settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Israelology o Israelolohiya?

Sagot


Ang Israelology o Israelolohiya ay isang aspeto ng pagaaral sa teolohiya na partikular na nakatuon sa itinuturo ng Bibliya tuningkol sa bansang Israel. Ang pangunahing may-akda ng pananaw na ito sa mga nakaraang taon ay si Arnold Fruchtenbaum, Ph.D., ang tagapagtatag ng Ariel Ministries. Ang kanyang pangunahing layunin ay ipakita kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa kabuuan patungkol sa lupain ng Israel at sa mga Israelita bilang isang grupo ng tao. Partikular na tinatanggihan ni Dr. Fruchtenbaum ang teolohiya ng pagpapalit o replacement theology (ang paniniwala na pinalitan na ng iglesya ang Israel sa programa ng Diyos). Sinasabi ni Dr. Fruchtenbaum na tanging ang dispensasyonalismo (dispensationalism) lamang at “ang malinaw nitong pagtuturo tungkol sa pagkakaiba ng Israel at ng Iglesya, ang makapagbibigay ng isang tunay na sistematikong doktrina ng Bibliya patungkol sa Israel.”

Laging niyayakap ng mga nanghahawak sa katuruan ng dispensasyonalismo ang mga aklat ni Fruchtenbaum at lagi naman itong tinatanggihan sa pangkalahatan ng mga naniniwala sa amilenyalismo (ang pananaw na walang literal na isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa ). Gayunman, nagaalok ang pagaaral ng Israelology ng maraming katotohanan at Biblikal na pananaw para sa lahat ng mananampalataya. Halimbawa, ipinapakita ng Israelology kung paanong parehong may papel na ginagampanan ang Iglesya at Israel sa kasalukuyan. Ang Iglesya ay tinawag, gaya ng mga unang apostol at Kristiyano, upang ibahagi ang mensahe ng Ebanghelyo sa mga Hudyo bilang isa sa maraming bansa na kailangang makarinig ng ebanghelyo ayon sa Dakilang Utos (Mateo 28:18-20).

Gayundin, ang ating pananaw sa Israel ang magbibigay sa atin ng tamang kaalaman tungkol sa Kautusan ni Moises sa Lumang Tipan. Sinusuri ng Israelology kung paanong pinakitunguhan ng unang Iglesya ang mga gawaing panrelihiyon ng Judaismo at isinulong ang pagbabasa at pagaaral ng mga Kasulatan ng Lumang Tipan.

Ang huli at isang mahalagang resulta ng pagaaral ng Israelology ay ang pagkakaroon ng malalim na paggalang para sa mga Hudyo o Israelita sa kasalukuyan. Ang paglago ng anti-semitismo o pagkagalit sa mga Hudyo sa maraming bahagi ng mundo ang laging dahilan sa pagkakaroon ng negatibong pagtingin ng mga bansa sa bansang Israel. Gayunman, ang tama at Biblikal na pagaaral sa sinasabi ng Bibliya patungkol sa Israel ang magpapakita ng mataas na pagtingin ng Diyos sa Israel at sa hinaharap nito. Tinawag ng Diyos ang mga Kristiyano na magpakita ng pag-ibig sa Israel bilang isang bansa at manalangin para sa kanila (Awit 122:6).

Ang Israelology ay isang pagaaral na kalimitang hindi binibigyang pansin ng mga Kristiyano, maaaring dahilan sa mga paunang kaalaman tungkol sa mangyayari sa hinaharap o teolohiya ng pagpalit (replacement theology). Gayunman, inaanyayahan ang lahat na Kristiyano na magaral ng Salita ng Diyos upang maging mga mananampalatayang subok at karapatdapat sa Diyos (2 Timoteo 2:15). Dapat na kasama sa ating pagaaral ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa lahi ni Abraham at sa lupaing ipinangako sa kanila ng Diyos (Genesis 12:1-3). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Israelology o Israelolohiya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries