Tanong
Ano ang ibig sabihin ng iwan ang katawan?
Sagot
Ang pariralang “iwan ang katawan” ay makikita sa 2 Corinto 5:6-8. Sinasabi ni Pablo na tiyak niya ang kanyang hantungan sa walang hanggan at nananabik siya sa araw kung kailan niya iiwan ang kanyang katawan at mananahan sa piling ng Panginoon na kanyang labis na minamahal. Ang pariralang “iwan ang katawan” ay simpleng nangangahulugan ng kamatayan dahil sa oras ng kamatayan, hihiwalay ang espiritu mula sa katawan at tutungo sa walang hanggang tahanan — alinman sa langit kasama ang Panginoon o sa impiyerno kung saan ang tao ay mahihiwalay sa grasya ng Diyos magpakailanman.
Gayundin naman, lagi ring kumpyansa ang mga Kristiyano na nalalaman na habang tayo ay nasa katawang lupa pa, tayo ay wala pa sa piling ng Panginoon sa langit dahil nabubuhay tayo sa pananampalataya hindi sa mga bagay na nakikita. Nakatitiyak tayo na mas nasisiyahan tayong iwanan ang ating mga katawang lupa at makasama ang Panginoon. Kapag namatay ang isang isinilang na muling mananampalataya, ang kanyang kaluluwa ay magtutungo sa langit sa piling ng Panginoon. Doon, maghihintay ang kanyang kaluluwa ng muling pagkabuhay ng kanyang katawan sa isang maluwalhating kalagayan. Isinulat ni Pablo sa iglesya sa Filipos habang nakakulong sa isang bilangguan sa Roma:
“Sapagkat para sa akin, ang buhay ay para kay Cristo at ang kamatayan ay pakinabang. Kung ako'y mananatiling buháy, ito'y kapaki-pakinabang sapagkat marami pa akong magagawang mabubuting bagay. Hindi ko ngayon malaman kung alin ang aking pipiliin. May pagtatalo sa loob ko; nais ko nang pumanaw sa mundong ito upang makapiling ni Cristo, sapagkat ito ang lalong mabuti. Ngunit alang-alang sa inyo, mas kailangan pang manatili ako sa buhay na ito” (Filipos1:21-24).
Ang ninanais ni Pablo sa buhay ay luwalhatiin ang Panginoong Jesu-Cristo. Kung siya’y mabubuhay, maaari siyang magpatuloy sa kanyang paglilingkod sa Panginoon. Kung siya’y mamamatay, iiwan niya ang kanyang buhay sa lupa at pupunta sa piling ni Cristo. Ninais niya na makasama ang Kanyang Tagapagligtas, ngunit pinili niyang manatili sa mundo para magpatuloy sa kanyang paglilingkod sa iba.
May ilang naniniwala sa pagtulog ng kaluluwa na nangangahulugan na kung mamatay ang isang tao, ang kanyang katawan at kaluluwa ay matutulog sa libingan at maghihintay sa muling pagkabuhay. Ngunit kung totoo ito, bakit hindi ninais ni Pablo na mabuhay pa para makapaglingkod ng mas mahabang panahon sa halip na matulog sa libingan? At kung totoo na hindi naghihiwalay ang kaluluwa at espiritu, imposible na iwan ang katawan at manahan sa piling ng Panginoon.
Tunay na ng mga mananampalataya na namatay ay iniwan na ang kanilang mga piskial na katawan at nasa piling na ng Panginoon sa isang walang kapantay na kaligayahan habang naghihintay sa dakilang araw ng pagkabuhay na mag-uli ng kanilang mga katawan!
English
Ano ang ibig sabihin ng iwan ang katawan?