settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng mga salitang "ituro sa bata ang daang dapat lakaran?

Sagot


Ang payo ni Solomon sa mga magulang ay "Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki'y di niya ito malilimutan" (Kawikaan 22:6). Ang pagpapalaki at pagtuturo sa isang bata sa konteksto ng kawikaang ito ay nangangahulugan na nagsisimula ang pagtuturo sa Bibliya dahil, "Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay" (2 Timoteo 3:16). Ang pagtuturo sa mga bata ng katotohanan ng Kasulatan ay magbibigay sa kanila ng karunungan tungo sa kaligtasan (2 Timoteo 3:15); maghahanda sa kanila sa lahat ng mabubuting gawain (2 Timoteo 3:17); maghahanda sa kanila na sumagot sa sinumang humihingi ng paliwanag tungkol sa pag-asang nasa kanila (1 Pedro 3:15); at maghahanda sa kanila para labanan ang impluwensya ng kultura na nagtuturo sa mga kabataan ng makamundong pagpapahalaga.

Itinuturo sa atin ng Bibliya na isang biyayang kaloob ng Diyos ang mga anak (Awit 127:3). Kaya nga nararapat na dinggin natin ang matalinong payo ni Solomon na hubugin sila sa tamang pamamaraan. Sa katunayan, malinaw na itinuro ni Moises sa mga Israelita ang kahalagahan ng pagtuturo sa mga bata ng mga bagay tungkol sa Panginoon at sa Kanyang mga tagubulin at mga Kautusan: "Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga. Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, itali sa inyong noo, isulat sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at mga tarangkahan" (Deuteronomio 6:7-9). Binibigyang diin ng seryosong pagtuturo ni Moises ang kanyang malalim na pagmamalasakit na ipagpatuloy ng mga susunod na henerasyon ang pagsunod sa mga Kautusan ng Diyos upang tiyakin na "mabubuhay silang ligtas sa lupain" (Levitico 25:18), magiging maayos sa kanila ang lahat (Deuteronomio 12:28), at sasakanila ang pagpapala ng Diyos (Deuteronomio 30:16).

Malinaw na itinuturo ng Kasulatan na ang pagsasanay sa mga bata upang kanilang makilala at masunod ang Diyos ay ang basehan ng pagbibigay sa Kanya ng kaluguran at ng pamumuhay ng matagumpay sa Kanyang biyaya. Naguumpisa ang pagkakilala sa Diyos at sa kanyang katotohanan sa pangunawa ng bata sa kasalanan at sa kanyang pangangailangan ng isang Tagapagligtas. Nauunawaan kahit ng maliliit na bata na hindi sila perpekto at naiintindihan nila sa kanilang murang isipan ang pangangailangan nila ng kapatawaran. Ipinapaunawa ng mga mapagmahal na magulang sa pamamagitan ng kanilang pamumuhay na hindi lamang nagpapatawad ang Diyos kundi nagkaloob din Siya ng perpektong handog para sa kasalanan sa pamamagitan ni Jesu Cristo. Nangangahulugan ang pagtuturo sa bata ng "daang dapat nilang lakaran" una at higit sa lahat ng pagtuturo sa kanila ng tungkol sa Tagapagligtas.

Isang mahalagang sangkap sa pagpapalaki ng makadiyos na mga anak ang pagdidisiplina dahil alam natin na "dinidisiplina ng Panginoon ang Kanyang iniibig" (Kawikaan 3:12). Kaya nga hindi natin dapat na ipagwalang bahala ang pagdidisiplina o manghina man ang ating loob dahil, "pinapalo Niya ang itinuturing niyang anak" (Hebreo 12:5-6). At nalalaman natin na ang pagdidisplina sa atin ng Diyos ay para sa ating ikabubuti upang makabahagi tayo sa Kanyang kabanalan (Hebreo 12:10). Gayundin naman, sa tuwing dinidisiplina natin ang ating mga anak, nagkakaroon sila ng karunungan (Kawikaan 29:15) at nagdudulot ito sa atin ng kapayapaan (Kawikaan 29:17) at ng kanilang paggalang (Hebreo 12:9). Sa katunayan, kahit na sa kanilang murang edad, alam ng mga bata na ang pagdidisiplina ng magulang ay naguugat sa pag-ibig. Ito ang dahilan kung bakit ang mga batang lumaki sa mga tahanang walang disiplina ay laging nakakadama ng kawalan ng pag-ibig ng mga magulang at malamang na sumuway sa mga awtoridad sa kanilang paglaki. Tandaan na ang ipapatupad na disiplina ay dapat na nababagay sa kasalanang nagawa. Ang pisikal na pagdidisiplina gaya ng pagpalo (ng may tamang motibo), ay pinahihintulutan ng Bibliya (Kawikaan 13:24, 22:15, 23:13-14). Tunay na bagama't tila hindi maganda ang pagdidisiplina sa tumatanggap, magdudulot naman ito ng "kapayapaang bunga ng pagsasanay sa matuwid na pamumuhay" (Hebreo 12:11).

Dapat na may parehong sigasig ang magasawa sa pagtuturo sa kanilang mga anak. Binigyan ng Diyos ang mga magulang ng pribilehiyo ng pagiging katiwala ng buhay ng kanilang mga anak sa loob ng maiksing panahon, ngunit ang bunga ng kanilang pagpapalaki at pagdidisiplina ay pangwalang hanggan. Ayon sa prinsipyo ng Kawikaan, ang isang batang "naturuan ng daang dapat niyang lakaran" ay malamang na mananatiling sa pamamaraan ng pamumuhay na itinuro sa kanya at magbubunga ito para sa kanya ng gantimpala sa buhay dito sa lupa at buhay sa kabila.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng mga salitang "ituro sa bata ang daang dapat lakaran?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries