settings icon
share icon
Tanong

Paano babalansehin ang ‘pagiwan’ at ‘pakikipisan sa asawa’ sa ‘paggalang sa mga magulang?

Sagot


Ang mga Kristiyanong magulang at ang kanilang mga anak na may asawa ay maaaring parehong mahirapan sa pagbabalanse sa konsepto ng “pagiwan sa magulang at “pakikipisan sa asawa” at “paggalang sa mga magulang.” Narito ang ilang mga talata sa Bibliya patungkol sa paksang ito:

“Kaya't iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila'y magiging isang laman” (Genesis 2:24).

“Mga anak, magsitalima kayo sa inyong mga magulang sa Panginoon: sapagka't ito'y matuwid” (Efeso 6:1).

“Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios” (Exodo 20:12).

May tatlong aspeto ang pahayag sa Genesis 2:24: 1. Pagiwan – Nangangahulugan ito na may dalawang uri ng relasyon sa isang pamilya. Ang ‘relasyon ng magulang sa anak’ ay panandalian lamang at darating ang panahon ng ‘pagiwan.’ Ang ‘relasyon ng magasawa’ ay permanente - “Kaya nga hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao” (Mateo 19:6). Nagkakaroon ng problema sa pamilya kung ang dalawang papel na ito ay nababaliktad at ang relasyon ng magulang sa anak ay itinuturing na pangunahing relasyon. Kung ang isang matandang anak ay magasawa at nananatiling pangunahin ang relasyon ng magulang sa anak, nalalagay sa alanganin ang bagong pagsasama.

2. Pakikisama – Ang salitang Hebreo na isinalin sa salitang ‘pakikisama’ ay nangangahulugan na (1) ‘paghahabol sa isang tao’ at (2) ‘pananatili sa isang bagay o isang tao.’ Kaya nga ang isang lalaki ay maghahabol lagi sa kanyang asawa pagkatapos ng kasal (hindi natatapos ang panliligaw sa pagharap sa altar) at ‘mananatili’ sa kanyang asawa. Ang pakikisamang ito ay naglalarawan ng malapit na relasyon sa pagitan ng magasawa. Hindi ito tulad sa relasyon sa isang kaibigan o kahit na sa isang magulang.

3. At sila'y magiging isang laman – Pinagsasama ng pagaasawa ang dalawang indibidwal at nililikha ang isang panibagong institusyon. Magkakaroon ng pagbabahaginan at pagkakaisa sa lahat ng aspeto (pisikal, emosyonal, intelektwal, pinansyal, sosyal) ng buhay ng magasawa kaya’t ang panibagong pagsasama ay inilarawan na “isang laman.” Muli, kung may mas higit na pagbabahaginan mula sa relasyon ng magulang sa anak kaysa sa relasyon ng magasawa sa isa’t isa, ang pagkakaisa sa institusyon ng pagaasawa ay maaapektuhan at magreresulta sa isang hindi balanse at isang pagsasamang hindi ayon sa katuruan ng Bibliya.

Tangi sa tatlong aspetong ito na makikita sa Genesis 2:24, may mga paalala din sa Bibliya tungkol sa paggalang sa mga magulang. Kasama dito ang pagtrato sa kanila ng may buong paggalang (Kawikaan 30:11, 17), pagsunod sa kanilang mga utos na ayon sa Kasulatan (“sa Panginoon” Efeso 6:1), at pagaalaga sa kanila sa kanilang katandaan (Markos 7:10-12; 1 Timoteo 5:4-8).

Kung ang panghihimasok ng magulang ay nakakasagabal sa ‘pagiwan’ dahil itinuturing na pangunahin ang relasyon ng magulang sa anak (at hinihingi ang katatapatan, pagsunod, pag-asa sa magulang na higit sa pakikisama sa asawa) dapat itong tanggihan ng may paggalang at higit na pahalagahan ang kagustuhan ng asawa. Gayunman, kung totoong may malubhang pangangailangan ang matandang magulang (maging ito man ay sa pisikal o emosyonal na hindi naman makakaapekto sa pagsasama ng magasawa), dapat na katagpuin ng anak ang mga pangangailangang ito kahit na hindi gusto ng asawa ang kanyang biyenan. Ang pag-ibig sa magulang na nasa katandaan na ay naaayon sa Bibliya at ipinagkakaloob base sa desisyon na ibigin sila hindi base sa pakiramdam.

Ang balanse sa pagitan ng utos ng Bibliya na “pagiwan” at “pakikipisan” sa asawa ay kahalintulad sa balanse sa pagitan ng utos na magpasakop sa mga pinuno ng pamahalaan (Roma 13) at ang pagsuway ng mga apostol sa prinsipyong ito ng hingin ng kinauukulan na lumabag sila sa Kautusan ng Diyos. Sa aklat ng mga Gawa 4:5-20, tinanggihan ng mga apostol ang awtoridad ng mga pinunong Hudyo ng pagbawalan sila ng mga ito na mangaral ng Ebanghelyo dahil sa kanilang pagsunod sa utos ng Diyos, ngunit ginawa ito ng mga apotsol sa isang mapitagang pamamaraan. Gayundin naman, sinabi ni Hesus na dapat nating igalang ang ating mga magulang ngunit ang relasyon natin sa kanila ay pangalawa lamang sa ating relasyon kay Kristo (Lukas 14:26). Kung sinusuway ng mga magulang ang prinsipyo sa Genesis 2:24, dapat natin silang tanggihan ng may buong paggalang. Gayunman, dapat na pansamantalang isantabi ang kagustuhan ng asawa kung hindi siya pumapayag na maglaan ng panahon, lakas at pananalapi na kinakailangan upang matugunan ang mga pangangailangan ng isang magulang na matanda na. Dapat na isaalang alang din naman ang pagkakaiba sa tunay na pangangailangang pisikal at emosyonal sa simpleng kapritso lamang ng isang magulang.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano babalansehin ang ‘pagiwan’ at ‘pakikipisan sa asawa’ sa ‘paggalang sa mga magulang?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries