settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Jacob?

Sagot


Nagsimula ang buhay ni Jacob sa pakikipaglaban. Bilang kambal sa tiyan ng kanilang ina kasama si Esau, nakipaglaban siya para sa posisyon at isinilang na hawak-hawak ang sakong ng kanyang kapatid. Ang pangalang Jacob ay nangangahulugang "siya'y nadaya o mandaraya" (Genesis 25:26). Nang tanungin ni Rebecca na kanilang ina sa Diyos kung ano ang nangyayari sa kanyang sinapupunan, sinabi sa kanya ng Diyos na may dalawang bansa sa kanyang sinapupunan na maghihiwalay. Ang isa ay magiging mas malakas kaysa sa isa at ang panganay ay maglilingkod sa bunso (Genesis 25:23).

Lumaking magkasama sina Jacob at Esau habang nagpapalipat-lipat ng tirahan ang kanilang mga magulang. Naging isang mahusay na mangangaso si Esau at halos sa parang na tumitira habang si Jacob naman ay "tahimik at lagi sa bahay" (Genesis 25:27). Si Esau, bilang isang mangangaso, ang paborito ng kanyang amang si Isaac dahil gustong gusto ni Isaac ang mga hayop na dinadala nito sa kanya, samantalang si Jacob naman ang paborito ng kanilang ina (Genesis 25:28). Ang mapaminsalang pagtatanging ito ang magaganap sa pamilya ni Jacob sa mga susunod na henerasyon, na siyang naganap kay Jose na anak ni Jacob. Ang pagtatangi ni Jacob kay Jose ang naging dahilan ng pagkagalit ng ibang mga anak ni Jacob kay Jose na muntik ng kumitil sa buhay nito.

Nang matanda na si Isaac at malabo na ang mga mata, naisip niya na malapit na siyang mamatay kaya ipinatawag niya si Esau para basbasan at ipasa dito ang mga pagpapala ng Diyos bilang kanyang panganay na anak na lalaki (Genesis 27:1-4). Nang marinig ito, nagplano si Rebecca para dayain si Isaac at si Jacob ang pagpalain nito sa halip na si Esau. Kaya nga si Jacob ang tumanggap ng basbas ni Isaac sa halip na si Esau. Sumumpa si Esau na kanyang papatayin si Jacob pagkatapos ng kanilang pagluluksa kapag namatay na ang kanilang ama (Genesis 27:41). Ngunit hindi agad namatay si Isaac, sa halip nadagdagan pa ang buhay nito ng kulang-kulang sa dalawampung taon (Genesis 35:27–29).

Gayunman, alam ni Rebecca ang plano ni Esau kaya binalaan niya si Jacob. Sinabi din ni Rebecca kay Isaac na dapat na humanap si Jacob ng mapapangasawa mula sa kanilang mga kamag-anak kaya ipinadala ni Isaac si Jacob sa tiyuhin nitong si Laban na nakatira sa kanyang lupang sinilangan sa Haran (Genesis 27:43). Habang naglalakbay si Jacob, nagkaroon siya ng isang panaginip kung saan nakita niya ang isang hagdan patungo sa langit at nasa itaas nito ang Diyos habang nagmamanhik-manaog ang mga anghel. Ang pangitaing ito ay masasalamin sa mga pananalita ng alagad ni Jesus na si Natanael (Juan 1:51). Binigyan ng Diyos si Jacob ng katiyakan ng Kanyang presensya at inulit kay Jacob ang pangakong ibinigay Niya kay Abraham (Genesis 28:13-15). Bilang resulta ng karanasang ito, binigyan ni Jacob ng bagong pangalan ang lugar na iyon at tinawag iyong "Bethel," na ang ibig sabihin ay "bahay ng Diyos," at nangako siya na maglilingkod sa Diyos.

Nang manirahan si Jacob sa Haran, inalok siya ng kanyang tiyuhing si Laban ng kabayaran para sa kanyang pagatarabaho bilang pastol. Ang hiningi ni Jacob na kabayaran para sa kanyang pagtatrabaho ay ang isang anak ni laban na si Racquel kapalit ng pitong taong pagtatrabaho dahil iniibig niya ito. Gayunman, natuklasan ni Jacob na katulad niya, isa ring mandaraya ang kanyang tiyuhing si Jacob. Noong gabing ikasal si Jacob, pinalitan ni Laban si Racquel ng kanyang panganay na anak na babae na ang pangalan ay Leah (Genesis 29:23-25). Gayunman, pumayag si Laban na ibibigay niya kay Jacob si Racquel kung tuluyan nitong pakakasalan si Leah at maglilingkod sa kanyang muli ng dagdag na pitong taon. Pumayag si Jacob sa plano. Habang nanatili ang dalawng babae bilang mga asawa ni Jacob, mas minahal ni Jacob si Racquel kaysa kay Leah (Genesis 29:30), at ito ang ugat ng patuloy na problema sa kanilang pamilya.

Habang nananatiling baog si Racquel, isinilang ni Leah ang panganay ni Jacob na si Ruben. Pagkatapos, sinundan si Ruben ng iba pang mga anak na lalaki mula kay Leah, Racquel at sa kanilang mga alipin. Ang mga anak na lalaking ito ang pinagmulan ng labindalawang lipi ng Israel. Pagkatapos na isilang ni Racquel si Jose, ang pang labing-isang anak ni Jacob, hiniling ni Jacob kay Laban na pauwiin na siya sa kanyang lupang sinilangan. Sinabihan ni laban si Jacob na manatili sa kanya at sabihin nito kung ano ang gusto nitong kabayaran, Hiniling lamang ni Jacob na mapasakanya ang lahat ng mga tupa at kambing na isisilang ng may batik mula sa lahat ng kawan ni laban na kanyang inaalagaan. Hindi malinaw kung paano nangyari, ngunit naglagay si Jacob ng mga sanga ng puno na may batik sa harapan ng mga hayop habang nagaasawahan ang mga ito at ang isinilang ng mga ito ay may mga batik na maaaring angkinin ni Jacob para sa kanyang sarili. Ginawa ito ni Jacob para lamang sa malalakas na hayop anupa't ang kanyang kawan ay mas naging malakas kaysa sa kawan ni Laban (Genesis 30:31–43). Napansin ni Jacob na nag-iba ang pakikitungo sa kanya ni Laban at ng mga anak nito. Sa puntong ito, inutusan ng Diyos si Jacob na bumalik sa bahay ng kanyang ama at sinamahan ang utos na ito ng isang pangako, "At sasamahan kita" (Genesis 31:3). Umalis si Jacob sa Haran at isinama ang kanyang mga asawa at mga anak at ang kanyang makapal na kawan. Nang malaman ni Laban na umalis si Jacob, hinabol niya ito. Ngunit sinabi ng Diyos kay Laban sa isang panaginip " Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man" (Genesis 31:24). Tinanong ni Laban si Jacob kung bakit ito umalis ng palihim at sinabing maaari niyang saktan ito kung hindi dahil sa babala ng Diyos. Inakusahan din ni Laban si Jacob ng pagnanakaw ng kanyang mga diyus-diyusan. Sa pagpapatuloy ng pandaraya, lingid sa kaalaman ni Jacob, itinago ni Racquel ang mga diyus-diyusan ng kanyang ama. Sa huli, naghiwalay din ang grupo nina Laban at Jacob pagkatapos ng magsumpaan na hindi nila sasalakayin ang lupain ng isa't isa.

Ang sunod na haharapin ni Jacob ay ang kanyang kapatid na si Esau.Bagama't 20 taon na ang lumipas ng huli nilang makita ang sa't isa, ang ala-ala ng banta ni Esau na papatayin siya nito ay sariwa pa rin sa isip ni Jacob (Genesis 32:11). Nagpadala si Jacob kay Esau ng mga mensahero na may dalang mga regalo at sinabihan sila na sabihin kay Esau ang kanyang pakay. Nagbalik ang kanyang mga mensahero at sinabi kay Jacob na sasalubungin sila ni Esau kasama ang 400 na katao. Dahil sa takot na baka sasalubungin sila nI Esau para patayin, hinati ni Jacob ang kanyang pamilya sa dalawang grupo sa pag-asang makakatakas ang isang grupo kung aatake si Esau. Dumalangin si Jacob sa Diyos para sa kanilang kaligtasan at ipinaalala sa Diyos na pinabalik Siya nito sa lupain ni Abraham at ang pangako Niya na pagpapalain niya at pararamihin ang kanyang angkan (Genesis 32:9–12). Pumili si Jacob ng mas maraming regalo para kay Esau na kanyang ipinadalang una dala ng mga alipin sa pag-asang mapapahupa niya ang galit ni Esau. Nang gabing iyon, lumayo si Jacob sa kanyang mga asawa at mga anak. Habang nagiisa at natatakot para sa kanyang buhay, ng dakong hatinggabi, isang lalaki ang nakipagbuno kay Jacob na nalaman niya pagkatapos na mismong ang Diyos (Genesis 32:22-31). Tinapik ng lalaki ang balakang ni Jacob at nalinsad ang buto niya doon, ngunit tumanggi pa rin si Jacob na bitawan ang lalaki hanggang sa mag-umaga. Humingi siya ng pagpapala sa lalaki at sinabihan siya nito, "Ang iyong pangalan ay hindi na tatawaging Jacob, kundi Israel; sapagkat ikaw ay nakipaglaban sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay " (Genesis 32:28). Tinanong ni Jacob ang lalaki kung ano ang pangalan nito at naunawaan niya na ang Diyos pala ang kanyang katunggali. Pinangalanan ni Jacob ang lugar ng 'Peniel,' at kinilala na nakita niya ang Diyos ngunit hindi siya namatay. Ang pakikipagbunong ito at ang pagbabago ng kanyang pangalan ang marka ng bagong pasimula para kay Jacob. .

Hindi naganap ang pagatakeng kanyang kinatatakutan sa muling pagkikita nila ni Esau: "At tumakbo si Esau upang salubungin siya, niyakap siya, niyapos siya sa leeg, hinagkan at sila ay nag-iyakan" (Genesis 33:4). Inalok ni Esau na sasamahan niya si Jacob habang daan. Tumanggi si Jacob at sinabi na masyadong malaki ang kanyang pamilya. Tinanggihan din ni Jacob ang alok ni Esau na magiiwan ito ng ilang tauhan para tulungan sila. Tila hindi pa ganap na pinagtitiwalaan ni Jacob ang kanyang kapatid, kaya sa halip na katagpuin si Esau sa Seir, dinala ni Jacob ang kanyang pamilya sa panibagong ruta at nanirahan sa El Elohe Israel o "makapangyarihan ang Diyos ng Israel." Bagama't binigyan siya ng Diyos ng bagong pangalan, nakahanda pa rin si Jacob sa mga taong magtatangkang mandaya sa kanya. Makikita natin dito ang katotohanan na ang mga taong laging nagiisip na mandaya sa iba ay laging naghihinala sa motibo ng iba at hindi ganap na natatahimik.

Itinala sa Genesis 34 ang panggagahasa sa kaisa-isang anak na babae ni Jacob na si Dina at ang paghihiganti ng kanyang mga kapatid na sina Simeon at Levi sa buong komunidad ng salarin. Muli, makikita natin na ang ugali ng mga magulang ay naipapasa sa mga anak kung paanong dinaya ng dalawa ang kanilang mga kaaway. Nagalit si Jacob sa kanyang mga anak at bilang pagsunod sa tagubilin ng Diyos, bumalik silang muli sa Bethel (Genesis 35:1) kung saan muling nagpakita ang Diyos kay Jacob at inulit ang pangako na lalabas sa kanya ang maraming hari at mga bansa at magiging mana niya ang lupain na ipinangako ng Diyos sa kanyang mga ninuno (Genesis 35:11-12).

Kalaunan, lumipat ang pamilya ni Jacob mula Bethel patungong Eder. Habang daan, isinilang ni Racquel ang kanyang ikalawang anak, ang ikalabindalawang anak ni Jacob na si Benjamin. Namatay si Racquel sa panganganak. Namatay din si Jacob sa Mamre kung saan inilibing ang kanyang amang si Isaac. Sa Mamre din magkasamang inilibing nina Jacob at Esau ang kanilang amang si Isaac.

Gaya ng kanyang ina, may paborito din si Jacob. Si Racquel ang kanyang paboritong asawa, at ang kanilang mga anak, si Jose at Benjamin ang kanyang paboritong mga anak. Sa katunayan, sobrang minahal ni Jacob si Jose anupa't pinagselosan ito ng kanyang mga kapatid at ipinagbili bilang alipin. Ngunit kasama ni Jose ang Diyos, at sa huli umunlad siya sa Egipto at iniligtas ang kanyang ama at ang kanyang buong pamilya mula sa tag-gutom. Namatay si Jacob sa Egipto at inembalsamo sa kahilingan ni Jose (Genesis 49:29—50:3).Dinala nina Jose at ng kanyang mga kapatid ang labi ni Jacob pabalik sa Canaan at inilibing katabi nina Abraham, Sarah, Isaac, Rebecca, at Leah. Bago ang kanyang kamatayan, binasbasan ni Jacob ang kanyang labindalawang anak at hiniling na ilibing siya sa libingang binili ni Abraham. Binasbasan din ni Jacob ang dalawang anak na lalaki ni Jose at ibinigay ang pagpapala ng pagkapanganay sa mas nakababata. Hindi gaya ng kanyang amang si Isaac na nadaya sa pagbibigay ng basbas sa kanya, pinagkrus ni Jacob ang kanyang mga kamay para ibigay ang kanyang basbas sa dalawa.

Ang pagkakatulad sa buhay nina Abraham, Isaac at Jacob ay kapuna-puna. Sa kanilang mga kuwento, makikita natin ang kahalagahan ng pamilya at ang impluwensya ng halimbawa. Ang mga tema gaya ng pandaraya, paboritismo, awayan sa pamilya, hindi inaasahang pagpapala, muling pagkakasundo at pananampalataya ay dumadaloy sa mga salaysay. Makikita natin na tapat ang Diyos sa Kanyang mga pangako. Pinipili Niyang isakatuparan ang mga layunin ng Kanyang kaharian sa pamamagitan ng mga makasalanang tao na handang sumampalataya sa Kanya. Maaari Niyang gawing bago ang makasalanang mga tao—binigyan si Abram ng bagong pangalang Abraham, si Jacob ng bagong pangalang Israel, at ginagawang bagong nilalang ang mga sumasampalataya kay Jesus (2 Corinto 5:17). Bagama't maaari pa rin tayong dalawin ng ating makasalanang pamumuhay, nakakatagpo tayo ng kapatawaran mula sa ating mga kasalanan kay Cristo gayundin ng kakayahang magtagumpay. Iniimbitahan tayong makibahagi sa gawain ng Diyos sa mundo. May mga bago tayong pangalan at mapagtitiwalaan natin ang Diyos na paulit-ulit na pinatunayang tapat siya sa Kanyang mga pangako.

Ang pangalan ni Jacob na "mandaraya," ay tila makikita sa malaking bahagi ng kanyang buhay. Ngunit siya rin si Israel, ang pinangakuan ng Diyos na nanatiling tapat sa Kanya.Nagpakita ang Diyos kay Jacob, at nagtiwala si Jacob sa Kanyang mga pangako. Sa kabila ng mga kahinaan ni Jacob, pinili siya ng Diyos para maging lider ng isang dakilang bansa na nagtataglay ng kanyang pangalan hangang sa panahong ito. Walang malaking karunungan at katapangan si Jacob at matutukso tayong ituring siya bilang isang mahinang instrumento ng Diyos. Kung natutukso tayong tingnan ang ating sarili na gaya ni Jacob dahil hindi tayo ang sentro ng mga dakilang gawain ng Diyos sa mundo, at hindi tayo mahalaga sa Kanya, nararapat nating alalahanin ang buhay ni Jacob at tandaan na, sa kabila ng ating mga kabiguan, maaari pa rin tayong gamitin ng Diyos para sa Kanyang mga plano.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Jacob?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries