

Sagot


Ang parirala na ang “isip ang nagpapatalas sa kapwa isipan” ay makikita sa Kawikaan 27:17: “Bakal ang nagpapatalim sa kapwa bakal at isip ang nagpapatalas sa kapwa isipan.” May pakinabang sa isa’t isa ang pagkikiskis ng dalawang bakal sa isa’t isa. Pinatatalas nito ang isang kutsilyo upang mas maging mabisa sa paghiwa o pagputol. Gayundin naman, ang salita ng Diyos ay tulad sa “tabak na tigkabila’y talim” (Hebreo 4:12), at sa pamamagitan nito, mapapatalas natin ang isa’t isa sa mga panahon ng pakikisama natin sa isa’t isa, sa mga pagpupulong at anumang interaksyon sa bawa’t isa.

Ipinapahiwatig din ng Kawikaan ang pangangailangan ng pakikisama sa isa’t isa. Hindi ginawa ang tao para mag-isa. Hindi ba’t ito ang sinabi ng Diyos bago bumagsak ang tao sa kasalanan (Genesis 2:18)? Gaano pa kaya natin kailangan ang isa’t isa pagkatapos na bumagsak ang tao sa kasalanan upang magsama sama bilang magkakapatid sa pananalangin at mga gawaing Kristiyano. Maliinaw na kinilala ng unang Iglesya ang pangangailangang ito (Gawa 2:42-47) kaya inilaan nila ang kanilang sarili sa pag-aaral ng Salita ng Diyos, sa pakikisama sa isa’t isa at sa pananalangin – mga pangkalahatang gawain ng Iglesya na nagbibigay ng pagkakataon para sa pagpapatalas ng isa’t isa. Ang resulta, “naghari sa lahat ang takot” at sa tuwing sila’y nagsasama sama, pinupuri nila ang Diyos kinalulugdan sila ng lahat ng tao.

May dalawang katotohanan na makikita sa kawikaang ito. Una, ang pagtatagpo ng kapatiran sa pangalan ng Panginoon ay laging naggagarantiya sa pagpapala ng Diyos. Ito ang kasangkapan para sa pagkakaloob ng biyaya ng Diyos na ipinangako mismo ng Panginoong Hesus na kung saan nagkakatipon ang dalawa dahil sa Kanyang pangalan ay naroroon Siya sa kanilang kalagitnaan (Mateo 18:20). Gayundin naman, makikita din natin ang parehong kaisipan sa Aklat ni Malakias ng kanyang isulat na ang mga natatakot sa Panginoon ay nakikipagusap sa bawat isa at nakikinig naman at tumutugon sa kanila ang Panginoon (Malakias 3:16). Kung pinatatalas natin ang isa’t isa sa pakikisamang Kristiyano, nakikinig ang Diyos mula sa langit at nalulugod Siya sa atin. Walang kahit isang salita na lumuluwalhati sa Kanyang pangalan ang makakatakas sa Kanyang pansin.

Ang samyo ng pagkakaisang galing sa Diyos ay makikita sa relasyon sa pagitan ni David at Jonathan na anak ni Saul. Nang tugisin ni Saul si David upang patayin, tinulungan ni Jonathan si David upang “makahanap ng kalakasan sa Diyos” (1 Samuel 23:16), na magdadala sa atin sa pangalawang katotohanan. Ang pagpapatalas ng bakal sa kapwa bakal ay isang oportunidad upang ganapin ang utos ni Kristo. Sinabi ni Apostol Pablo na dapat tayong magtulungan sa pagdadala ng pasanin ng bawat isa, makitangis sa mga nagkasala, magpayo sa isa’t isa kung paano makakapagsisi at makigalak sa mga nagtatagumpay sa kasalanan. Ito ay katulad ng “maharlikang kautusan” na binanggit sa Santiago 2:8, kung saan pinayuhan tayo na magibigan sa isa’t isa.

Kung babalikan ang paghahalintulad, kung mapurol ang isang kutsilyo, mananatili itong isang kutsilyo bagama’t hindi ito magiging epektibo at mas kagamit gamit. Kaya nga dapat magpalakasan sa isa’t isa at maggugol ng panahon na magkasama, na nagtuturuan, nagpapalitan ng payo, nananalangin para sa bawat isa at sa pangangailangan ng Iglesya, nagbabahaginan ng Salita ng Diyos, at nagpapalakasan sa isa’t isa sa pamamagitan ng Salita ng Diyos upang mas maging epektibo tayo sa ministeryo na ipinagkaloob Niya sa bawat isa sa atin. Madalas na ang ating mga pagsasama-sama sa Iglesya ay nakasentro sa kasiyahan at pagkain, hindi sa pagpapatalas ng isa’t isa sa pamamagitan ng Salita ng Diyos.

Sa huli, ang isang kutsilyo na pinatalas ay magniningning ng higit sa isang kutsilyong mapurol dahil nakiskis ang talim nito. Gayundin naman, mas magliliwanag tayo para sa Panginoon kung ginagawa natin sa tuwina ang mga bagay na nabanggit sa itaas, mga bagay na mabibigay sa atin ng pagkakaisa. “Masdan ninyo, na pagkabuti at pagkaligaya sa mga magkakapatid na magsitahang magkakasama sa pagkakaisa” (Awit 133:1). Kaya nga gaya ng sinabi ng manunulat ng aklat ng Hebreo, “At tayo’y mangagtinginan upang tayo’y mangaudyok sa pagiibigan at mabubuting gawa; na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa’t isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw”(Hebreo 10:24-25).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na isip ang nagpapatalas sa kapwa isipan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries